Linggo, Disyembre 28, 2025

Kasaysayan at kabayanihan

KASAYSAYAN AT KABAYANIHAN

kahapon lamang ay nag-usap ang Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
ano nga ba ang kasaysayan ng kabayanihan?
ano ang kabayanihan ng nasa kasaysayan?

nakapag-usap kami sa bahay ni Ninong Dadò
hinggil sa buhay, samahan ba'y saan patutungò?
saysay ng kasaysayan, paano bansa'y nabuô?
sa pamilya ni Sidhay, ngalan nila'y katutubò

kasamang Kikò sa pamumuno'y nagpanukalà:
sa limang Ga mamulat mga pinunò sa bansâ
yaong Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpalà
mula katutubong lirip, di kanluraning diwà

nabanggit ko ang kay Jacinto'y Liwanag at Dilim
malayang akdang sa kaytinding liwanag ay lilim
lalo ngayong ang bansa'y kinakanlungan ng lagim
ng mga kurakot sa krimeng karima-rimarim

kay Ka Jed, panulat na Baybayin sa Amerika
binalita ng anak niyang antropolohista
salitang busilak, tapat at taya'y nabanggit pa
mga bayani'y itinaya ang buhay talaga

nagbigay ng malalim na diwa si kasamang Ric
na saliksik sa kasaysaya'y dapat matalisik 
si Ate Bel, inasikaso'y librong sinaliksik
habang sa sansulok, nagsulat ako ng tahimik

- gregoriovbituinjr.
12.28.2025    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kasaysayan at kabayanihan

KASAYSAYAN AT KABAYANIHAN kahapon lamang ay nag-usap ang Kamalaysayan o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan ano nga ba ang kasaysayan ng kab...