Huwebes, Setyembre 30, 2021

Ka Ipe

KA IPE

Taasnoong pagpupugay, Ka Ipe Faeldona!
Lider-manggagawa, bayani, sadyang makamasa
Isang magaling na edukador at aktibista
Isang ganap na rebolusyonaryo't sosyalista

Madalas kong makasama sa pulong ng B.M.P.
Lalo't ako'y minutero sa pulong na nasabi
Matututo ka sa kanya, sa bayan ay nagsilbi
Payo niya'y mananatili sa isip maigi

Isa kang moog ng uring nagbigay halimbawa
Mahusay na organisador, tila walang sawa
Bise presidente ng SUPER, matalas ang diwa
Tunay na kasama ng manggagawa tungong paglaya

Mga aral at karanasan mo'y dapat mapagnilay
Ng mga manggagawang iwing buhay mo'y inalay
Ka Ipe, isa pong taaskamaong pagpupugay
Tunay kaming sumasaludo, mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

* binasa sa luksang parangal kay Ka Ipe Faeldona, gabi ng 09.30.2021 sa zoom
* litrato mula sa fb page ng BMP

Pagngata ng hilaw na bawang

PAGNGATA NG HILAW NA BAWANG

isa itong gamot na pampalusog ng katawan
na aking natutunan sa mahahabang lakaran
na pampalakas ng kalamnan, nitong kalusugan
na talagang nakatulong sa puso ko't isipan

at nang ako'y nagka-covid ay muli ngang ngumata
ng hilaw na bawang, na halamang gamot ng madla,
na payo ng mga kapatid kong nababahala
na para sa kalusugan ay sinunod kong sadya

sa mga saliksik, halamang gamot na magaling
ang bawang, di lang sa lutuin, kundi kung nguyain
altapresyon, ubo, rayuma, sadyang ngangatain
katas ng dinikdik na bawang sa mga hikain

bawang na allium sativum ang pangalang pang-agham
panglinis ng sugat ang katas ng sariwang bawang
pati na rin sa impeksyon ng mikrobyo sa tiyan
sa daluyan ng pagkain ay panglinis din naman

pagngata ng bawang ay malaking tulong sa akin
upang covid ay malabanan, malunasan na rin
di man maganda ang lasa, ito lang ay tiisin
basta para sa kalusugan, bawang ay ngatain

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Pinaghalawan ng ilang datos:
https://en.wikipedia.org/wiki/Garlic
https://ph.theasianparent.com/benepisyo-ng-bawang

Sabaw ng buko

SABAW NG BUKO

at muli akong nakainom ng sabaw ng buko
upang linisin ang bituka't tumibay ang buto
anila, pinipigil nito ang sakit sa bato
may kalsyum, magnesyum, potasyum, posporus pa ito

itinuring ang sabaw nitong inuming pangmasa
mula sa puno ng niyog na napakahalaga
sa kalusugan ng mamamayan, ng iyong sinta
salitang agham ng niyog ay cocos nucifera

pag naubos ang sabaw ng buko'y may makakain
pang masarap na puting laman, iyong kakayurin
sa loob ng matigas na bao bago namnamin
sabaw ng buko pa'y gata sa maraming lutuin

tara, at kita'y magsihigop ng sabaw ng niyog
o buko upang pangangatawan nati'y lumusog
sabaw ng buko'y mula puno ng buhay, O, irog!
ang inumin ng masa habang mundo'y umiinog

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Miyerkules, Setyembre 29, 2021

Ang gubat na katabi

ANG GUBAT NA KATABI

pinayagan akong lumabas upang magpainit
kung dati'y pulos kisame, nasilayan ko'y langit
mabuti raw ang init ng araw sa nagkasakit
na bitamina sa katawan kahit man lang saglit

at natitigan kong muli ang gubat na katabi
nitong bahay sa bundok, talagang nakawiwili
wala kasi sa kinalakhang lungsod ang ganiri
mapuno, tila ba mga Mulawin ay narini

nais kong puntahan ang madawag na kagubatan
subalit mag-ingat dahil baka may ahas diyan
na baka iyong maapakan, tuklawin ka niyan
tulad din ng ahas sa lungsod na dapat ilagan

kaysarap masdan ng punong hinahagkan ng ulap
na tila baga kakamtin mo ang pinapangarap
gubat na tahanan ng hayop at ibong mailap
may mga diwata rin kaya roong nangungusap?

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Unang luto

UNANG LUTO

kayrami nang ginagawa ni misis sa maghapon
siya pa rin bang magluluto ng pagkain ngayon?
maglilinis, maglalaba, patutukain yaong
alagang higit sa apatnapung manok na iyon

oo, nais kong tulungan si misis sa gawaing
bahay, huwag lang mabinat habang nagpapagaling
kanina, sardinas ay sinubukan kong gisahin
sapul magka-covid, iyon ang una kong lutuin

alam kong pagod lagi si misis mag-asikaso
dalawang pamangkin pa'y nasa ospital, hay naku!
kaya pinalalakas ko naman ang sarili ko
basta bilin niya, mag-face mask, alkohol, sundin ko

sa kusina, ginayat ko ang sibuyas at bawang
binuksan ang lata ng sardinas na walang anghang
iginisa ko naman sa kawali, tama namang
iyon ang una kong luto't huli ring gas sa kalan

ginisang sardinas nga'y inulam namin kanina
tapos na rin ang katorse araw kong kwarantina 
datapwat walang swab test na ako'y negatibo na
subalit dapat pa ring mag-ingat, inuubo pa

