Lunes, Enero 31, 2022

Kaplastikan

KAPLASTIKAN

"A single piece of plastic can kill sea turtles. 
WE ARE SORRY. NEVER AGAIN."
- ayon sa isang billboard advertisement

nabasa ko sa kartelera o billboard ang ulat
na sadyang nakakabahala ang balitang sukat
di ko sukat akalain yaong nakagugulat
na sa kagagawan ng tao'y nangyari ang lahat

balita iyong pag nabasa mo'y kahindik-hindik
namatay ang pawikan nang makakain ng plastik
dahil sa ating basura, mata nito'y tumirik
akala'y pagkain ang plastik, lagim na'y nahasik

umiiral sa lipunan ay pawang kaplastikan
sapagkat paligid ay ginagawang basurahan
sa tahanan, labas ng bahay, opis, karagatan
tuluyan nang napariwara ang kapaligiran

lumahok ako noon sa paggawa ng ekobrik
bilang aking tugon sa mga binasurang plastik
sa laot ay laksang upos, prinoyekto'y yosibrik
mga proyektong pakiramdam ko'y kasabik-sabik

na sa kalikasan, dama mo'y nakakatulong ka
upang maibsan ang plastik at upos na basura
na kahit mag-isa lang ay may ginagawa pala
paano pa kung taumbayan ang magtulungan na

- gregoriovbituinjr.
01.31.2022

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang bus carousel

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Anapol adey

ANAPOL ADEY sinunod ko na rin ang kasabihang "an apple a day keeps the doctor away" mahalaga kasi sa kalusugan ang mansanas kaya h...