Huwebes, Abril 30, 2020

Sa araw ng paggawa

Sabihin mo sa aking tamad ang mga obrero
At tiyak na makikita mo ang hinahanap mo
Ang manggagawa ang umuukit ng buong mundo
Ramdam iyon ng lahat, na di matanggap ng tuso
At ganid sa lipunang yakap ay kapitalismo.

Walang pang-aapi't pagsasamantala, pangarap
Ng uring manggagawang nasadlak sa dusa't hirap
Gagawin lahat upang bawat isa'y magsilingap
Pati problema ng masa'y kanilang hinaharap
At gumagawa ng solusyon sa problemang lasap.

Gusto ng obrero'y maging pantay ang kalagayan
Ganap na pagbabagong adhika ng mamamayan
At gabay din ng masa upang matutong lumaban
Wawasaking lubos ang kapitalismong gahaman
At itatatag ang makamanggagawang lipunan.

- gregbituinjr.
04.30.2020

Sa bisperas ng Araw ng Paggawa

dapat ay katapusan na ng kwarantina ngayon
petsa Abril a-trenta, nagbago na't may ekstensyon
petsa Mayo a-kinse ang bago nilang suhestyon
kalahating buwan pang kulong sa bahay maghapon

bisperas pa naman ngayon ng Araw ng Paggawa
ng pandaigdigang araw ng uring manggagawa
kahit nasa lockdown man, magdiriwang sa gunita
bukas, alalahanin ang proletaryong dakila

may ekstensyon man, tuloy ang gampanin at pagkilos
sa anumang paraan, gawa'y nilulubos-lubos
na mabago pa rin ang sistemang mapambusabos
at mapagkaisa ang manggagawang dukhang kapos

katapusan na ng buwan, anong nababanaag?
may bagong pag-asa ba o buhay pa rin ay hungkag?
"flatten the curve", sana kurba'y tuluyan nang mapatag
upang madamang ang kalooban na'y pumanatag

- gregbituinjr.
04.30.2020

Torpeng tibak

torpe na mula pagkabata, laging inaalat
bagamat pakikisama'y ginagawa kong lahat
laging tinutukso, kinukulit, may nang-uupat
tatahimik na lang, huwag lang silang mambabanat

bagamat torpe, di ako umiiyak sa sulok
pag naagrabyado, bigla nang iigkas ang suntok
walang sabi-sabi, tiyak nguso nila'y puputok
mensahe ko na iyon sa mayayabang ang tuktok

tumakbo ang panahon, ako'y naging pasensyoso
naging tibak na tapat sa tungkulin at prinsipyo
ako man ay torpe, marunong umiwas sa gulo
ang sistemang bulok na lang ang tinututukan ko

aktibistang torpe, nanligaw at nagkaasawa
ngunit di nawala ang prinsipyo't pakikisama
kumikilos pa para sa panlipunang hustisya
sinong maysabing torpe ang tulad kong aktibista?

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 29, 2020

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.

Kalusugan ay isama sa pagbabago ng sistema

Kalusugan ay isama sa pagbabago ng sistema

higit pa sa Ondoy, Yolanda, o anumang sigwa
ang nananalasang salot kahit di pa tumama
sa pamilya ngunit pangamba'y nakakatulala
higit pa sa tripleng pag-iingat na'y ginagawa

bawal magkasakit, lalong mahirap magkasakit
tila pangmayaman lang ang ospital, anong bait
kung wala kang pera't may prinsipyong bawal mangupit
tiyak na pag nagkasakit ka'y nakapagngingitngit

"Bawal magkasakit" ang nadagdag  na panawagan
sa sarili, pamilya, barangay, samahan, bayan
paano ka nang kikilos kung may sakit ka naman
anong hirap humiga sa banig ng karamdaman

idagdag ang kalusugan sa gustong pagbabago
ng bulok na sistemang kayrami nang pinerwisyo
karapatan sa kalusugan ay dapat iwasto
ospital at klinika'y huwag ding isapribado

di dapat maging negosyo ang kalusugan natin
na kung sino lang ang may pambayad ang gagamutin
kaya ganitong sistema'y dapat nating baguhin
isang lipunang makatao ang ating likhain

- gregbituinjr.

Paglalaba sa umaga

Paglalaba sa umaga

paggising sa umaga ay agad nang maglalaba
tatlong araw na kasing labada ko'y nakatengga
kaysa naman tuluyang bumaho, aba'y labhan na
sino pa bang aasahan mo, may katulong ka ba?

wala, kaya sariling katawan ang aasahan
lagyan ng tubig, sabunin, kusutin, at banlawan
dapat ding iayos ang mga damit sa sampayan
upang di gusot pag natuyo na ang kasuotan

upang di na rin plantsahin, tipid pa sa kuryente
ito'y pagpapahalaga mo na rin sa sarili
pagpapahalaga'y parang pagligaw sa babae
at sa bawat diskarte'y tumatagos ang mensahe

buhay mo ma'y karaniwan, kahit isa kang dukha
basta wala kang inaapi, ginagawa'y tama
sa paglalaba pa lang, mabuti kang halimbawa
pag mahusay sa gawain, maraming nagagawa

- gregbituinjr.

Martes, Abril 28, 2020

Di sumusuko ang mandirigma

Di sumusuko ang mandirigma

"As a fighter, you don't give up." - Mphathi Rooiland

I
ang mandirigma'y mandirigma't di basta susuko
sabi ng estrangherong nilalakad ay kaylayo
walang pamasahe, gutom, ngunit di nasiphayo
sa adhikaing makasama ang kanyang kadugo

II
huwag susukuan ang kaunti mong suliranin
o kahit marami pa, ito'y may kasagutan din
sa pagharap sa problema, iyo munang suriin
tulad ng puzzle, chess o sudoku'y iyong lutasin

lagi mong isipin, may kalutasan din ang lahat
ng suliraning di mo matingkala't di mo sukat
akalaing daratal, gaano iyan kabigat?
paano't bakit sumulpot, saan iyan nagbuhat?

imbes layuan, gawin mo itong malaking hamon
na kaya mo itong malutas, maging mahinahon
tulad ng mandirigmang sumusuko paglaon
tatawa ka na lang, iyon lang pala ang solusyon

- gregbituinjr.