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Kinakapos na hininga

KINAKAPOS NG HININGA

nag-positibo sa covid at nagpapagaling na
ngunit madalas pa ring kinakapos ng hininga
marahil baka kulang pa rin ako sa pahinga
at baka oksiheno ko'y di pa sapat, kulang pa

bago matulog sa gabi'y madalas maramdaman
inom munang tubig hanggang ito'y makatulugan
datapwat sa umaga'y di ko naman ito ramdam
basta lang may handang tubig sa tabi ng higaan

sa oxymeter, higit nobenta ang oksiheno
panay pa rin ang ginagawang pagsusuob dito
biskwit, isda, gulay at prutas ang kinakain ko
umaasa pa ring lalakas at gagaling ako

pampalusog na ulam at masarap pa ang kanin
upang lumakas at ang hininga'y di na kapusin
may talbos ng sayote, kamote, at petsay na rin
o kaya'y isda para sa protina nitong angkin

panay pa rin ang inom ng gamot at bitamina
mag-inhale, mag-exhale, mag-ehersisyo sa umaga
at higit sa lahat, huwag gutumin ang bituka
asam kong di na ako kapusin pa ng hininga

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Martes, Setyembre 28, 2021

Kisame

KISAME

pansin ko, kayrami ko palang tula sa kisame
kung di nakatingala ay nakahiga lang dine
nang dahil sa covid ay talagang di mapakali
tila ba kisame sa pagkakasakit ko'y saksi

pagkamulat sa umaga'y tatambad ang kisame
at nakatitig pa rin doong pipikit sa gabi
habang inaasam na kalagayan ay umigi
nang dahil sa covid, nakatunganga't panay muni

napagtanto kong samutsari ang mga kisame
na may iba't ibang disenyo, hugis, kulay, arte
tila ba ako'y saksi sa maraming pangyayari
kung di butiking salbahe, langgam na nagdebate

tabing sa gabing anong lamig ang abang kisame
at dingding na kahoy habang dama'y di maiwaksi
sa tag-ulan, bubong at kisame'y kaylaking silbi
panatag ka, nang musa'y dumalaw sa guniguni

- gregoriovbituinjr.
09.28.2021

Pipino't kamatis

PIPINO'T KAMATIS

pampalusog muli itong paalmusal ni misis
aba'y kaysarap na ulam ng pipino't kamatis
pampalakas na, aba'y pampakinis pa ng kutis
mga pagkain itong pagsinta'y di nagmimintis

pipino'y cucumis sativus ang ngalang pang-agham
na mataas sa nutrient, isang anti-oxidant
siyamnapu't limang porsyento'y tubig yaong laman
pampalusog din ng bato, sa kanser ay panlaban

ang kamatis naman ay solanum lycopersicum
may taglay na vitamin C at K, folate, potasyum
matagal ko ring nakasama lalo't nagugutom
at malaking tulong sa saliksik ko't paglalagom

kaya pipino't kamatis ay kaygandang almusal
pampatibay ng kalamnan, di ka basta hihingal
malinaw ang pananaw sa lipunang umiiral
sa anumang problema'y pag-asa ang niluluwal

- gregoriovbituinjr.
09.28.2021

Lunes, Setyembre 27, 2021

Paglipat ng silid

PAGLIPAT NG SILID

Mabuhay! sa swab test, si misis ay nag-negatibo
kaya napagpasyahang magpa-disinfect ng kwarto
ngayong araw, lumipat akong silid, obligado
nang buong kabahayan ay ma-disinfect ng todo

pinalabas ako't sa ibang bahay pinalipat
pansamantala habang pinapausukang sukat
ang buong bahay, at bagong silid ay sinisipat
datapwat sa naroong kisame'y napamulagat

sa loob ng bagong kwarto'y tila may pagkasabik
tinitigan ko ang kisame, anong natititik
anong talinghaga ang naroroong nakaukit
piping dilat akong sa haraya'y may nakapagkit

tila nakikinita ko'y langit na anong puti
datapwat damang tatagal pa ang buhay kong iwi
habang pinagpapatuloy ang pagtula ko't mithi
habang ipinagtatanggol ang mga inaglahi

- gregoriovbituinjr.
09.27.2021

Linggo, Setyembre 26, 2021

Kayganda ng umaga

KAYGANDA NG UMAGA

kayganda ng umagang sumilang sa niloloob
habang nagpapatuloy pa kami sa pagsusuob
bangis ng virus ay dapat madurog at makubkob
at mabubuting selula ang dito'y magsilusob

salubunging masigabo ang umagang kayganda
sapagkat tanda ng pag-asam ng bagong pag-asa
lalo't dumila ang init ng araw sa balana
naninilay na wala na sanang magka-covid pa

inhale, exhale pa rin, mag-ehersisyo ng katawan
bagamat bawal pang lumabas sa abang higaan
huwag laging nakatunganga't kisame'y pagmasdan
kundi igalaw-galaw rin ang tuhod at katawan

O, kayganda ng umagang ang salubong ay ngiti
at pasasalamat ang sa labi mamumutawi
salamat sa buhay at naritong nananatili
upang ipagpatuloy ang adhikain at mithi

