Miyerkules, Hulyo 14, 2021

Panghihiram ng tapang sa alak

PANGHIHIRAM NG TAPANG SA ALAK

I

may iba riyang nanghihiram ng tapang sa alak
di makayang lutasin ang problema'y lumalaklak
nagwawala't animo'y inahing putak ng putak
ugali'y nagbabago, apektado pati utak

ayos lang silang mag-ingay, huwag lang mandarahas
na pag nadakip ang nagwawalang kung sinong ungas
ay ikakatwirang alak ang dahilan ng lahat
na di raw niya alam ang nangyari nang magmulat

gago ka, alam mo iyon, sa alak nga nanghiram
ng tapang nang masabi ang laman ng kalooban
kunwari kang di alam, palso ang ganyang katwiran
panagutan mo ang gawang krimeng kunwa'y di alam

II

ako'y bumabarik lang pag di dinalaw ng musa
ng panitik lalo't haraya'y tila nasaid na
sa alak nanghihiram ng haraya, tagay muna
bakasakaling maiusad ang tangan kong pluma

kaya kung anu-anong paksa na lang ang nasulat
basta bawat araw may isang tulang mapanggulat
na sariling punto't palagay ang sinisiwalat
habang may iba pang kathang nais kong may mamulat

paano pag musa'y dumalaw sa makatang lasing?
nasa isip ba ng makata ang makapanyansing?
o tutula siyang kunwari'y nasa toreng garing?
hanggang musa'y umalis nang makata na'y nahimbing

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...