Gagawin matapos ang lockdown

matapos ang lockdown, maghahanap na ng trabaho
nasisilip na ng biyenan, wala raw asenso
anong kakainin ng pamilya kung walang sweldo?
at naikwento pa sa magulang ko ang ganito

buti't di na umatake ang gallbladder ni misis
wala ring panggastos kung sakaling siya'y matistis
ganito lang daw ba ang buhay, pulos pagtitiis?
ako raw ay pultaym na tibak na di pa umalis

saan hahanap? sinong tatanggap na pagawaan?
kung sa biodata pa lang, kayraming karanasan
na higit kalahati ng buhay, nasa kilusan
susumpa ba akong pag-oorganisa'y tigilan?

masipag bilang tibak lalo na sa pagsusulat
maagang gumising,  gagawin kung anong marapat
naging sekretaryo heneral din ng ilang pangkat
magkatrabaho man, sa tungkulin pa rin ay tapat

matapos ang lockdown, iyan ang una kong adhika
maghanap ng trabahong sa pamilya'y kakalinga
kung kaya, baliin muna ang layuning dakila
magsilbi sa kapitalista, na kahiya-hiya

kahit tagahugas ng plato'y aking papasukin
upang di mapahiya sa umaasa sa akin
sana'y may makatulong sa ganitong suliranin
tanging masasabi ko'y tapat ako sa tungkulin

- gregbituinjr.
04.28.2020

Danggit at hawot

Danggit at hawot

danggit at hawot, parehong tuyo ngayong umaga
ang aming inulam na kahit papaano'y mura
kaysa processed food o junk food doon sa groseriya
mabuti't di na muna isdang kinulong sa lata

pinirito ko sa kawali ang parehong tuyo
basta huwag masunog ay agad kong hinahango
matigas na mantika'y lumalambot sa pagluto
kasabay ng kanin, aba'y anong sarap isubo

pag masarap ang almusal, masigla ang katawan
dama mong sa anumang gagawin ay gaganahan
mahalaga'y di magutom ang tiyan at isipan
maglampaso, magwalis, maglaba, o magdilig man

danggit at hawot, isawsaw sa suka, O,  kaysarap
habang sa isip ay may kung anong inaapuhap
sa pagkatha, wastong salita ang aking hagilap
upang mambabasa'y may bagong pag-asang malasap

- gregbituinjr.
04.28.2020

Ginisang karot at wombok

Ginisang karot at wombok

ginisang karot at wombok ang inulam kagabi
na hinaluan pa ni misis ng tunang Century
sa sarap, pakiramdam ng katawan mo'y iigi
aaliwalas agad ang mukhang di mapakali

kaysarap iulam ng ginisang karot at wombok
maganda sa katawan, di ka agad inaantok
pakiramdam mo'y aktibo ka sa pakikilahok
kaya pagkakain, nilinis ang kawali't sandok

ang kasarapang ito sana'y malasahan mo rin
at di ka magsisising masarap ang iyong kain
subukan mo kayang magluto nito't gagaan din
ang pakiramdam mo kahit ito'y iyong papakin

tila sa nananalasang sakit ay gamot ito
o tingin ko lang pagkat wala nang sakit ng ulo
baka mawala ang kulubot at gatla sa noo
ah, basta masarap ito't sasaya ka rin dito

- gregbituinjr.
04.28.2020

* wombok - ang tawag sa petsay-Baguio, ayon kay misis

Lunes, Abril 27, 2020

Palaisipan ng makata

pinagninilayan ng makata'y palaisipan
kapara'y krosword at sudokung madalas sagutan
habang ang buwan at bituin ay pinagmamasdan
bukod doon, ano pang mayroon sa kalawakan?

natanaw niya ang bruhang nakasakay sa walis
nakarating na raw sa buwan ang asong may galis
may garapata na sa buwan, mapapabungisngis
agogo'y tinitingalang bituing nakaburles

ang makata'y pangiti-ngiti, mamaya'y luluha
magkano raw kung bilangin ang isang perang muta
tumula ang makatang pinabili lang ng suka
at masigabo pa rin ang palakpakan ng madla

pinangako ng makata sa diwata'y bituin
na kanya raw iaalay kung siya'y sasagutin
anong sarap ng pag-ibig kung iyong daranasin
lalo't kasama mo ang diwatang kayrikit man din

- gregbituinjr.

Ang tanong ng diwata

isang kabig, isang tula ang buhay ng makata
na tinatawag minsang hampaslupang pinagpala
isang kahig, isang tuka man siya't naglulupa
hangarin niyang maalpasan din ang dusa't sigwa

umuulan na, ang tubig ay diretsong alulod
kaya dapat agad maglagay ng timbang panahod
habang pinagninilayan ang saknong at taludtod
binibilang ang pantig nang tula'y di mapilantod

nasa isip nga'y diwatang inalayan ng rosas
na sa handog niyang tula'y kayraming naipintas
bakit daw nais ng makata'y lipunang parehas
gayong naglipana ang sakim, tuso't balasubas

nagpaliwanag ang makatang nais ipagwagi
ang puso ng diwatang may napakagandang ngiti
anya, lipunang nais ay walang dinuduhagi
walang mayaman o dukha, pantay anumang lahi

lipunang pinapawi ang asal-tuso, gahaman,
at pribadong pag-aaring sanhi ng kahirapan
sistemang umiiral ang hustisyang panlipunan
ngumiti ang diwata't sila'y nagkaunawaan

- gregbituinjr.

Maging bahagi ng pagbabago

aanhin mo naman ang isang buhay na tahimik
at walang ginagawa kundi sa sulok sumiksik
habang isyu't problema ng bansa'y namumutiktik
walang pakialam kahit na mata'y magsitirik

bahagi ka ng lipunan, halina't makibaka
at ating ipaglaban ang panlipunang hustisya
maging bahagi ka ng pagbabago ng sistema
at pagsikapang lumaya sa kuko ng agila

pag-aralan ang mga teorya ng pagbabago
maging kaisa sa pakikibaka ng obrero
iwaksi ang pribadong pag-aari't luho nito
at atin nang itayo ang lipunang makatao

masarap maging bahagi ng pangmasang gawain
na pakikipagkapwa'y itinataguyod natin
na pagpapakatao'y isinasabuhay man din
lipunang walang pang-aapi'y ating lilikhain

- gregbituinjr.

Ang sinumpaan

pag sumumpa ka hanggang kamatayan, panindigan
tulad ng pagsumpa ng katapatan sa kilusan
"salita'y panunumpa," ayon nga sa Katipunan
doon sa Kartilyang umugit sa puso't isipan

higit dalawa't kalahating dekada na ako
na niyakap ang bisyon, misyon, adhika't prinsipyo
ng pagkakapantay nitong mga tao sa mundo
walang mayaman o dukha, lipunang makatao

hangarin ay lipunang walang pagsasamantala
ng tao sa tao, nang may panlipunang hustisya
di lang pulos rali pag sinabing pakikibaka
kundi lumulutas din ng samutsaring problema

halina't lipunang makatao'y ating itayo
panghabambuhay na pangarap na di maglalaho
na mula sa kahirapan, uring dukha'y mahango
at maisakatuparan ang lipunang pangako

ito ang sinumpaang tungkuling dapat maganap
na sama-samang itayo ang lipunang pangarap
tutuparin ang layunin gaano man kahirap
hanggang ginhawang pangarap ng bayan ay malasap

- gregbituinjr.

