Martes, Oktubre 1, 2019

Pagtingala sa kisame

lagi na lang akong nakatingala sa kisame
tila binabasa roon ang anumang mensahe
tila pinanood din ang samutsaring insidente
upang makatha ko ang iba't ibang anyo't siste

ang kisame'y binubuo ng may pinturang tabla
may ilaw sa gabi, patay ang ilaw sa umaga
gumagapang na butiki'y tila ba nagtataka
baka umano siya'y aking pinanonood na

minsan, minsan lang naman, sa kisame'y may hiwaga
maraming mangangathang sa kanya'y nakatingala
naghahanap ba sila ng anumang himala
o naghahagilap ng kataka-takang kataga

dapat kathain ang maitutulong sa lipunan
upang mapaginhawa ang buhay ng mamamayan
pagtingala sa kisame'y isang palatandaan
ng palaisip, ng kaisipan, ng kabaliwan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...