Huwebes, Nobyembre 20, 2025

Hilakbot ng kurakot

HILAKBOT NG KURAKOT

hilakbot ng kurakot
ay nakapanlalambot
dapat silang managot
sa inhustisyang dulot

sa bayang binabalot
ng sistemang baluktot,
oligarkiyang buktot
dinastiyang balakyot

sadyang nakatatakot
ang gawa ng kurakot:
krimeng may pahintulot
di man lang nagbantulot

batas na'y binaluktot
ang kaban ay hinuthot
ang buwis ay dinukot
bilyong piso'y hinakot

ng mga trapong buktot
at kuhilang balakyot
na dapat lang managot
at walang makalusot

bansa'y nangingilabot
sa mga ganyang gusot
krimen nilang dinulot
sa bansa nga'y bangungot

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

* litrato kuha sa Plaza Bonifacio sa Pasig noong Nobyembre 8, 2025, bago magsimula ang Musika, Tula, Sayaw sa "Pasig Laban sa Korapsyon"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang skyscraper sa Abu Dhabi

ANG SKYSCRAPER SA ABU DHABI sa kaylaking skyscraper sa Abu Dhabi ay makikita ang kaaya-ayang mukhâ ni  Alex Eala  at ng ating bandilĂ  na isa...