Lunes, Pebrero 27, 2023

Palaisipan

PALAISIPAN

kailangan daw hasain yaring isipan
upang di kalawangin sa pamamagitan
ng pagsagot ng sudoku't palaisipan
na malaking tulong sa ating kalusugan

palaisipan sa akin bakit sinabi
ang ganoon, nag-uulyanin na ba kami
o nagpayo lang kung anong makabubuti
sa amin nang di naman mawalan ng silbi

bata pa lamang ako'y nakagawian na
ang pagsagot nito sa dyaryong nababasa
ehersisyo sa diwa, kahali-halina
tila nilulutas mo ang x sa aldyebra

ano ang lohika, anong sagot sa dulo
sasagutin mo maging titik o numero
matuto sa bokabularyong Pilipino
at masanay sa matematika't sudoku

- gregoriovbituinjr.
02.27.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...