- gregoriovbituinjr.
09.26.2021

Sabado, Setyembre 25, 2021

Meryendang mansanas

MERYENDANG MANSANAS

bata pa noon nang marinig ko ang kasabihang:
"An apple a day keeps the doctor away," tunay namang
kasabihang ito'y tumagos sa puso't isipan
lalo't nagkasakit, sawikaing ayaw bitiwan

naririnig ko lang noon ngunit di nababatid
ang kabutihang dulot ng mansanas sa maysakit
ika nga, kumain ka nito't gaganda ang kutis, 
lulusog ang katawan, pampalusog din ng isip

nang minsang nagdala si tatay ng isang mansanas
ito'y hinati sa magkakapatid ng parehas
lahat kami'y pantay sa pasalubong na madalas
tila turo ni tatay, sa hatian dapat patas

at ngayong ako'y may covid ay binigyan ni misis
nitong mansanas habang sa kisame'y nakamasid
pasasalamat kay misis na mahusay mag-isip
upang ako'y gumaling sa covid na anong lupit

- gregoriovbituinjr.
09.25.2021

Biyernes, Setyembre 24, 2021

Bartolina

BARTOLINA

tila ba ako'y nakabartolinang walang rehas
sa isang kwartong mapanglaw bagamat may liwanag
nasa silid lang, di basta maaaring lumabas
dahil sa covid, baka maimpeksyon, di panatag

maliit na kwartong tahanan ng maraming araw
tahimik man doon subalit sadyang namamanglaw
dahil sa covid, kinabukasan ay di matanaw
lalo't hipag at biyenan sa covid na'y pumanaw

kaya ako'y damhin mo, talagang di mapakali
lalo na't sa salot na sakit ay sadyang sakbibi
aba'y saulo ko na nga ang hugis ng kisame
pagkat doon nakatitig sa bawat pagmumuni

sana'y gumaling na't makawala sa bartolina
ng bangungot ng covid at hawla ng pagdurusa
balang araw, lalabas ako ritong malaya na
pagkat gumaling na't kaharap ay bagong umaga

- gregoriovbituinjr.
09.24.2021

Huwebes, Setyembre 23, 2021

Kwadernong itim

KWADERNONG ITIM

di ko tanda kanino galing ang kwadernong itim
na binigay marahil sa akin ng gurong lihim
nakakatakot ba sakaling lamunin ng dilim?
may kapayapaan nga ba sa baligtad na talim?

Kampilan ni Lapulapu'y matalas at kaiba
Excalibur ni Arturo'y matalim ding espada
Katana'y baligtad ang talim ni Kenshin Himura
upang pumayapa ang mundo sa panahon nila

di mawawala ang dilim na muling bumabalik
tulad din ng tanghaling ang araw ay tumitirik
tulad ng saknong na may talinghagang natititik
tulad sa katahimikang minsan dapat umimik

kung kulay ng kwaderno ko'y itim, eh, ano naman
kung sinusulat ko rito'y mithing kapayapaan
habang nagpapagaling, pinapanday kong mataman
ang tugma't sukat, ang puso, diwa't pangangatawan

upang sa muling pakikihamok ay maging handa
upang muling hasain ang sandata ng makata
upang maging katuwang ng manggagawa't dalita
tungo sa lipunang magpakatao ang salita

- gregoriovbituinjr.
09.23.2021

Miyerkules, Setyembre 22, 2021

Ang tula

ANG TULA

ang tula ay di kapara ng tubig na mainit
na basta mo kakapehin pag may sumang malagkit
lagyan mo ng asukal pag barako'y anong pait
upang saknong at taludtod ay umayon nang rikit

sinusubukan kong laging makalikha ng tula
bawat araw, maipakitang ako'y sumisigla
positibo man sa covid na nakakatulala
kakatha habang nasa kisame nakatingala

datapwat minsan pag nagsasalita'y inuubo
sinusunod ang payo ng doktor at ng misis ko
upang gumaling, upang lumakas, upang magbago
ang katawan tungo sa malusog na pagkatao

talaga kong kathain ang anumang nalilirip
gayunman, di man makatula'y huwag ikainip
mahalaga'y magpahinga, di gaanong mag-isip
saknong at taludtod naman sa puso'y halukipkip

- gregoriovbituinjr.
09.22.2021

Martes, Setyembre 21, 2021

Paglilimbag

PAGLILIMBAG

oo, nais ko pa ring makapaglimbag ng libro
tulad ng nasimulan na ng Aklatang Obrero
Publishing Collective na naglalathalang totoo
ng mga prinsipyadong tula, sanaysay, at kwento

kaya habang positibo sa COVID, magpagaling
ingatan ang kalusugan, pangarap ay harapin
maipagpapatuloy ang nasimulang layunin
mga dating gawa'y maaari muling limbagin

may mga bagong tula't karanasan sa pandemya
ang tinipon dahil sa kakaiba nitong lasa
na habang may COVID, inaakda'y tagos at dama
na nilalabanan pa, at manapa'y gumaling na

marahil isang aklat ng mga bagong dalumat
katha sa pandemyang sa puso nga'y nakawawarat
ako'y gagaling, makapaglilimbag muling sukat
upang sa kapwa'y maibahagi ang tula't ulat

- gregoriovbituinjr.
09.21.2021

Prutas

PRUTAS

kainin na ang prutas bago pa iyon masira
sayang pag di napakinabangan, sinong kawawa
kaysa mabulok, kaysa hayaan, nariyan na nga
gagawin na nga lang ay kainin, di pa magawa?

