Biyernes, Oktubre 11, 2019

Pagguho ng bundok ng mga pangarap

Kayrami nang gumuhong bundok ng mga pangarap
Nang manalasa ang tokhang ng mga mapagpanggap
Walang anumang proseso, di man lang kinausap
Kahit bata'y kanilang binaril nang walang kurap!

Nilapa ng leyon ang mga inosenteng tupa
Ang pagkatao'y niluray ng pangil ng buwaya
Lason nga nila'y sintindi ng kamandag ng kobra
Kapara nila'y aswang na sumila sa biktima!

Maraming mailalarawan sa mga berdugo
Hayop na nananagpang ngunit sila'y tao! Tao!
Nasaan ang pagkatao ng mga taong ito?
Mamamaslang na lang kahit walang sala o kaso!

Gumuhong bundok ang pangarap nitong mga paslit
Ang pagkamatay nila'y di tadhanang iginuhit
Kundi dulot ng bulok na sistemang anong lupit
Nangyari sa mga musmos ay nakapagngangalit!

Tiyak may magagandang pangarap ang mga bata
Ngunit wala na iyon, pangarap nila'y sinira!
Pagkat pinagpuputol na ng mga walang awa,
Ng mga berdugong anyong tao't pawang kuhila!

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...