Biyernes, Mayo 7, 2021

Ang oras ay ginto

ANG ORAS AY GINTO

pinagninilayan ko lagi anong kabuluhan
ng bawat oras, minuto't segundong nagdaraan
mahalaga bawat oras, salawikain iyan
kaya gamitin mo ng wasto ang panahong iyan

huwag mong sayangin ang panahon, anang Kartilya
ng Katipunan, ang yaman nga kahit mawala pa
ay maibabalik, ngunit panahong nawala na
ay di na muling magdaraan, sinabi'y kayganda

sa awitin man ng Asin, mapapaisip tayo
sa Gising Na Kaibigan, sinabi sa liriko
oras ay ginto, kinakalawang pag ginamit mo
kailan ka magbabago, kailan matututo

huwag nating hayaang oras lang ay kalawangin
na sa bisyong alak, babae't sugal lang gamitin
ngunit kung sa saya, iyan ang konsepto mong angkin
sino naman ako kung iyan ang iyong naisin

sa akin lang, kaibigan, gawing makabuluhan
ang ating panahon para sa pamilya't sa bayan
tulad ko, masaya sa prinsipyo't paninindigan
na panahon ko'y ginagamit ng makatuturan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Banderang Tad-Balik

BANDERANG TAD-BALIK sa isang rali ko iyon nakunan baliktad ang watawat ng samahan pinuna agad ang mga may tangan kaya agad nilang inayos nam...