itinanim, diniligan, inalagaan hanggang
ito'y lumago, tulad ng anak na minamahal
hanggang magbunga ng magaganda sa pinagtamnan
at handa nang pitasin sa panahon ng anihan

ganyan ang mga magsasaka, buhay magbubukid
ganyan ang buhay ng nagtatanim nating kapatid
buhay ng halaman, gulay at puno'y tinatawid
upang ito'y mamunga ng magaganda't matuwid

nariyan na sa mesa, huwag hayaang mabulok
kainin mo na hangga't di pa tuluyang malamog
lalo't biyaya ng kalikasan at gintong handog
pag hayaang mabulok, sa puso'y nakadudurog

- gregoriovbituinjr.
09.21.2021

Lunes, Setyembre 20, 2021

Alkohol

ALKOHOL

lagi kong dala saanman ang alkohol na iyon
tapat siyang kasangga ko saanman pumaroon
lalaging nariyan sa bulsa sa buong maghapon
at magdamag, di dapat wala, di man maglimayon

tulad ng face mask, face shield at pagso-social distancing
siya'y lalagi nang kasangga maging sa paghimbing
proteksyon laban sa virus habang nakagupiling
paranoia? dapat kita ko siya pag nagising

kaytindi ng pananalasa ng COVID sa bansa
kayrami nang namatay, kayrami nang nangawala
ang alkohol, bilang kasangga, ay sadyang dakila
kahit paano, dama mong may proteksyon kang sadya

ngunit di lang alkohol ang dapat nating asahan
kundi sa loob ng pamilya'y ang pagtutulungan
mahalaga ang pagkakaisa't pagbibigayan
kahit sa ating tabi, alkohol ay mawala man

- gregoriovbituinjr.
09.20.2021

Linggo, Setyembre 19, 2021

Panuntunan

PANUNTUNAN

sundin ang anumang bilin ni misis, ito'y naging
panuntunan ko na habang dito'y nagpapagaling
anong oras ng pagtulog, anong oras gigising
kayraming gulay na may sabaw ang aking kainin

gamot na iniinom ko'y di agad matandaan
samutsari, mga iyon ay sinulat ko naman
may tabletang sa tubig lulusawin ng mataman
subong sunud-sunod ng tableta'y ramdam ng tiyan

dapat alkoholan ang anumang mahawakan ko
laging may alkohol sa bulsa ng sweater o polo
laging magsuob, umaga, hapon, o gabi ito
pagkakain, bago matulog, nagsusuob ako

sa posisyon man ng pagtulog, tagilid ang higa
nakokonsentra raw ang virus pag nakatihaya
oksiheno'y laging tsine-tsek upang di bumaba
at kainin ang naririyang prutas na sariwa

na-confine sa ospital si Biyenan at pamangkin
na sa swab test, na tulad ko'y nagpositibo na rin
huwag iasa kay misis ang lahat, tulungan din
ang sarili upang makatulong din pag gumaling

huwag lalabas, sa kwarto lang, baka maimpeksyon
baka may malakas ang covid na naglilimayon
sundin lang si misis, sa kwarto lang, nang sa ganoon
ay bakasakaling gumaling din sa sakit ngayon

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Buko

BUKO

bukod sa virgin coconut oil, may sariwang buko
ng niyog na ang tubig ay talagang tinungga ko
lunas sa mga sakit na iniindang totoo
O, kayganda ng umagang may buko sa tabi mo!

bihira akong makakita ng puno ng niyog
malamig dito, sa mainit ang punong matayog
pasasalamat sa laman nitong nakabubusog
na kaysarap papakin lalo na't bigay ng irog

pinatatag ako nito sa mahabang lakaran
tulad ng Climate Walk mula Luneta to Tacloban
pag may tindero ng niyog sa aming daraanan
talagang titigil sa lakad at magbibilihan

tingnan mo, may tubig na, may laman pa, saan ka pa?
at sa pangangatawan mo'y tiyak pampatibay pa
pasasalamat sa niyog na pagkain ng masa
pagkat di tayo magugutom saanman magpunta

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Ang bilin

ANG BILIN

nagpapagaling ka na, bawal maimpeksyon, bilin
kay misis ng doktora, at tagubilin sa akin
dalawa hanggang tatlong linggo pang magpapagaling
mga dalawampu't isang araw pang titiisin

ayos lang, habang naririto pa sa kabundukan
malayo sa polusyon at mataong kalunsuran
baka impeksyon pa'y maging agarang kamatayan
lalo na't ngayon ay panahon ng kaligaligan

nais ko na ring gumaling, ayokong maimpeksyon
kaysa nakatitig sa kisameng may nakabaon
sa likuran kong balaraw o kris na alon-alon
dapat kong makabangon, kailangan kong bumangon

magpalakas kapara ng bagani at buhawi
magpatuloy nating ingatan ang buhay na iwi
upang magampanan pang husay ang tungkol at mithi
tungo sa isang lipunang buo, di hinahati

- gregoriovbituinjr.
09.19.2021

Saging

SAGING

mabuti na lang at may saging na nakatiwangwang
medyo hilaw pa, kahit paano'y pahinog naman
na pamatid-gutom agad sa kinaumagahan
matapos magbawas ay may potasyum sa katawan

saging yaong pinagtalunan ng pagong at matsing
kwento ni Doktor Rizal na may aral din sa atin
pinagmulan ng "tuso man ay napaglalangan din"
tulad din nitong sakit na malalagpasan natin

may nagkomento ngang dahil ako'y nag-vegetarian
kaya parang lantang-gulay ang aking hinantungan
ang sinabing iyon ay nais kong pabulaanan
kaya nagsusumikap patatagin ang kalamnan

potasyum ang saging, pampatibay ng bawat buto
agahan, meryenda sa hapon, busog kang totoo
na kahit sa hapunan ay hahanap-hanapin mo
O, saging, kaligtasan ka nga sa gutom sa mundo!

