Huwebes, Mayo 23, 2024

Ipasa ang klase

IPASA ANG KLASE

sabi nila, mag-aral kang maigi
upang kinabukasan mo'y bumuti
kaya huwag mong ibagsak ang klase
ginawa nila lahat ng diskarte
upang umahon sa pagiging pobre

lalo't magulang mo'y todo ang kayod
pinagkakasya ang mababang sahod
minsan, sa amo pa'y naninikluhod
nang makabale't may maipamudmod
sa anak na sa pag-aaral lunod

kapitalismo kasi ang sistema
na ang edukasyon ay bibilhin pa
dapat pag-ipunan ang matrikula
kayod-kalabaw sina ina't ama
pahalagahan mo ang hirap nila

pag sistemang bulok ay napalitan
at naging makatao ang lipunan
edukasyon ay di na kalakalan
di tubo ang misyon ng paaralan
kundi kagalingan ng mamamayan

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...