Miyerkules, Disyembre 31, 2025

Solo man sa bisperas ng Bagong Taon

SOLO MAN SA BISPERAS NG BAGONG TAON

di ko hinahanap ang kasiyahan
sa pagpalit ng taon, bakit naman?
buti kung sistema ang napalitan
natayo na'y makataong lipunan

sasalubungin ko ba ng paputok
ang Bagong Taong namumuno'y bulok
kung mga buwaya ang nakaluklok
kung mga buwitre ang nasa tuktok

aanhin ko ang maraming pagkain
kung simpleng buhay sapat na sa akin
buti pang may aklat na babasahin
kaysa daliri'y maputukan man din

Bagong Taon nga, kayrami pang buktot
na pondo ng bayan ang kinurakot
tumitindi ang sistemang baluktot
may pag-asa pa ba, nakalulungkot

sa Bagong Taon, patuloy ang laban
hangga't kaytindi ng galit ng bayan
sa mga trapong walang kabusugan
na buwis ng bayan ang sinasagpang

- gregoriovbituinjr.
12.31.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang kahalagahan ng tuldik

ANG KAHALAGAHAN NG TULDIK talagang mahalaga ang gamit ng tuldik na nilalagay sa ibabaw ng patinig upang maunawà ang bigkas ng salitâ at wast...