Linggo, Abril 26, 2020

Makating pakiramdam

sumasakit itong puwit, tila may almoranas
nang kinapa ko'y may bilog na balat na lumabas
sa butas, makati ang pakiramdam, anong lunas?
dapat pang umiri upang makalabas ang etsas

kaytagal ko sa kubeta, mag-iisang oras din
di na naisipan pang mag-almusal o kumain
sa kwarantina'y tila nagiging masasakitin
umiikli na ba ang buhay? mamamatay na rin?

saan patungo ang tulad kong isang perang muta
isang kabig, isang tula ang tulad kong makata
isang kahig, isang tuka ang tulad naming dukha
na isang pildoras man ay di mabili, kawawa

isang libo't isang panday ang makatang may husay
subalit sa panahong ganito'y di mapalagay
may sakit ang katawan, malusog ang pagninilay
nais nang magpahinga't sa tula'y huwag mawalay

- gregbituinjr.

Saan patungo ang maghapon?

saan na naman patutungo ang maghapong ito?
na kahit tag-araw, pakiramdam mo'y bumabagyo
nilalagnat ang kalamnan, tumama'y ipuipo
paano ba malulunasan ang sakit ng ulo

nangangatog ang mga tuhod pagkagising pa lang
animo'y pinaglaruan ng sanlibong balang
tila ba nagdedeliryo, diwa'y palutang-lutang
nasa diwa'y paano diligan ang lupang tigang

masakit makitang magkasakit ang kapamilya
di maisugod sa klinika pagkat walang pera
di malaman kung nakabuti nga ang kwarantina
lalo't wala na ngang trabaho ay wala pang kita

"Bawal magkasakit," ayon sa isang patalastas
ito'y isang paalalang dapat kang magpalakas
magpaaraw ka, maggulay ka, uminom ng gatas
at tubig, bakasakaling ito ang makalunas

- gregbituinjr.

Di magla-lie low

pinatitigil na ako't mag-lie low nang tuluyan
nais nilang maging mabuti akong mamamayan
at maging karaniwang walang malay sa lipunan
nais nilang baguhin ang buo kong katauhan

iminomolde nila ako sa kanilang gusto
subalit sa kalaunan ay aking napagtanto
di ako ang kanilang gusto kundi ibang tao
gusto nila'y taong ayon sa kanilang modelo

tila ba ako'y lalaking nawala sa sarili
nawala na ang pagkatao't laman ng kukote
sana ito'y kinatha lang ng aking guniguni
ngunit tunay, sampalin mo man ako, binibini

sampalin mo na ako nang magising sa pagkahimbing
sa bokabularyo ko'y walang "lie low", ow? magaling
di pa hihinto sa pagkilos, di pa ako praning
kahit bayaran pa ng samperang tumataginting

- gregbituinjr.

Sabado, Abril 25, 2020

Bandalismo

sa pader, anila, bandalismo'y pagdudumi lang
na gawain ng walang magawa, may pusong halang
ngunit anong istorya sa likod ng mga patlang
bakit isyu ng bayan ang doon ay nakasalang

bakit naman bandalismo'y napiling gawin nila?
may dahilan kung bakit natin ito nakikita
upang mabasa ng madla ang hinaing ng masa
at mabasa ang di binabalita ng masmidya

huwag mong laging tingnan kung bakit ito dumumi
suriin mo rin anong nakasulat na mensahe
bakit nasa pader ang sa masmidya'y di masabi
alamin bakit hibik ng masa'y sinasantabi

- gregbituinjr.

Ang kwarantina'y isang garison

ang lockdown o kwarantina'y parang isang garison
sa sariling tahanan ay bilanggong nakakulong
tingin sa sarili'y walang kwenta, nabuburyong
nabubuhay, ani Balagtas, sa "kutya't linggatong"

nabubusog ang tulad ko sa maraming palagay
habang gutom sa hustisya ang natokhang, pinatay
guniguni'y may binubulong habang nagninilay
dapat kong ituloy ang gawaing basa-talakay

malupit ang pakiramdam sa bahay nakapiit
para bang sa kwarantina lagi kang nakapikit
habang kinukulong din ang vendors na maliliit
sa iba'y munting bagay, sa akin nakakagalit

ramdam ko'y buryong sa kwarantina, sa totoo lang
sa garisong ganito'y nais ko na'y kalayaan
ngunit nais ko pang manatili ang katinuan
kaya tula pa rin ng tula sa kasalukuyan

- gregbituinjr.

Ang buhay ko'y pakikibaka

Ang buhay ko'y pakikibaka

ang buhay ko'y pakikibaka, alam nila iyan
mamamatay akong adhikain pa rin ay tangan
di mawawala ang prinsipyo sa puso't isipan
mamatay man ako, patuloy na maninindigan

sa parlamento ng lansangan kapiling ng masa
kumikilos pa rin at magtatatlong dekada na
di tumitigil, hanggang kamatayan ang pagbaka
alam nila ito, ang buhay ko'y pakikibaka

sayang ang buhay ko kung mananahimik sa tabi
habang naghihikahos ay parami ng parami
kaya ayokong iniisip na lang ay sarili
kikilos pa rin ako't sa bayan ay magsisilbi

"Be a man for others," ang payo nga ng paaralan
tapos magiging makasarili kang mamamayan?
sayang ang buhay ko kung ganyan ang nasa isipan
para kang buwayang nanggagalugad sa katihan

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga
ni Emilio Jacinto, bayaning mapagkalinga
kaya kasama ko'y aping uri, obrero't dukha
pagpapakatao'y tunay na gawaing dakila

- gregbituinjr.

