Huwebes, Nobyembre 24, 2022

Bakas

BAKAS

may kurot sa dibdib sa gaya naming maralita
na namumuhay ng marangal ngunit sinusumpa
may kirot sa puso't tinuturing na hampaslupa
kaya dignidad nami'y pinagtatanggol na lubha

kaya maging aktibista'y taospusong niyakap
dahil tulad ninuman, kami rin ay nangangarap
ng maunlad na buhay na di pansariling ganap
kundi pangkalahatan, ang lahat ay nililingap

isinasabuhay ang panuntunang aktibista
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
kamtin ang karapatan at panlipunang hustisya
pakikipagkapwa't paglilingkod sa uri't masa

patuloy na pupunahin ang mga kabulukan
kapalpakan at katiwalia'y nilalabanan
di lang pulos dayuhan kundi tusong kababayan
lalo ang lingkod bayang di nagsisilbi sa bayan 

sinusundan namin ay bakas ng mga bayani
na binabaka'y pagsasamantala't pang-aapi
ang tungkulin ko'y para sa bayan, di pansarili
alay ang buhay para sa tao; tayo, di kami

- gregoriovbituinjr.
11.24.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Anapol adey

ANAPOL ADEY sinunod ko na rin ang kasabihang "an apple a day keeps the doctor away" mahalaga kasi sa kalusugan ang mansanas kaya h...