Sabado, Marso 5, 2022

Tibak

TIBAK

nais kong mabuhay / nang may katuturan
na nirerespeto / bawat karapatan
ipinaglalaban / yaong katarungan
na dapat makamit / nitong mamamayan

kaya aking nais / maisulat lagi
ang pakikibaka / ng inaaglahi
kawalang hustisya'y / di na maaari
dapat nang pawiin / ang panduduhagi

ako'y isa lamang / karaniwang tao
subalit niyakap / sa puso'y prinsipyo
ng uring obrero / o ng proletaryo
babaguhin itong / nasisirang mundo

simple ang layunin, / payak na adhika
na para sa masa't / uring manggagawa
ito ako, simpleng / lider-maralita
pagbabagong nais / ay para sa madla

nais kong pukawin / bilang manunulat
itong sambayanan / ay aking mamulat
upang baligtarin / tatsulok na sukat
kung ito'y magawa / maraming salamat

- gregoriovbituinjr.
03.05.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kung ako ang bituin

KUNG AKO ANG BITUIN kung ako ang bituin sa iyong panaginip anong madarama mo? kaysarap bang umidlip? kung ako ang bituing natatanaw sa langi...