Miyerkules, Abril 5, 2023

Pag nagising ng dis-oras ng gabi

PAG NAGISING NG DIS-ORAS NG GABI

karaniwan, napapaaga ng tulog sa gabi
ikapito o ikawalo'y pipikit na dine
upang gumising lamang sa ganap na alas-dose
upang magmuni-muni at tumitig sa kisame

o kaya't tulog ng ikasiyam o ikasampu
upang madaling araw ay gigising, may nahango
na namang paksa habang tulog, dapat nang humayo
muli't kakatha, naninibugho o sumusuyo?

maagang matulog upang ipahinga ang isip
at katawan sa maghapong gawaing nalilirip
gigising sa hatinggabing animo'y naiinip
isulat ang binulong ng mutya sa panaginip

katawa'y nagpapahinga, ngunit gising ang diwa
isusulat agad ang paksa upang di mawala
ilang kataga, pangungusap, o maging talata
na sa diwa'y nag-uumalpas, nais kumawala

kaya naritong nagsusulat, madalas mapuyat
na pag sa tanghali'y inaantok, nakamulagat
pagkat gabi'y ginigising ng diwata sa gubat
upang akin daw kathain ang bulong na alamat

- gregoriovbituinjr.
04.05.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tagumpay

TAGUMPAY oo, ilang beses mang dumating kaytinding kabiguan sa atin tayo'y magpatuloy sa layunin tagumpay ay atin ding kakamtin iyan ang ...