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021

Sabado, Setyembre 18, 2021

Paglaban

PAGLABAN

nagulat akong sa swab test ay naging positibo
bagamat umaasam pa ring ito'y negatibo
narito lang, lumalaban sa mapanglaw na kwarto
habang payong pangkalusugan ay sinusunod ko

tunay na masakit malaman ang katotohanan
ngunit kailangan ko pa ring lumaban, lumaban!
ayokong matapos lang ang lahat ng walang laban
ayokong matapos ang lahat ng di lumalaban

nagisnan kong limang araw akong di nakatula
ibig sabihin, limang araw din akong tulala
na muling pagkatha ko'y tanda ng muling pagsigla
ah, sana pangangatawang ito'y lumakas na nga

positibo ang pananaw sa bawat adhikain
resulta'y magnegatibo sana, ako'y gumaling
maraming salamat sa mga suporta sa akin
salamat sa mga payo n'yong tagos sa damdamin

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021

Killer sudoku raw




KILLER SUDOKU RAW

mas matinding sudoku raw kaysa simpleng sudoku
dahil kaunti lang daw ang binigay na numero
titigan mo lang ang sinasabing killer sudoku
ano ang killer dito kung may pahimaton o clue

sumulpot lang sa cellphone ko itong panibagong app
killer sudoku nga'y magandang challenge sa hinagap
di karaniwan, ito'y aking hinahanap-hanap
lalo't ubos na ang santaon ng sudokung ganap

killer sudoku'y bagong app, isang imahinasyon
kung ilan ang bloke ay may suma, may pahimaton
dapat lang gamitin mo ang adisyon at subtraksyon
at madali mo nang masasagot ang mga iyon

di talaga killer, pambulag lang ang katawagan
habang nagpapagaling ay maganda ring libangan
kahit paano'y naeehersisyo ang isipan
at isa ring tandang napapasigla ang katawan

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021

Hipag

HIPAG

isang taospusong pagpupugay sa aking hipag
nagpositibo sa sakit, buhay na'y pumanatag
siya'y bunso sa magkakapatid na maririlag
siya'y biglang nawala, sadyang nakababagabag

siya si Bunso pagkat siya'y bunso sa pamilya
mahilig magsolo, masaya kahit nag-iisa
bunso kaya ibinibigay ang anumang kaya
subalit ngiti niya'y di na masisilayan pa

salamat, hipag, sa iyong ibinahaging buhay
kahit sumandali'y nakasama ka namin, Kokway
ah, napakabata mo pa upang mawalang tunay
muli, maraming salamat sa iyo, pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021

Biyernes, Setyembre 17, 2021

Aliwalas

ALIWALAS

talaga ngang maaliwalas yaong kalangitan
magandang sinag ng araw, mainit sa kalamnan
kunwa'y maaliwalas sa aking pangangatawan
na sakit ay dama pa rin ng buong katauhan

bagamat maaliwalas pa rin ang mga mithi
patuloy pa ring lumalaban, ramdam man ang hapdi
puso't diwa'y naroon pa rin sa bayan at uri
nagpapalakas pa rin pagkat nais manatili

ah, ayokong matapos na lang ang lahat sa wala
na sa bawat giti ng pawis ay sukat at tugma
sa kasuluk-sulukang ilaya man ay may paksa
at may madawag na kwento sa gubat ng pabula

panay pa rin ang pagsusuob sa gabi at araw
langhap ang katas ng lemon sa mainit na sabaw
inhale, exhale, exercise, inhale, exhale, di magaslaw
palinga-linga, tinga-tingala, pagalaw-galaw

- gregoriovbituinjr.
09.17.2021

Oksiheno

OKSIHENO

mababa ang oksiheno, otsenta, otsenta'y tres
inhale, exhale, mag-breathing exercise ng ilang beses
kumain ng biskwit, sky flakes, huwag lang matamis
huminga ng malalim, abutin ang nobenta'y tres

gamit yaong oxymeter habang nagpapagaling
mabuti't sa bahay lang natutulog ng mahimbing
sa sampung five hundred milligrams Vitamin C lasing
nobenta'y singko sa oxygen ay naabot ko rin

mahirap ang maging alagain o nakaratay
sa banig ng karamdaman ay naritong humimlay
minsan nga'y umupo, maglakad, habang nagninilay
at inaalagata ang mga adhika't pakay

basta't sundin lang ang bilin ng tagapangalaga
oras ng kain, inom ng gamot, kelan gagala
habang tangan ko itong kwaderno upang tumula
sana oksiheno ko'y tumaas, di na bumaba

- gregoriovbituinjr.
09.16.2021

Biyernes, Setyembre 10, 2021

Nilay

NILAY

di ko matingkala ang kulay ng kaginhawahan
dapat nga bang mangasul ang kulay ng kalangitan
kayrami nang gamot ang sa loob ko'y nagsiksikan
habang mga paruparo'y naglipana sa tiyan

sa totoo lang, hindi masarap ang magkasakit
na nalalasahan ko'y mapapakla't mapapait
wala nang kahali-halina sa gabing pusikit
lalo't di na marinig ang nagsisiyapang pipit

araw-gabi'y patuloy pa rin kaming nagsusuob
kung saan ang aking mukha sa init nakasubsob
habang kinakapa ko anumang nasasaloob
sa prinsipyong tangan ay nananatiling marubdob

di kayang ligaligin ng sakit itong pagkatha
lalo pa't naririyang buhay ang mga salita
ang mga pluma man ay gumuguhit ng pagluha
subalit ang makata'y di titigil sa paglikha