* "Ang Buhay Ko'y Pakikibaka" ang nais kong pamagat ng isa sa mga gagawin ko pang aklat ng mga tula

Matapos ang lockdown

matapos ang lockdown, ako na'y magboboluntaryo
sa mga nangangailangan ng aking serbisyo
kahit walang sahod o kaya'y mababa ang sweldo
ibabalik kong muli ang sigla nitong buhay ko

 masisilayan akong muli sa pakikibaka
at magsusulat pa rin ng artikulong pangmasa
ipaglalaban pa rin ang panlipunang hustisya
at muling sasama sa pagbabago ng sistema

hihiwalay sa mga sagabal sa simulain
lalayuan ang sinumang balakid sa layunin
una lagi'y prinsipyo't niyakap na adhikain
iba'y suporta lang sa sinumpaan kong tungkulin

matapos lang ang lockdown, patuloy ang aking misyon
kikilos para sa adhikaing niyakap noon
ayokong basta na lang mawala sa sirkulasyon
mabuti nang mamatay kaysa mawala ang layon

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 24, 2020

Huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka

huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka
huwag kang bumili ng bigas, baka barilin ka
huwag maghanap ng pagkain, baka barilin ka
huwag ka nang magsalita, babarilin ka nila
huwag hayaang magutom ang pamilya, ingat ka

- gregbituinjr.
04.24.2020

Isa akong loner

isa akong loner, anila'y may sariling mundo
lumaking laging nag-iisa, introvert daw ako
mundo'y pagsusulat, diwata ang kahalubilo
sa loob ng panitikan ang buhay ng tulad ko

hanggang napag-isip ko, ganito lang ba ang buhay
lumabas ako sa kahon at aking napagnilay
nais kong mag-ambag sa bayan, buhay ay ialay
hanggang piliin ko nang maging tibak habambuhay

isa akong loner, sanay kumilos nang mag-isa
tungkulin ay ginagawang buong tapat sa masa
kahit paminsan-minsan ay dinadalaw ng musa
ng panitik na naging kaulayaw ko noon pa

isa akong loner, sa bayan ko'y nababagabag
anong tulong ba ang ibibigay ko't iaambag
sabi ko sa musa, prinsipyo ko'y di matitinag
basta ginagawa ko'y tama't walang nilalabag

maraming salamat kung ako'y naunawaan din
inasawa ng magiliw ang loner na patpatin
sana'y maunawaan din ang prinsipyo kong angkin
na kung mamamatay ako'y yakap-yakap ko pa rin

- gregbituinjr.

Mapuputing ulap

pinagmamasdan kong muli ang mapuputing ulap
at muling naghahabi ng mga bunying pangarap
gayong sa lockdown ay pagkalugmok ang nalalasap
tila pati sa sarili, ako na'y nagpapanggap

nagpapanggap na kunwari ako'y malakas pa rin
kahit dama'y panghihina ng katawang patpatin
na ang isang sakong bigas ay kaya pang buhatin
na sampung kilometro'y kayang-kaya pang lakarin

matatag pa rin sa niyakap kong paninindigan
lalo na't ako'y wala namang layaw sa katawan
tumutula upang manatili ang katinuan
nilalaro'y sudoku, inaaliw ang isipan

langit na'y nagdidilim, may paparating  na unos
at ang mapuputing ulap animo'y nauubos
paano na haharapin itong paghihikahos
sa gitna ng kwarantinang sa bayan nakayapos

- gregbituinjr.

Naglalaro ang mga manok

tinititigan kong naglalaro ang mga manok
animo'y nagbibiruan silang di mo maarok
pinagmamasdan silang ang dama ko'y pagkalugmok
tila ba bawat kalamnan ko'y nais magsiputok

kailan ba matatapos ang kwarantinang ito
nang makahanap ng gawaing kumikita ako
mahirap ang walang kita sa sitwasyong ganito
pakiramdam ko sa sarili, ako na'y perwisyo

isa lang akong pabigat sa pamilya ng byenan
walang maiambag upang magkalaman ang tiyan
lagi'y lampaso, linis, laba, maghugas ng pinggan
paikot-ikot na lang, wala nang ambag sa bayan

sana'y matapos na ang lockdown na di na mabata
nais kong muling magboluntaryo't bagong simula
muling gagampanan ang tungkuling mapagpalaya
at muling makibaka laban sa mga kuhila

- gregbituinjr.

Huwebes, Abril 23, 2020

Problema'y disiplina, kamatayan ang parusa

Problema'y disiplina, kamatayan ang parusa

problema'y disiplina, kamatayan ang parusa
pasaway kasi ang mga nagugutom na masa
ang sabi ng pangulo, pasaway ay barilin na
at mga trigger-happy'y ginawa ang bilin niya

pareho silang sa dugo ng kapwa naglalaway
sa hazing kasi ang mga trigger-happy sinanay
kunwari'y walang alam sa karapatan at buhay
dahil pasaway kaya babarilin nilang tunay

sariling rules of engagement ay binabalewala
anang pangulo kasi, sagot niya ang maysala
sumunod lang sa asong ulol ang mga kuhila
basta sinabi ng boss nila, wala silang ngawa

problema'y disiplina, ang parusa'y kamatayan
solusyon nila'y pagpaslang sa problema ng bayan
solusyon lagi'y E.J.K. imbes na malunasan
ang sakit at kagutuman ng kapwa kababayan

- gregbituinjr.
04.23.2020

Pagninilay sa kawalan

Pagninilay sa kawalan

higit sa isang buwan na ang kwarantinang ito
lampaso, linis, laba, luto, lalo't lockdown dito
nagbubutingting lang sa bahay, solusyon ba'y ano?
mas malabo pa sa sabaw ng pusit ang ganito

gayunman, sa mga frontliners, maraming salamat
sa inyong pagtulong upang virus ay di kumalat
sana lunas sa virus ay matagpuan nang sukat
para sa kinabukasan, kalusugan ng lahat

dahil sa kwarantina, tayo'y sa bahay maglagi
upang di mahawa, sumunod kahit panandali
di tayo habang lockdown sa bahay mananatili
magugutom ang pamilya't magbabakasakali

titigan minsan ang mga bituin sa karimlan
at pagnilayan mo ang hakbang sa kinabukasan
tiyak na mayroon ka ring nais maliwanagan
habang matamang nakatitig doon sa kawalan

- gregbituinjr.
04.23.2020

Unang pantigan bilang bagong eksperimentasyon ko sa pagtula


UNANG PANTIGAN BILANG BAGONG EKSPERIMENTASYON KO SA PAGTULA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa panahon ng kawarantina, ayokong maging tambay lang sa bahay. Kaya nagsagawa ako ng eksperimentasyon sa pagtula. Nakagawian ko nang gawin ang estilong akrostika, o yaong mga tulang may ibig sabihin ang unang titik ng bawat taludtod, o pag binasa mo pababa ang unang letra ng bawat taludtod ay may lalabas na salita, parirala o pangungusap. Tulad ng tula ko sa Earth Day 2020, na ang unang titik ng bawat taludtod pag binasa mo ay Earth Day, at sa Soneto sa Pamamaslang na ang nakatagong mensahe'y sa anyong akrostika. 

