Sabado, Mayo 4, 2024

Muli, tsaa't pandesal

MULI, TSAA'T PANDESAL

binili kong muli ay pandesal
at tsaang lagundi sa almusal
upang sa maghapon ay tumagal
sa mga gawang nakapapagal

ay, nakapapagod ding mag-isip
ng mga akdang di pa malirip
minumutya ko ba'y masasagip
mula sa masamang panaginip

aking kasangga ang manggagawa
laban sa sistemang mapanira
at pagsasamantalang kuhila
upang bayang ito'y mapalaya

itatala bawat kaganapan
ikukwento bawat sagupaan
pilit babaguhin ang lipunan
at gawing patas ang kalakaran

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pamasahe ng ubanin

PAMASAHE NG UBANIN ‎kapag nagbayad ako ng bente ‎imbes ang sukli ko ay siyete ‎susuklian ako ng nuwebe ‎dapat pamasahe ko ay trese ‎akala se...