Biyernes, Setyembre 10, 2021

Nilay

NILAY

di ko matingkala ang kulay ng kaginhawahan
dapat nga bang mangasul ang kulay ng kalangitan
kayrami nang gamot ang sa loob ko'y nagsiksikan
habang mga paruparo'y naglipana sa tiyan

sa totoo lang, hindi masarap ang magkasakit
na nalalasahan ko'y mapapakla't mapapait
wala nang kahali-halina sa gabing pusikit
lalo't di na marinig ang nagsisiyapang pipit

araw-gabi'y patuloy pa rin kaming nagsusuob
kung saan ang aking mukha sa init nakasubsob
habang kinakapa ko anumang nasasaloob
sa prinsipyong tangan ay nananatiling marubdob

di kayang ligaligin ng sakit itong pagkatha
lalo pa't naririyang buhay ang mga salita
ang mga pluma man ay gumuguhit ng pagluha
subalit ang makata'y di titigil sa paglikha

- gregoriovbituinjr.
09.10.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...