- gregoriovbituinjr.
09.10.2021

Huwebes, Setyembre 9, 2021

Swab test

SWAB TEST

inaysolate ko na ang sarili o self-quarantine
lalo't iyan ang tagubilin ng doktor sa akin
dahil kanina'y nag-swab test, bibig at ilong man din
ang resulta nito'y tatlong araw pang hihintayin

maysakit, hirap, kaya nagpa-check up na kanina
sa ospital, iba ang pakiramdam ko tuwina
mga kinakain ko nga'y madalas kong isuka
Gatorade na pilit ininom, niluwa talaga

ngayon ko lang naranasan ang ganitong trangkaso
nang dahil sa banta ng COVID ay matindi ito
higit dalawang dekada ang huling trangkaso ko
sa pangangalaga ni Ina ay gumaling ako

naka-isolate ako sa isang silid sa bahay
habang tatlong araw pa ang resulta'y hinihintay
bawal makipag-usap, talagang nakahiwalay
sana resulta'y negatibo ang asam kong tunay

- gregoriovbituinjr.
09.09.2021

Miyerkules, Setyembre 8, 2021

Meryenda

MERYENDA

handa ni misis ay saging, mansanas, at rambutan
na batid nating pawang pampalakas ng katawan
may potasyum ang saging, pampatibay ng kalamnan
sa mansanas man ay may popular na kasabihan

tulad ng "rain, rain, go away, come again, another day"
ito nama'y "an apple a day keeps the doctor away"
rambutan nama'y Bitamina C ang binibigay
sa "dry lips and sprue mouth" ay kalunasan itong alay

nilitratuhan ang ebidensya bago kumain
lalo na't ang pakiramdam ko'y nilalagnat pa rin
dahan-dahan lang ang pagkain at mauubos din
meryendang pag-ibig ang may atas kung iisipin

pampalusog na prutas, pampalusog na meryenda
hiling ko'y bumalik na ang lakas ko't gumaling na

- gregoriovbituinjr.
09.08.2021

Martes, Setyembre 7, 2021

Di na inubo

DI NA INUBO

napansin kong inuubo ako pag nakahiga
kaya inom agad ng tubig nang ito'y mawala
kaya sinubukan kong umupo, di humilata
at di na dinalahit ng ubong kasumpa-sumpa

isang solusyon iyon na talagang natagpuan
tila himala itong di ko pa maunawaan
o baka naman agham ay may eksplanasyon diyan
ah, maraming salamat sa ganitong kalutasan

ayon sa datos ng thermometer, may lagnat pa rin
minsan, sinusuka lang ang anumang kainin
konting kain, busog agad, minsan ay nahihirin
nagsusuob, mainit na tubig ay lalanghapin

sana'y gumaling na sa sakit kong dinaranas
habang patuloy ang pag-inom ng mga tabletas
upang katawan ko'y lumusog, at ako'y lumakas
at sa anumang sakit ay talagang makaiwas

- gregoriovbituinjr.
09.07.2021

Lunes, Setyembre 6, 2021

Sa ika-75 kaarawan ng mahal kong ina

SA IKA-75 KAARAWAN NG MAHAL KONG INA

gaano pa man kalayo ang Benguet at Batangas
ay di ako nakalilimot bumati ng wagas
inang anong tatag sa kayrami niyang dinanas
inang gabay ng mga anak at palaging patas

maligayang ikapitumpu't limang kaarawan
sa iyo, mahal kong ina, aking pinanggalingan
nawa kayo ni Dad, nasa mabuting kalagayan
di nagkakasakit at maayos ang kalusugan

bata pa kaming magkakapatid, inalagaan
pinalaki kaming matuwid at may karangalan
pakikipagkapwa'y inukit sa puso't isipan
opo, tunay kayong gabay ng aming katauhan

kami ni misis ay naritong kayo'y naalala
at nagsisikap kamtin ang pangarap at pag-asa
maligaya pong kaarawan, mahal naming ina
nawa patuloy n'yong kamtin ang maraming biyaya

- gregoriovbituinjr.
09.06.2021

Linggo, Setyembre 5, 2021

Karamdaman

KARAMDAMAN

para bang dumapo sa akin ay kayraming sakit
nang dumating sa malamig, nanggaling sa mainit
lagnat, sipon, nagka-sore eyes pa pagdating sa Benguet
mabuti't narito si misis, may gamot na bitbit

dapat akong magpagaling, katawan ay sumigla
nagpapainit sa araw upang huwag manlata
ingat-ingat, huwag sanang COVID na nagbabanta
dahil sakit na iyon ay sadyang kasumpa-sumpa

tinitigan kong nakapikit ang umagang araw
habang nakadipa upang lumakas ang katawan
upang mainitan sa paligid na anong ginaw
nais magbawas, walang nilabas ng ilang araw

kapara ng Mulawin, mula sa araw ang lakas
bagamat wala akong naitatagong ugatpak
ang ninanais ko lamang ay gumaling nang sukat
nang marami pang magawa pag araw na'y ninikat

