Sabado, Mayo 29, 2021

Nang kinain ng bakunawa ang duguang buwan

NANG KINAIN NG BAKUNAWA ANG DUGUANG BUWAN

ang duguang buwan ay lumitaw kamakailan
bakunawang kumakain ng buwan ba'y nariyan?
buwan ba'y nakipagbuno rito kaya duguan?
ang dating pitong buwan, ngayon ay iisa na lang

anang alamat, malaking ahas ang bakunawa
na diumano'y may bungangang sinlaki ng lawa
may pakpak din daw ito at pulahan pa ang dila
nakatira sa bungalog o malalim na wawa

ang nilikha umanong buwan ni Bathala'y pito
nilamon ng bakunawa ang anim, bakit kamo?
dahil daw sa pagkahumaling sa liwanag nito
natitirang buwan nga'y dapat iligtas ng tao

sa pagsapit ng eklipse o laho kung tawagin
itataboy ang bakunawa, mundo'y paingayin
o kaya naman, awit at musika'y patugtugin
o katutubong tagulaylay ay idaos man din

sa alamat, si Haliya ang diwata ng buwan
nagsasagawa ng tagulaylay ay mga baylan
upang natitirang buwan ay maipagsanggalang
mula sa bakunawang nais lamunin ang buwan

- gregoriovbituinjr.
05.29.2021

* datos mula sa aklat na Mga Nilalang na Kagila-gilalas na tinipon ni Edgar Samar
* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...