Linggo, Pebrero 28, 2021

Muni sa gakgakan

Muni sa gakgakan

sayang lamang ang buhay mo kung wala kang layunin
sa buhay kundi magtrabaho, matulog, kumain
sayang lang ang buhay mo kung wala kang adhikain
kundi magpasarap, lumaklak, lumamon, wala rin

sabagay, ano nga bang pakialam ko sa iyo
kung iyan na ang landas na piniling tahakin mo
subalit huwag mong punahin kung anong pinili ko
lalo't minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito

tinahak ko'y aktibismo, may layuning marangal
para sa bayan, masa, manggagawang nagpapagal
sinapuso't sinaisip, prinsipyo'y ikinintal
ipaglaban ang karapatan, katarungan, dangal

iba ako, iba ka, ako'y isang aktibista
huwag mong hanapin sa akin ang di mo makita
huwag mo akong itulad sa iyo, manalig ka
mamamatay akong sa kapwa'y di nanamantala

- gregoriovbituinjr.

* gakgakan - daldalan ng dalawang tao, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 380

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...