Martes, Disyembre 17, 2024

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL

may abiso sa sahig ng traysikel
kong sinakyan: "Bawal manigarilyo"
tagos sa puso't diwa'y umukilkil
kahit sa makatang di nagbibisyo

kundi ang magsulat ng kwento't tula
minsan paksa'y yaong nasa hinagap
bisyo'y pagninilay at tumingala
sa kisame o kaya'y alapaap

anong masasabi ng nagyoyosi
na may paalala doon sa sahig
tunay iyong mahalagang mensahe
ipinaskil ang di maisatinig

salamat at may paalalang ganyan
habang patungo sa paroroonan

- gregoriovbituinjr.
12.17.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/wwAHJD8msl/ 

Lunes, Disyembre 16, 2024

Ang apat na Pepe

ANG APAT NA PEPE 

bida si FPJ sa Pepeng Kaliwete
at si Ramon Revilla sa Pepeng Kuryente
kilala ring partner ni Pilar ay si Pepe 
mas tanyag na Pepe si Rizal na bayani

sa kamalayang Pinoy ay naroon sila
lalo't taga-dekada otsenta't nobenta
tatlo sa kanila'y sikat sa pelikula,
sa panitikang bayan, isa'y sa historya

mga Pepe, maraming salamat sa inyo
kabataan nami'y naging bahagi kayo
sa mga maaksyong pelikula ay hero
bida kayong tumatak sa puso ng tao

bida si Rizal, pambansang bayani natin
si Senador Revilla'y naglingkod sa atin
si FPJ ay tumakbong pangulo man din
si Pepe't Pilar nasa panitikan natin

- gregoriovbituinjr.
12.16.2024

Linggo, Disyembre 15, 2024

Mga korte ng limang piso

MGA KORTE NG LIMANG PISO

dumudukot ako ng baryang pamasahe
at tatlong limang piso'y nakuha ko rine
na agad napansin kong iba-ibang korte

tatlong magkaiba ang limang pisong iyon
dalawa'y bilog, magkaibang kulay niyon
habang isa'y siyam ang gilid o nonagon

may pambili na ako ng saging na saba
pag pinambayad ko sa dyip ang tatlong barya
aba, ako'y may dalawang pisong sukli pa

iba-iba mang korte'y mahalagang sadya
sa komersyo't palitang-kalakal ng madla
pambili ninuman kahit pa ika'y dukha

nasa bagong limang piso ba'y kilala mo?
ang bayaning nakaukit sa limang piso
ay ang magiting na Gat Andres Bonifacio

- gregoriovbituinjr.
12.15.2024

Okra dyus

OKRA DYUS

naglaga ako ng okra
bente pesos ang halaga
dalawang tali lang naman
na sampung okra ang laman

sabi'y tunggain ko lang daw
ang pinaglagaang sabaw
inumin iyong parang dyus
nang lumusog akong lubos

inilagay ko sa baso
sa sang-iglap tinungga ko
anong bilis kong nilunok
sinaid sa isang lagok

naisip kong tamang landas
katawan ay mapalakas
okra naman ay inulam
ko kaninang mag-agahan

- gregoriovbituinjr.
12.15.2024

Sabado, Disyembre 14, 2024

Huli nga ba sa balita?

HULI NGA BA SA BALITA?

magkaibang petsa ngunit isang balita
sa magkaibang pahayagan nalathala
masasabi bang isa'y huli sa balita?
o inulit lang ang ulat na nalathala?

sa pahayagang Bulgar, Disyembre a-trese
sa dyaryong Sagad naman, Disyembre katorse
hinggil sa aksidente sa Boy Scout Jamboree
headline iyon sa dalawang dyaryong nasabi

pinaksa'y Boy Scouts na nakuryente't namatay
tent ay sumabit sa live wire na nakalaylay
mga balitang gayon ay nakalulumbay
na disgrasya'y dumatal sa kanilang tunay

kung balita'y pakasusuriin mong sukat
kulang sa detalye ang unang naiulat
mga biktima'y walang pangalang nasulat
sa ikalawa, may detalyeng makakatkat

ulat sa Sagad ay di pa huling totoo
kung inulat ay madetalye't sigurado
kung baga, inapdeyt at follow-up sa kaso
na maaari ring serye kung titingnan mo

