WALANG MARIYA KLARA
kababaihang Pilipina'y mga mandirigma
sila sa anumang pakikibaka'y laging handa
mahinhin, ngunit pag kailangan, sumasagupa
di natatakot, nagsusuri, di basta lumuha
di nila tulad yaong Mariya Klarang iyakin
na sa isang nobela'y inilarawang mahinhin
di makabasag-pinggan at mahirap kausapin
mahirap ding ligawan, lalo't sobrang mahiyain
pagkat Mariya Klarang mahinhin at mapagtiis
ay imbento lamang ni Rizal, di makabungisngis
manikang di mapakagat sa lamok, walang galis
iniibig, pinipintuho, maganda ang kutis
ngunit ganyang Pilipina'y imbento lang ni Rizal
kimi, tila laging birheng di marunong umangal
ang Pilipina'y di ganyan, harangan man ng punyal
lumalaban, mataktika, sa laban tumatagal
mandirigma't pinuno ang Pinay sa kasaysayan
mula sa panahon ng Babaylan o Catalonan
sina Urduja, Oryang de Jesus, Gabriela Silang
pati na Salud Algabre, Agueda Kahabagan
Trinidad Tecson, Remedios Gomez, Amparo Quintos
Tandang Sora, Elena Poblete, Nazaria Lagos
Liliosa Hilao, Liza Balando, Lorena Barros
Felipa Culala, at iba pang lumabang lubos
sila'y totoong taong lumaban kasama'y masa
upang lumaya ang bayan, sadyang dakila sila
di katulad ng imbento ni Rizal sa nobela
Huling, Sisa't Mariya Klara raw ang Pilipina
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Sa aking lunggâ
SA AKING LUNGGA ang noo ko'y kunot sa aking lungga nagninilay sa ilalim ng lupa naghahanda sa malawakang sigwa diwa, pluma't gulok a...

-
ANG DAAN PATUNGONG QUIAPO matapos ang dalawang dekada'y muling bumili ng librong Trip to Quiapo na akda ni Ricky Lee ang naunang libro n...
-
PAG AKO'Y NAKATUNGANGA, AKO'Y NAGTATRABAHO pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho pag nakatitig sa kisame, nagninilay...
-
SONETO SA WORLD POETRY DAY W orld Poetry Day, na isang araw ng panulaan O araw din ng mga makata't talinghagaan R ahuyo ang indayog...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento