Biyernes, Enero 12, 2024

Bawat tula'y tulay sa paglaya

BAWAT TULA'Y TULAY SA PAGLAYA

tutulaan kita kahit himbing
o pag nananaginip ng gising
kumakatha habang naglalambing
sa banig man ay pabiling-biling

sasabihin ko sa iyong ganap
anong nasa kabila ng ulap
ano bang mga pinapangarap
nang buhay ay di aandap-andap

na parang kandilang nauupos
dahil sa mga pambubusabos
ng uring gahaman, tuso't bastos
na mapangmata sa dukha't kapos

bawat tula'y tulay sa paglaya
ng dalita't uring manggagawa
ito ang sa buhay ko'y adhika
bilang tibak at makatang gala

- gregoriovbituinjr.
01.12.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Di kinuhang basura ng namamaskong basurero

DI KINUHANG BASURA  NG NAMAMASKONG BASURERO basura raw, sabay abot ng sobre kahit barya lang ay maglagay kami ganyan ang gawa, magpapasko ka...