Tula sa Earth Day 2020

Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.

Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.

- gregbituinjr.
04.22.2020

SONETO SA MAMAMASLANG

May araw din kayong pumapaslang ng inosente
Ang tulad nyo'y berdugong sayang-saya sa punebre
Yumurak sa buhay ng kapwa't nangamoy asupre

Ang ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang
Rimarim ang idinulot sa laksang mamamayan
Astang sumisingasing na halimaw at tikbalang
Walang budhi't ang ginawa'y walang kapatawaran

Diyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo!
Iyang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso
Na wala nang katarungan ay basag pa ang bungo

Karapatan at buhay ay sinabuyan ng putik
Ah, balang araw, babagsak din kayong mga lintik
Yayanigin din kayo ng budhing di matahimik
O dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik!

- gregbituinjr.
02.26.2020

Higit isang dekada na ang nakalipas nang mag-eksperimento ako sa pagtula, at nilikha ko ang siyampituhan. May siyam na pantig bawat taludtod sa kalahating soneto, o pitong taludtod. Siyam-pito, siyam na pantig sa pitong taludtod, na hinati ko pa sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis, at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita bagamat nag-iiba ang gamit sa una't huling taludtod. Inilathala ko ang una kong aklat ng siyampituhan sa aklat na pinamagatang Mga Sugat sa Kalamnan, Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan. Tingnan natin ang halimbawa ng tulang siyampituhan.

HABILIN

Nawa'y itanim itong labi
Kaypait man buhay kong iwi
Upang diwa ko'y manatili
Sa mga kapatid sa uri.
Mamamatay akong may puri
Pagbigyan ang hiling kong iwi
Na itanim ang aking labi.

- gregbituinjr.
11.18.2008

USAPANG ISDA

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

- gregbituinjr.
11.18.2008

Kahit ang pagsusulat ng soneto'y may eksperimentasyon, tulad ng ginawa kong taludturang 2-3-4-3-2 sa limang saknong o dalawang taludtod sa una at ikalimang saknong, tatlong taludtod sa ikalawa at ikaapat na saknong, at apat na taludtod sa ikatlong saknong. Halimbawa:

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
(taludturang 2-3-4-3-2)

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

- gregbituinjr.
02.11.2020

Soneto sa dukha
(taludturang 2-3-4-3-2)

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.
02.11.2020

Nitong Abril 17, 2020, habang tangan ko ang Diksyunaryong Filipino-Filipino, na inedit ni Ofelia E. Concepcion,  naisipan kong magkaroon din ng inobasyon sa aking mga ginagawa. Dito na nagsimula ang estilong unang pantigan sa pagtula. Ito yaong mga salitang magkakapareho ang unang pantig sa bawat taludtod. Tatlong tula ang nagawa ko sa araw na iyon batay sa estilong unang pantigan.

Hinalaw ko ang mga salita sa pagtitig ko sa mga pahina ng nasabing diksyunaryo. Inilista ko ang mga nakita kong salitang may magkakapareho ng unang pantig.

Panibagong eksperimentasyon sa pagtula. Tinawag ko ang estilo ng tula na unang pantigan, dahil pare-pareho ang unang pantig ng bawat taludtod. Sumunod ay nakagawa rin ako ng dalawang pantigan naman sa bawat taludtod.

Sinusunod ko pa rin ang tugma't sukat na tradisyon sa pagtula. Dahil naniniwala akong mas paniniwalaan ng tao o mambabasa na pinagtiyagaan mo, pinagsikapan at pinaghirapan mo ang tula pagkat may tugma't sukat. Subalit hindi ko naman pinupuna yaong mga nagmamalayang taludturan, dahil doon din naman ako nagsimula.

Nang sumapit ang World Creativity and Innovation Day nitong Abril 21, 2020, nasundan pa ang tatlong tulang unang pantigan na nalikha ko noong Abril 17, 2020. Araw ng Pagkamalikhain at Inobasyon ang araw na iyon, kaya dapat ipagpatuloy ko ang paggawa ng mga tulang unang pantigan.

Naririto ang mga unang halimbawa ko ng unang pantigan.

GARAPALAN NA ANG NANGYAYARING KATIWALIAN

I
Garapalan na ang nangyayaring katiwalian
Gahaman at tuso'y napaupo sa katungkulan
Ganid na pawang pahirap sa laksang mamamayan
Garapata silang nasa likod ni Kalakian
Garote'y dapat sa tulad nilang taksil sa bayan

II
Gawa ng magulang upang anak ay di bumagsak
Gagapang upang mapagtapos lang ang mga anak
Garantiyang pag napagtapos ay labis ang galak
Ganansyang may kinabukasan, di naging bulagsak
Gantimpala na itong nagbunga rin ang pinitak

III
Gaygayin ang laot tungo sa pulo ng mabuti
Gaod sa balsa'y gamitin mong wasto't magpursigi
Gampanan ang misyon habang bawat mali'y iwaksi
Gagayak tungo sa islang walang mga salbahe
Galak ang madarama sapagkat wala ring peste

IV
Garalgal na ang pananalita't di makangawa
Garil ang tinig sa isyu't problemang di humupa
Gamol man siyang laging sakbibi ng dusa't luha
Gatla sa noo'y tandang marami pang magagawa
Gawin lagi sa kapwa kung anong mabuti't tama

- gregbituinjr.
04.17.2020

GILIW, IKAW ANG MUTYA NIRING PUSONG SUMISINTA

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta
Gitling man ay di namagitan sa ating dalawa
Giikin natin ang palay nang may buong pag-asa
Gilik sa palay ay iwasang mangati sa paa

Gipit man ngayon ay patuloy kitang nagsisikap
Giti man ang pawis sa noo'y laging nangangarap
Gitata sa sipag nang kaalwanan ay malasap
Ginhawang anong ilap ay atin ding mahahanap

Giray-giray man sa daan, tutupdin ang pangako
Giyagis man ng hirap ay di rin tayo susuko
Giwang sa adhika'y suriin nang di masiphayo
Ginisang anong sarap ay atin ding maluluto

Gising ang diwang di payag mapagsamantalahan
Giting ng bawat bayani'y kailangan ng bayan
Giit natin lagi'y wastong proseso't karapatan
Gibik na kamtin ng masa'y hustisyang panlipunan

- gregbituinjr.
04.17.2020

GUNAM-GUNAMIN MO ANG SAKIT NA KASUMPA-SUMPA

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gustong madalumat pagkat di iyon matingkala
Guniguni'y tila baga may asam na adhika
Gugulin ay di na mawari pagkat walang-wala