- gregoriovbituinjr.
12.14.2024

* ulat mula sa pahayagang Sagad, Disyembre 14, 2024, p.1 at 2; ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, p.1 at 2

Tsaang oregano

TSAANG OREGANO 

lumago na ang tanim ni misis na oregano
kung saan dahon naman niyon ay pinipitas ko
upang sa takure ay pakuluan ngang totoo

at kapag maligamgam na'y saka ko iinumin
na parang tsaa, pampalusog sa katawan man din
ah, kalusugan, aba'y dapat ka naming isipin

tsaa itong maraming benepisyo sa katawan
buti't naisipan ni misis na itanim iyan
siyang tunay, kaylalago na nila sa bakuran

sa mga saliksik, pang-alis ng toxic substances,
panlaban daw sa implamasyon, hika, diabetes,
pagbuburis, bakterya, cancer at iba pang istres

kaya tsaang oregano ay dagdag sa arsenal
ng kalusugan matapos lumabas ng ospital
pandagdag lakas, upang di rin agad hinihingal

kaya ngayon, sa tsaang ito ako  na'y masugid
na tagapagtaguyod lalo't may tanim sa gilid
tara nang magtsaang oregano, mga kapatid

- gregoriovbituinjr.
12.14.2024

* buris - nagtutubig na tae

Biyernes, Disyembre 13, 2024

Tatlong Boy Scouts, nakuryente, patay

TATLONG BOY SCOUTS, NAKURYENTE, PATAY

ang sinapit ng tatlong Boy Scouts ay kaytindi
nang sila'y mamatay dahil daw nakuryente
anang ulat, nangyari sa Zamboanga City
sa nagaganap doong Citywide Jamboree

labinlimang Boy Scouts ang nilipat umano
ang tent nila nang metal na bahagi nito
ay sumabit sa live wire, disgrasyang totoo
na ikinamatay ng nabanggit na tatlo

dumaloy sa katawan ng mga biktima
ang lakas ng boltahe, kaybata pa nila
upang madisgrasya sa nasabing sakuna
Jamboree'y kinansela dahil sa trahedya

pangyayaring ito'y sadyang nakalulungkot?
sa trahedyang naganap ba'y may mananagot?
panahon lang ba ang dito'y makagagamot?
upang trahedyang ito'y tuluyang malimot?

di ba't tinuturo sa Boy Scouts ang survival?
at dapat ay handa sa anumang daratal?
pakikiramay ang tangi kong mauusal
sa kanilang pamilya't mga nagmamahal

- gregoriovbituinjr.
12.13.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, headline at pahina 2

Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Pagdatal sa tahanan

PAGDATAL SA TAHANAN

pang-apatnapu't siyam na araw, higit sambuwan
mula sa ospital, umuwi kami ng tahanan
alas-onse y medya kagabi kami dumating
upang si misis sa kanyang sakit ay magpagaling

pagdating, sinalubong agad kami ni alaga
tila batid niyang parating kami't tuwang tuwa
salamat kay alagang pusa at walang mabait
na sa aming tahanan ay naninira ng gamit

salamat din sa maraming kasama't kaibigan
na tumulong sa amin sa oras ng kagipitan
tanda ko ang araw na iyong araw na sagrado
Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

salamat at sa tahanan ay muling nakabalik
at makata'y nakatulang walang patumpik-tumpik
ay, nakakapagod din ang sandaling paglalakbay
mabuti't nakauwi kaming loob ay palagay

- gregoriovbituinjr.
12.11.2024

* bidyo kuha ng makatang gala ng gabi ng Disyembre 10, 2024, 11:37 pm
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/wqePxLeyPD/ 

Martes, Disyembre 10, 2024

Huling gabi na sa ospital

HULING GABI NA SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na gabi
sa ospital, narito pa kami
huling gabi na ito, ay, huli
salamat at uuwi na kami

nawa dito'y di kami bumalik
ni misis, sa bahay na'y pumanhik
paggaling niya'y tangi kong hibik
na sa tula'y aking itititik

tapos na ang apatnapu't siyam
na araw at gabi sa ospital
hibik ko'y tuluyan nang maparam
ang iniinda niyang kaytagal

masasabi ko'y pasasalamat
sa nagsitulong, sa lahat-lahat
nangyaring ito'y nakapagmulat
sa aking kayraming nadalumat