binigyan ni misis ng inhaler para sa sipon
at pinatakan pa ng eye mo ang sore eyes kong iyon
upang di makahawa, nag-dark glass buong maghapon
at naglagundi, biogesic, ascorbic, revicon

tubig na may asin ang pagwo-water therapy ko
pinangmumumog o kaya'y nilalagok ko ito
maya't maya, tanong ni misis, kumusta na ako
saka bibigyan ng gamot, parang nars na totoo

kami ni misis pag gabi'y suob ang gawa namin
kumukulong tubig na may turmeric, lalanghapin
habang nakatalukbong ng malaking telang satin
upang init ay di lumabas, tungo lang sa akin

bihira akong magkasakit, bihirang-bihira
ngunit pagdatal sa lamig, katawan ko'y nabigla
salamat kay misis, ang nars ko't sintang minumutya
alam kong ako'y gagaling sa kanyang pagkalinga

- gregoriovbituinjr.
09.05.2021

Sa ika-68 kaarawan ng aking biyenan

SA IKA-68 KAARAWAN NG AKING BIYENAN

maligayang ikaanimnapu't walong kaarawan
sa aking maalalahanin at butihing biyenan
nawa'y manatili kayo sa magandang kalusugan
di nagkakasakit, nasa maayos na kalagayan

sa inyo pong kaarawan, di man marami ang handa
ang mahalaga'y ramdam ng pamilya'y ligaya't tuwa
lalo't narito sina bayaw, hipag, at mga bata
pulos kwentuhan, nagpatugtog si misis, kaysaya nga

dagdag pa, kami naman ni misis ay nagsusumikap
tungo sa magandang bukas na aming pinapangarap
bagamat nasa pandemya'y di sinasayang ang hirap
anuman ang problema'y nadaraan sa pag-uusap

salamat po, Nanay, sa mga payo ninyong totoo
muli, pagbati'y maligayang kaarawan sa inyo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2021

Sabado, Setyembre 4, 2021

Alagata

ALAGATA

lumayo muna sa kalunsuran upang magnilay
lalo't tatlong kamag-anak ang sa COVID namatay
at nitong nakaraan lang ay sumamang maglakbay
kina bayaw sa pagtungo kina misis at nanay

aking inaalagata ang mga nangyayari
kung bakit ang virus na ito'y kayraming nadale
aking pinagninilayan ang isyung anong dami
pinagmununian din bawat problema't diskarte

nasa malayong lalawigang inaalagata
ang mga balantukang sugat na nananariwa
sa loob at kaloobang animo'y dinadagsa
ng mga salot na halimaw na sadyang kaysama

kailan daratal sa bayan ang kaginhawaan
na ipinaglaban noon pa man ng Katipunan
ang sumisira sa bakal ay sariling kalawang
panlaban daw sa aswang, salot, at virus ay bawang

ayokong alagatain ang pulos pagkabigo
o kasawiang nakakaapekto rin sa puso
ngunit di maiwasan kung dumatal ang siphayo
dapat lamang ay handa ka hanggang ito'y maglaho

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Sa puno ng potasyum

SA PUNO NG POTASYUM

doon sa puno ng saging, ako'y nakatingala
baka may malaglag na anting, anang matatanda
ngunit maraming makakasagupang lamanglupa
dapat ko raw maging handa, di man naniniwala

nakatingala ako doon sa puno ng saging
namunga ng isang buwig bagamat hilaw pa rin
huwag munang pitasin, ito muna'y pahinugin
sa puno, upang pag pinitas na'y masarap man din

narito ako sa lilim ng puno ng potasyum
pampatibay ng buto, anti-oxidants pa'y meron
mayaman sa bitamina C, B6 at magnesyum
kailangang magpalakas, ehersisyo sa hapon

dahil sa potasyum kaya saging ay kinakain
marami nito'y kailangan ng katawan natin
ilang araw pa't bunga nito'y mahihinog na rin
kaygandang panahon upang potasyum na'y kainin

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Biyernes, Setyembre 3, 2021

Fully vaccinated na si misis

FULLY VACCINATED NA SI MISIS

fully vaccinated na si misis, bakunado na
habang sa ospital, hinintay ko't sinundo siya
ngunit mag-face mask at face shield  pa rin, mag-alkohol pa
upang makaiwas sa COVID na nananalasa

Pfizer ang kanyang bakuna, Astrazeneca ako
bakuna niya ang pagitan ay dalawang linggo
Astrazeneca'y tatlong buwan pa'y hihintayin ko
upang bakunahan, maging certified bakunado

minsan talaga, ang pagbabakuna'y dapat lamang
upang ang pamilya't kalusugan ay maingatan
at bantang sakit ay bakasakaling maiwasan
at upang makaiwas din sa bantang kamatayan

salamat naman, fully vaccinated na si misis
habang tila siya bumata't kuminis ang kutis

