Biyernes, Agosto 20, 2021

Bolpen

BOLPEN

pag nawalan ng bolpen at papel, natataranta
madali lang hanapin ang papel sa bag at bulsa
subalit ang bolpen, ang bolpen, nahan na, nahan na
kayhirap nitong may bolpen ka'y di naman makita

biglang lumitaw sa diwa'y kaygandang pangungusap
dahil di nasulat, nawala lang sa isang iglap 
nang bolpen na'y makita, pilit na hinahagilap
ang talata, parirala't kataga sa hinagap

kung saan-saan kasi nailalagay ang bolpen
napapatong kung saan kaya laging hahanapin
nasasadiwa'y baka mawala't hipan ng hangin
ah, dapat may reserbang bolpeng mabilis bunutin

diwa't bolpen ay susulpot nang di inaasahan
kaygandang pagkakataong dapat pinaghandaan
laki kong pasasalamat pagkat nagbalik naman
ang nawalang bolpen at pangungusap sa isipan

upang maisulat na ang magagandang kataga
upang ayusin ang naghambalang na parirala
upang kamadahin ang nagrarambulang salita
upang maihilerang tama ang talata't tula

- gregoriovbituinjr.
08.20.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paglalakbay

PAGLALAKBAY sa pagbabasa nalalakbay ko ang iba't ibang panig ng mundo pati na kasaysayan ng tao ng digma, bansa, pananaw, siglo kaya hil...