Huwebes, Oktubre 31, 2019

Habang tinititigan ang bumubukol na ulap

habang tinititigan ang bumubukol na ulap
natatanaw ko sa haraya ang luksang pangarap
buhay ng dukha'y patuloy na aandap-andap
sa kabila ng tiyaga, sipag at pagsisikap
tila di na sila ihehele sa alapaap

nakikita ko sa haraya'y isang pangitain
habang sa maraming bansa, laksa'y inaalipin
may namamalimos pa sa pagdaan ng limousine
laksang babae'y di asawa yaong umaangkin
kailan ba babangon ang mga bayani natin

sinagasaan ng salagubang ang mga uod
doon sa puwet ng tigre'y may mga humihimod
sa haraya'y nakikita ko ang ulilang puntod
at nag-aalay ng bulaklak ang isang pilantod
binigkas ang alay na tulang may sampung taludtod

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...