- gregoriovbituinjr.
09.03.2021

Huwebes, Setyembre 2, 2021

Si Jose Mari Chan at ang mga natanggal na obrero

SI JOSE MARI CHAN AT ANG MGA NATANGGAL NA OBRERO

'ber months na, maririnig na naman natin ang mga
awiting pamasko datapwat Pasko'y malayo pa
wala pang Undas, pauso na ng kapitalista
nang pamaskong regalo'y maihanda't mabili na

habang umeere ang tinig ni Jose Mari Chan
may isang paalala lamang si kasamang Emman
isang union buster at sa manggagawa'y kalaban
si Jose Mari Chan, masakit na katotohanan

sa Hotel Enterprises of the Philippines, pangulo
ang Hyatt Regency Manila'y pag-aari nito
babayarang service charge na one point three milyong piso
ay kanya pang ipinagkait sa mga obrero

dulot nito'y illegal mass lay-off ng manggagawa
higit dalawang daan silang trabaho'y nawala
sa kabila ng awit, may lihim palang nagawa
na sa mga obrero'y bagay na kasumpa-sumpa

at salamat, Ka Emman, sa pagbubulgar mong ito
di mo kasalanan, tapat ka lang sa tungkulin mo
habang umaawit si Chan, tandaan natin ito
dahil sa kanya'y kayraming nawalan ng trabaho

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

* litrato mula sa post sa fb ni Emman Hizon na nakilala ko noong siya'y nasa Freedom from Debt Coalition (FDC) pa

Pagpupugay sa dukhang Olympic Bronze Medalist


PAGPUPUGAY SA DUKHANG OLYMPIC BRONZE MEDALIST

kamamatay lang ng Seoul Olympic bronze medalist
ang boksingero't kababayang Leopoldo Serrantes
bago mamatay, sa ospital siya'y nagtitiis
sa sakit na chronic obstructive pulmonary disease

at dalawang linggo lamang bago siya mamatay
ang tindahang Chooks-to-go ay nag-commit na magbigay
ng sandaang libong pisong allowance kada buwan
upang makatulong sa gastusin sa pagamutan

buti pa ang tindahan ng lutong manok, Chooks-to-go
may buwanang allowance na sandaang libong piso
na ayon sa anak, walang napala sa gobyerno
gayong nagbigay ng karangalan si Mang Leopoldo

Olympic medalist natin ay namatay na dukha
buti't si Hidilyn, may milyon-milyong gantimpala
iba ang maka-gold, pag bronze medal lang ba'y kawawa
ang ambag ni Serrantes sana'y di mabalewala

gayunman, pagpupugay kay Mang Leopoldo Serrantes
na doon sa Seoul Olympics naging bronze medalist
sana mga Olympian nating nakikipagtagis
sa laban sa ibang bansa sa kanya'y di maparis

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

Pinagsanggunian:
https://www.reportr.world/news/boxer-leopoldo-serantes-seoul-olympics-bronze-medalist-passes-away-at-59-a4713-20210901?ref=article_feed_1
https://mb.com.ph/2021/09/01/olympic-boxing-bronze-medalist-leopoldo-serantes-passes-away/

Minolestiya ng parak

MINOLESTIYA NG PARAK

anong lupit nitong balitang di ko madalumat
kung bakit nangyayari, buti't ito'y naiulat
kaya sa mamamahayag na nagsulat, salamat
at ganitong mga krimen ay agad mong naungkat

minanyak ng pulis ang isang quarantine pasaway
isang balitang talagang di ka mapapalagay
akala ng pulis, babae'y tatahimik lamang
dahil sa kanyang tsapa, babae'y takot matokhang

Unathorized Person Outside Residence ang babae
dahil lockdown sa lugar nila ay baka bibili
upang makakain ang pamilya, ngunit hinuli
dinala sa boarding house ng pulis, aba'y salbahe

doon na minolestiya ang labingsiyam na anyos
na biktima, dalawang pulis pala ang nambastos
talagang ginawa nila'y krimeng kalunos-lunos
ngunit nasabing dalaga'y handang makipagtuos

at nang nasabing babae'y nagsampa ng reklamo
ay dinisarmahan ang pulis ng kabaro nito
nilagay sa restrictive custody ang taong ito
na dapat lamang makulong sa ginawang asunto

mga ganitong pulis ay di dapat pamarisan
na ginagamit ang tsapa nila sa kabastusan
nangmomolestiyang dapat lang mabulok sa kulungan
gayunman, tula'y batay sa ulat sa pahayagan

- gregoriovbituinjr.
09.02.2021

* Tula batay sa ulat sa nilitratuhang balita mula sa Abante Tonite, petsang Agosto 29, 2021, araw ng Linggo, pahina 2

Miyerkules, Setyembre 1, 2021

SUOB pala ay steam inhalation


SUOB PALA AY STEAM INHALATION

SUOB, bagong salitang natutuhan ko lang ngayon
ngunit salitang lalawiganin marahil iyon
sagot nina Pinsan at Utol: steam inhalation
upang mag-ingat ang lahat at naiwan pa roon 

lalo't tatlong kamag-anak ang agarang namatay
dahil sa COVID ay di napapanahong nahimlay
nagbuo ng grupo sa fb doon nagtalakay
nag-usap-usap, anong gagawin, maging matibay

magpipinsan ay nag-usap at nagtutulong-tulong
binabasa anumang napag-uusapan doon
at magSUOB daw upang katawan ay may proteksyon
laban sa virus na di makitang kalaban ngayon

bilin sa mga kaanak, mag-ingat-ingat pa rin
bilin ay SUOB, magmumog ng tubig na may asin
magpainit ng tubig, usok niyon ay langhapin
dapat may twalya upang usok sa'yo papuntahin

salamat, SUOB pala'y termino sa kalusugan
salin ng steam inhalation sa wika ng bayan
lokal mang salita sa pinagmulang lalawigan
ni ama, ay gagamitin ko na sa panulaan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2021

* ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang suob sa ikatlong depinisyon ay "pagkulob at pagpapausok sa maysakit, p. 1186

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...