Gutom at di makapagtrabaho ang nangyayari
Gugupuin ang kalusugan nating di mawari
Gulo ito kung namumuno'y tila walang silbi
Gutay-gutay na pamumuhay sa dusa'y sakbibi

Guhong mga pangarap sa dibdib na'y halukipkip
Gubat na ang lungsod na animo'y di na malirip
Gunggong ang tusong trapong sarili lang ang inisip
Guwang sa polisiya nila'y ating nahahagip

Gulat man ang masa sa sakit na nananalasa
Gulantang man ang bayan sa biglaang kwarantina
Gulilat man tayo sa aksyon ng trapong paasa
Gusot ay maaayos pag nalutas ang pandemya

- gregbituinjr.
04.17.2020

TALUKTOK AY NAAABOT DIN NG PAKIKIBAKA

talahulugan ay magandang gawin nating gabay
talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay
talata o saknong man ay may akibat na lumbay
talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay

talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog
talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog
talino'y linangin sa mga tulang maalindog
taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog

talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu
talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo
talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao
talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo

talumpati'y atake man sa bulok na sistema
taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya
talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa
taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

- gregbituinjr.
04.21.2020

ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON

tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi
tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi
tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali
tagasaan man ay laging nagbabakasakali

tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo
tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho
tagibang habang iniisip ang kasunod nito
tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku

tagunton ang nililikha ng makata ng buhay
tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay
taguyod ang panitikang may mga akdang lantay
taguri sa makata'y isang libo't isang panday

tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon
tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon

- gregbituinjr.
04.21.2020

KULIMLIM NA ANG LANGIT SA KATANGHALIANG TAPAT

kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat?
kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat
kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat?

kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit
kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit
kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit
kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit

kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay?
kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay
kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay
kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisa

kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop
kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop?
kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop
kultura'y ating linangin nang di basta masakop

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA

kumakain na lang dalawang beses isang araw
kumakayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw
kumakanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw
kumakasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw

kumindat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti
kumisig ba ang binatang nagbabakasakali
kumisap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi
kumilos siya't masagot na, agad magmadali

kumulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura
kumurot sa puso ang anak na nagugutom na
kumulimlim na naman ang langit ngayong umaga
kumusta na kaya ang nasa malayong pamilya

kumpunihin ko man ang mga sira't magbutingting
kumpulan ay bawal din, dapat may social distancing
kumpas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling
kumpay para sa alaga ko sana'y makarating

- gregbituinjr.
04.23.2020

Narito naman ang mga unang halimbawa ko ng dalawang pantigang magkakapareho.

KASABIHAN, KASAYSAYAN, KASARINLAN

kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19
kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain
kasado rin tayong kumilos upang di gutumin
kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin

kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos
kasapi tayo nitong lipunang binubusabos
kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos
kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos

kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari
kasakiman nila sa tubo'y pinananatili
kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari
kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri

kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka
kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa
kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala
kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Kung sakali mang makalikha ako ng isangdaang tulang unang pantigan, sa palagay ko'y dapat ko na itong isaaklat, lalo na kung magagawa ko ngayong taon, sa Disyembre 2020 ang paglulunsad ng unang aklat ng koleksyon ng mga tulang pantigan.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Soneto: Kapit sa Patalim

Soneto: Kapit sa Patalim

Kwarantina'y higit isang buwan na, walang kita
Ano na bang dapat gawin, tutunganga na lang ba?
Paano na kami kung patuloy ang kwarantina?
Inipong pera'y ubos na, tibuyo'y bubuksan na?

Tibuyo'y may kaunting barya, walang limang daan
Saan ito aabot kung lockdown pa'y isang buwan?
Ang hirap ng baon sa utang na di mabayaran
Pati yata puri'y baka maibentang tuluyan.

Alalay mula sa gobyerno'y sadya namang kapos
Tunay na sa sampung milyong tao, ayuda'y ubos
Ang daming kakapit sa patalim, walang panustos
Lumalalang sitwasyon ba'y kailan matatapos?

Isiping maigi ang solusyon at magmadali
Magbayanihan tayo'y nawa'y wala nang masawi.

- gregbituinjr.
04.23.2020

Pagsipat sa apat na kwento ngayong umaga

PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA

kumakain na lang dalawang beses isang araw
kumakayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw
kumakanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw
kumakasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw

kumindat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti
kumisig ba ang binatang nagbabakasakali
kumisap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi
kumilos siya't masagot na, agad magmadali

kumulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura
kumurot sa puso ang anak na nagugutom na
kumulimlim na naman ang langit ngayong umaga
kumusta na kaya ang nasa malayong pamilya

kumpunihin ko man ang mga sira't magbutingting
kumpulan ay bawal din, dapat may social distancing
kumpas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling
kumpay para sa alaga ko sana'y makarating

- gregbituinjr.
04.23.2020

Miyerkules, Abril 22, 2020

Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat

Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat

kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat?
kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat
kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat?

kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit
kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit
kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit
kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit

kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay?
kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay
kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay
kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisay

kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop
kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop?
kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop
kultura'y ating linangin nang di basta masakop

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan

Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan

kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19
kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain
kasado rin tayong kumilos upang di gutumin
kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin

kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos
kasapi tayo nitong lipunang binubusabos
kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos
kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos

kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari
kasakiman nila sa tubo'y pinananatili
kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari
kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri

kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka
kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa
kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala
kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin
(Abril 22, 1970 - Enero 21, 1924)

sa pangsandaan limampung kaarawan ni Lenin
halina't siyang taas-kamaong batiin
tunay siyang inspirasyon ng rebolusyon natin
pinuno ng Bolshevik, bayaning tunay, magiting

mga aral niya't sulatin ay ating balikan
kunan natin ng aral ang kanilang kasaysayan
paano nanalo sa Tsar at mga gahaman?
anong niyakap nilang prinsipyo't paninindigan?

nagtagumpay sila kasama ang obrero't masa
dahil sa kanya, ang prinsipyo'y di na lang Marxista
Marxismo'y sinabuhay, pinaunlad ang teorya
kaya yumakap doon ay Marxista- Leninista

mabuhay ka, Vladimir Lenin, mabuhay! Mabuhay!
inorganisa'y Bolshevik, proletaryo'y kaugnay
para sa uring manggagawa, buhay ay inalay
sa iyong kaarawan, taospusong pagpupugay!

- gregbituinjr.
04.22.2020

Tula sa Earth Day 2020

Tula sa Earth Day 2020

Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.

Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.

- gregbituinjr.
04.22.2020

Maitim man ang balat

huwag mong hanapin sa akin ang di naman ako
isang taong mayaman, may negosyo, nakapolo
huwag mong hanapin sa akin ang maputing tao
gayong sa simula pa'y alam mong maitim ako
maitim ang balat, di ang budhi o pagkatao

ayaw mong mag-isip ako't sa bayan makialam?
tula'y nang-aagaw ba ng pagsintang di maparam?
imomolde mo ba ako sa iyong inaasam?
papuputiin mo ang kayumangging kaligatan?
babaguhin mo rin ba ang buo kong katauhan?

ako'y aktibistang nais mong maging negosyante
di problema kung nais mong ako'y mukhang disente
ngunit puso't diwa ko ba'y susunod sa diskarte?
mula sa mabuting tibak ay magiging salbahe?
pagkatao'y wala na't sa iba na magsisilbi?

ang maglingkod sa burgesya't kapitalista'y ano?
magpaalipin dahil lang sa karampot na sweldo?
winasak ko lamang ang prinsipyo ko't pagkatao
pag tuluyang nangyari iyan, nakapanlulumo
di na ako ang ako, pagkat pinaslang na ako

- gregbituinjr.

Martes, Abril 21, 2020

Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che

Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che

“At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love." ~ Argentinian doctor Che Guevara

alam kong may puwang pa sa puso mo ang pag-ibig
ito ang rason bakit tayo nagkakapitbisig
sa ating kapwa't dinadamayan ang walang tinig
pagkat tayo'y magkakapatid sa buong daigdig

kaya huwag kang mainggit na mayaman ang iba
marami sa kanila'y nabubuhay lang sa pera
di nagpapakatao, at balewala ang masa
walang pakialaman, iyan ang prinsipyo nila

puno ng pag-ibig ang nakikibakang tulad mo
nakikipagkapwa, naninindigan, may prinsipyo
tulad mo'y di mukhang pera kundi talagang tao
mabuhay ang tulad mong ang adhika'y pagbabago

rebolusyonaryong pag-ibig ang nagpapakilos
upang magkaroon ng sistemang walang busabos
itatayo ang lipunang walang naghihikahos
adhika'y lipunang pantay na walang dukha't kapos

- gregbituinjr.

Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula

Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula

hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula
sa nais magbasa nito o bigkasin sa madla
at kung kailangan, sila pa'y aking igagawa
ng tula, basta magmungkahi lang sila ng paksa

gayunman, salamat din sa mga di nagbabasa
dahil ang mas nais nilang basahin ay nobela
baka tingin nila ginagawa ko'y propaganda
gayong tula'y pagbibigay ng pag-asa sa masa

lumaki na akong nakikibaka't di maramot
pag may pera'y galante, pag walang pera'y kuripot
ngunit aking mga katha'y di ko ipagdadamot
ito'y paraan ko ng pagsisilbing walang imbot

sana'y malathala ang mga ito sa magasin
sa mga dyaryo, libro, o iba pang babasahin
kung mamatay na ako'y daigdig na ang aangkin
nitong mga tulang aking kinatha't di na akin

- gregbituinjr.
04.21.2020

Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

talahulugan ay magandang gawin nating gabay
talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay
talata o saknong man ay may akibat na lumbay
talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay

talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog
talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog
talino'y linangin sa mga tulang maalindog
taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog

talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu
talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo
talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao
talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo

talumpati'y atake man sa bulok na sistema
taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya
talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa
taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

- gregbituinjr.

Ang tagpo'y tagpos man sa takdang panahon

ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON

tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi
tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi
tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali
tagasaan man ay laging nagbabakasakali

tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo
tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho
tagibang habang iniisip ang kasunod nito
tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku

tagunton ang nililikha ng makata ng buhay
tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay
taguyod ang panitikang may mga akdang lantay
taguri sa makata'y isang libo't isang panday

tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon
tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon

- gregbituinjr.

Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit

Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit

gumising ng maaga, isang oras sa arawan
Bitamina D umano sa sakit ay panlaban
ang init ng araw ay pampalakas ng katawan
upang kurikong at kagaw ay mawalang tuluyan

pagitan ng ikapito't ikawalo ang init
sa umaga'y tamang oras, gawin itong malimit
huwag sa tanghaling tapat, sa balat ay masakit
mag-ehersisyo ka rin, pagpapainit ay sulit

ano ba kung mainitan ng araw sa umaga?
balat mo'y mangingitim? puti mo'y mawawala na?
kung ayaw mong magkasakit, mag-Bitamina D ka
isiping nilalabanan ang virus sa tuwina

kung may sakit ka'y baka unti-unti nang mawala
at papatayin ng init iyang virus na banta
nagbabakasakali, nag-iisip, ginagawa
para sa kalusugan mo, ng pamilya't ng madla

- gregbituinjr.

Tula sa World Creativity and Innovation Day

Tula sa World Creativity and Innovation Day

Maging malikhain sa panahon ng COVID-19
Ang trabaho mo sa labas ay sa bahay na gawin
Gising man ang diwa sa paligid, magsuri pa rin
Inobasyon ng bagay-bagay ay iyong likhain
Naplano mo ba paanong dampa mo'y palakihin?

Guhitin sa isip ang mga inobasyong asam
Magsuri ng kongkreto sa kongkretong kalagayan
Ang sirang gamit ba'y maaayos pa sa tahanan?
Latang walang laman ay maaaring pagtaniman
Ipunin ang mga walang lamang bote't linisan

Kunin ang pluma't papel, magsulat, ano bang plano
Huwag maging kantanod na nanonood lang dito
Abalahin ang sarili't likhain ang kung ano
Isiping sa paligid, may magagawa kang bago
Nawa ang malikha mo'y makakatulong sa tao.

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 20, 2020

Kainin mo na lang kaya ang basura mo

KAININ MO NA LANG KAYA ANG BASURA MO

"kainin mo na lang kaya ang basura mo
kung pagtatapon ay di mo kayang iwasto"
ito ang sabi ng isang galit na tao
na minsan pakinggan mo rin ang hibik nito

itapon mo kasi sa tamang basurahan
imbes ikalat ang basura mo kung saan
kumain ng mais sa loob ng sasakyan
itatapon mo ba saan ang busal niyan?

kaya mo bang kainin ang iyong basura
tulad ng kinain nitong isda sa sapa
na ating ikinalat kaya naglipana
sa kanal, sa dagat, sa ilog, kung saan pa

isdang kumain ng basura'y huhulihin
ibebenta, bibilhin, ating lulutuin
mga anak ay masayang ito'y kainin
ulam itong makabubusog din sa atin

sa ganyan natin kinakain ang basura
kaya yaong galit na tao'y tama pala
mauulit muli kung walang disiplina
kung wala kang sakit, baka magkasakit na

- gregbituinjr.

