Lunes, Pebrero 20, 2023

Ikalawang kamiseta

IKALAWANG KAMISETA

kagabi, kararating pa lamang namin sa Tanay
ikalawang kamiseta'y kanilang ibinigay
na tatak ay "Stop Kaliwa Dam" na aming pakay
na dapat naming kamtin sa mahabang paglalakbay

limang araw ko nang suot ang binigay sa Sulok
nanlilimahid na, marumi na dahil sa gabok
mabuti't may bago kaming tshirt, nakalulugod
sa natitirang apat na araw pa'y isusuot

kailangang lagi naming suot upang makita
ng masa't ng midya ang aming isyung dala-dala
makitang sa panawagan kami'y nagkakaisa
nagkakapitbisig sa layon, seryoso talaga

dahil buhay at kinabukasan ng katutubo
ang nakataya, lalo na ang lupaing ninuno
ang Sierra Madre'y isang kabundukang pangako
na ayaw nilang dahil sa dam tuluyang maglaho

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Naglalakad pa rin sa kawalan

NAGLALAKAD PA RIN SA KAWALAN nakatitig lamang ako sa kalangitan tilà tulalâ pa rin doon sa lansangan parang si Samwel Bilibit, lakad ng laka...