ULAM NA TALBOS NG SAYOTE
padala naman ni misis ang talbos ng sayote
iba sa nakasanayang talbos ng kamote
inilaga ko't isasawsaw sa toyong may sili
aba'y napakasarap, baka ako'y makarami
tara, kain tayo, talbos ng sayote ang ulam
pag natikman mo, alalahanin mo'y mapaparam
oo, sapagkat ganito ang aking pakiramdam
lalo't magana kang kumain dahil malinamnam
nakapagtanim na rin ako minsan ng ganito
sayoteng magugulang ang sa lupa'y ililibing mo
at susuloy na ito ng ilang buwan o linggo
kasama si misis ay itinanim namin ito
ngayon, may pang-ulam nang talaga namang kaysarap
upang may makain kahit ang buhay ay mahirap
tatalbusin lamang ang dulo ng mga pangarap
lalo na't may pandemyang kagutuman ang kaharap
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento