Miyerkules, Abril 20, 2022

Sa pamamaril kina Ka Leody

SA PAMAMARIL KINA KA LEODY

nakabibigla ang mga naganap
habang sila ay nakikipag-usap
sa mga katutubo't nagsisikap
malutas ang isyung kinakaharap
ngunit buhay nila'y puntiryang ganap

pinagbabaril sina Ka Leody
ng kung sinong di pa natin masabi
natamaan ay ang kanyang katabi
kung nagawa sa magpe-presidente
lalong magagawa sa masang api

ayon sa ulat ay nangyari iyon
sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon
sa tribu ng Manobo-Pulangiyon
lima ang sugatan sa mga iyon
buti't walang namatay sa naroon

pinagtangkaan ang kanilang buhay
ng kung sinong mga nais mang-agaw
ng lupang ninunong talagang pakay
bago iyon ay niralihang tunay
ang minahan, isyu iyong lumitaw

walang negosasyon, sadyang madugo
pag patungkol na sa lupang ninuno
na nais maagaw sa katutubo
isyung dapat ngang malutas ng buo
buti't walang namatay, salamat po

ingat kayo diyan, mga kasama
sa patuloy ninyong pangangampanya
sana, biktima'y kamtin ang hustisya
sinumang maysala'y mapanagot pa
isyu'y mapag-usapan, malutas na

- gregoriovbituinjr.
04.20.2022

* mga litrato mula sa fb

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...