Huwebes, Mayo 6, 2021

Panaghoy ng maglulupa

PANAGHOY NG MAGLULUPA

patuloy ang pakikibaka bilang maralita
at ipaglaban ang karapatan ng kapwa dukha
patuloy sa pagkilos ang tulad kong maglulupa
upang itaguyod ang tindig, prinsipyo't adhika

dapat tuluyang palitan na ang sistemang bulok
na pang-aapi't pagsasamantala'y mula rurok
ng lipunang sanhi ng maraming paghihimutok
ng madlang dahil sa kahirapan ay nakalugmok

ako'y maglulupang nagnanasa ng pagbabago
ng lipunang ang naghahari'y mga asendero,
negosyante, kapitalista, elitistang tuso
na tanging pribilehiyo'y pag-aaring pribado

ako'y maglulupang ang nais ay lipunang pantay
na pagbuo ng makataong sistema ang pakay
ang hustisya'y kunin, pagkat di kusang ibibigay
at karapatang pantao'y itaguyod ng tunay

ako'y maglulupang maraming isyung tinatagos
sa isyung kalikasan, basura, plastik at upos
sa isyung pabahay, magkabahay kahit hikahos
sa isyung obrero, kontraktwalisasyon, matapos

oo, ilaban ang karapatan at katarungan
tungo sa pagtatayo ng makataong lipunan
di makasarili, buhay na'y inalay sa bayan
maglulupang naninindigan hanggang kamatayan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...