Di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy

Di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy

di tayo tulad ng iba riyang pumapayipoy
dahil tao'y may dignidad, kahit na nagngunguyngoy
di paaapi o pasisindak kahit palaboy
ang tao'y may dangal, kahit sanggol pang inuugoy

di tayo mga asong nangingilala kung sino
na pag sinabihang mangagat, mangangagat ito
tayo'y taong may isip, may dangal, alam ang wasto
di tayo asong bahag ang buntot sa trapo't gago

hayaan ang mga asong sa amo nila'y tapat
na kung nais kang ipakagat, ito'y mangangagat
tayo'y taong alam ang tama, may isip na mulat
batid ano ang hustisya't karapatan ng lahat.

- gregbituinjr.
04.20.2020

PAYIPOY - paggalaw ng buntot, gaya ng sa aso, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, na inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 152

Singlakas pa ng kalabaw

SINGLAKAS PA NG KALABAW

isang taon na lang ako, nasa isip ko'y lahad
ganito na taun-taon, habang nagkakaedad
may iniinda mang sakit ay sikreto't di lantad
di naman ako nagpapa-check up dahil may bayad

malakas pa ako, malakas pa, ang laging isip
sakit na iniinda'y iiwan sa panaginip
singlakas ng kalabaw, sa rali nga'y di mahagip
ngunit ang manggagamot kaya'y anong nasisilip?

ayokong magpa-check up, ayokong magpaospital
sa pa-check up pa lang, magbabayad ka na ng mahal
check up ay mahal, gamot ay mahal, ako ba'y hangal
di pa Cuba ang palakad sa bansang ating mahal

kaya tama lang isipin kong ako'y malakas pa
at magagawa pang tumindig nitong akin, sinta
tulad ng kalabaw na nag-aararo tuwina
malakas pa't kunwari'y sakit ay di nadarama

- gregbituinjr.

Wastong gamit ng si, sina, sila at kina

Wastong gamit ng si, sina, sila at kina

sina Pedro, imbes na sila Pedro, ang gamitin
kina Ben, imbes na kila Ben, ang wastong sulatin
ang balarila'y unawain at aralin natin
wastong gamit ng mga salita'y ating linangin

ang pangmaramihan ng si ay sina, at di sila
dahil karugtong ng si ay pangalan, si at sina
ang sila ay panghalip, saan ba sila nagpunta
nagtungo sila kay Petra, nagpunta kina Petra

kina dahil marami ang naroon sa tahanan
nina Petra, kay Petra kung isa lang pinuntahan
direkta ang kay at ang kina ay pangmaramihan
at di rin kila kundi kina ang wastong paraan

payak kung uunawain ang balarilang ito
na kung aaralin, makakapagsulat ng wasto
lalo kung nagsusulat ka sa dyaryo o ng libro
aba'y magsulat ka na ng wasto, aming katoto

- gregbituinjr.

Ako'y mamamayan ng daigdig

AKO'Y MAMAMAYAN NG DAIGDIG

ako'y mamamayan ng daigdig
laging nakikipagkapitbisig
sa dukha't obrerong nilulupig
sila'y kasama kong mang-uusig
laban sa kuhilang mapanlupig

nakikiisa sa manggagawa
sa misyon nilang sadyang dakila
na bulok na sistema'y mawala
kaisa pati nagdaralita
itatayo'y lipunan ng madla

internasyunalismo ang taglay
adhika'y lipunang pantay-pantay
at mundong makatao ang pakay
proseso'y nirerespetong tunay
pati na karapatan at buhay

hangad ang panlipunang hustisya
mawala ang pagsasamantala
baguhin ang bulok na sistema
organisahing tunay ang masa
anumang bansa nanggaling sila

misyong may isusubo sa bibig
ang dalitang winalan ng tinig
sa pang-aapi'y di padadaig
dahilan ko'y dapat n'yong marinig:
ako'y mamamayan ng daigdig!

- gregbituinjr.
04.20.2020

* "Ako'y mamamayan ng daigdig" - ito ang plano kong gawing pamagat ng susunod kong gagawing aklat ng mga tula.

Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo

Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo

sa laot, tila ang mga isda'y nagpipiyesta
sa dami ng kinalat ng tao't ibinasura
upos ng sigarilyo, plastik, walang lamang lata
huhulihin ang isda't kakainin natin sila

paano na ang iyong kalusugan pag kinain
ang mga isdang kumain din ng basura natin
nagkatotoo ang kasabihang atin nang dinggin
basurang tinapon natin ay babalik sa atin

kinakain ng mga isda'y sangkaterbang plastik
na sa buong katawan nila'y talagang sumiksik
tama ba ang nangyaring ito, ngayon ka umimik
disiplina sa basura ngayon ang ating hibik

huwag nang magkalat, disiplinahin ang sarili
sa pagbukod ng basura'y huwag mag-atubili
gawin kung anong wasto, sabihin din sa katabi
para sa kalusugan mo at ng nakararami

- gregbituinjr.
04.20.2020

Linggo, Abril 19, 2020

Bawal ang halibyong

BAWAL ANG HALIBYONG

bawal ang halibyong o fake news na ipamahagi
kahit sinong balasubas ay di dapat bumali
sa panawagang halibyong o fake news na'y mapawi
pagkat totoong balita ang dapat manatili

birtud sa fake news ng haliparot ba'y balewala?
tagapagtaguyod ba ng halibyong na'y luluha?
pagkat kapangyarihan nila'y tinitirang lubha?
ang reyna halibyong kaya'y tuluyang magwawala?

huwag nating kukunsintihin ang mga halibyong
dahil may toyo ang mga nagpapadala niyon
anong mahihita nila kung di man sila gunggong?
pabanguhin lang ang pangalan ng idolong lulong?

paano babango kung iuulat nila'y mali?
kung di katotohanan, kasinungalingan lagi
upang sa kanilang propaganda, sila'y magwagi?
habang mismong katotohanan ang dinuduhagi?

tama na ang halibyong, lumikha'y nakakasuka
anong intensyon nila't inililigaw ang masa?
kung binabayaran sila rito't nagkakapera
marahil, may pakana'y di matino't palamara

- gregbituinjr.

* HALIBYONG, taal na wikang Filipino, na ibig sabihin ay disinformation o fake news. Pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari. ~ mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...