Lunes, Setyembre 23, 2024

Pera ng bayan

PERA NG BAYAN

paano ba dapat gamitin ang pera ng bayan?
dapat batid iyan ng sinumang nanunungkulan
dahil sila'y halal, ibinoto ng taumbayan
dapat sa kapakanang pangmasa ang katapatan

perang di dapat magamit sa sariling interes
kundi sa kapakanan ng maraming nagtitiis
sa hirap dahil sa kapritso ng kuhila't burgis
na katiwaliang ginawa'y makailang beses

dapat pera ng bayan ay gamitin sa serbisyo
ngunit di sa kapakanan ng tusong pulitiko
di para sa dinastiyang pulitikal at trapo
at lalo na, serbisyo'y di dapat ninenegosyo

kayraming corrupt na pera ng bayan ay inumit
iba'y ginagamit upang sila'y iboto ulit
dapat batid nilang iulat paano nagamit
ang pera ng bayan, gaano man iyon kaliit

ah, wala tayong kakampihan sa sinumang paksyon
ng naghaharing uri, kampon man niya o niyon
maging tapat lang ang halal sa sinumpaang misyon
ay makatitiyak ng suporta sinuman iyon

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat at litrato mula sa People's Journal Tonight, Setyembre 23, 2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Papogi lang ang mga trapo

PAPOGI LANG ANG MGA TRAPO ibinulgar ng Mambubulgar ang katotohanan na ibinotong mga artista'y papogi lamang na di makapagserbisyo ng mat...