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024

Apatnapu't siyam na araw sa ospital

APATNAPU'T SIYAM NA ARAW SA OSPITAL

pang-apatnapu't siyam na araw at gabi
sa ospital na ito't pauwi na kami
silid na ito'y ginawa ko nang aklatan
habang bantay kay misis na may karamdaman

mapapaluha ka sa presyong tila ginto
sa gastos sa ospital, para kang natanso
aba'y sadyang tumpak ang kasabihang iyon
"Bawal magkasakit" sa patalastas noon

at ngayong Araw ng Karapatang Pantao
ang huling araw at gabi na namin dito
hinihintay lang ang mga reseta't bilin
ng mga doktor bago kami paalisin

dugong malapot sa bituka'y pinalabnaw
sunod na pagtistis ay mayoma naman daw
na panibago rin naming paghahandaan
lalo ang gastusin, malaking kabayaran

- gregoriovbituinjr.
12.10.2024    

Lunes, Disyembre 9, 2024

Respeto sa mga babaeng chess players

RESPETO SA MGA BABAENG CHESS PLAYERS

naabutan natin ang labanang Kasparov-Karpov
na talagang bibilib ka sa mga chess grandmasters
nang minsang tinalo ni Judith Polgar si Kasparov
nagbago ang tingin sa kababaihang chess players

babaeng chess players ay nakilala mula noon
pinatunayan nilang chess ay di lang panlalaki
lalo sa mga internasyunal na kumpetisyon
may world chess championship din para sa mga babae

Paikidze-Barnes, Dorsa Derakhshani, Sara Khadem
sila'y mga chess players na nagprotestang mag-hijab
upang maglaro ng chess, bansa nila'y katawanin
sa iba't ibang bansa, laro nila'y maaalab

sa ating bansa, nag-iisa si Janelle Mae Frayna
bilang natatanging chess grandmaster ng Pilipinas
sina Arianne Caoili at Jan Jodilyn Fronda pa
na Pinay chess masters na laro'y kagila-gilalas

sa mga babaeng chess players, kami'y nagpupugay
kayo'y mga Gabriela't Oriang sa larong ahedres
tangi kong masasabi, mabuhay kayo! Mabuhay!
kayo ang mga Queen na mamate sa Hari ng chess!

- gregoriovbituinjr.
12.09.2024

* litrato mula sa isang fb page

Ang tula, ayon sa palaisipan

ANG TULA, AYON SA PALAISIPAN

sa Una Pahalang: isiping pawa
ano bang binibigkas ng makata?
na agad ko namang sinagot: TULA
lalo na't malimit kong kinakatha

gayong tula'y bihira kong bigkasin
batid kong walang didinig sa akin
maliban kung nasa rali't tawagin
ay bibigkas ng rubdob ang damdamin

makata akong kung magsulat: payak
hinggil sa maraming paksang palasak
tulad niring sugat na nagnanaknak
pluma'y tangan, palad ko'y naglilipak

nagbibilang ng taludtod at pantig
tiyak may tugma't sukat bawat pintig
nitong pusong kaysarap kung umibig
at tula'y bibigkasin kong may himig

- gregoriovbituinjr.
12.09.2024

* mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 9, 2024, p.11

Linggo, Disyembre 8, 2024

Laban sa OSAEC

LABAN SA OSAEC

muli, mayroong balitang paglabag sa OSAEC
online sexual abuse and exploitation of children
aba, isa iyong krimeng sadyang kahindik-hindik
dahil sariling anak ang ginagamit sa krimen

aba'y mantakin mo! sa online ay ibinubugaw
ang isang buwang sanggol at kambal na pitong anyos
bata pa'y para silang tinarakan ng balaraw
dalawang nanay at tiyuhin, ang gamit ay sex toys

kahirapan ng buhay ba'y ituturong dahilan
kaya binubugaw online ay mga anak nila
o yao'y alibi lang sa kanilang kahayukan
na pati mga batang walang muwang ay biktima

aba'y dapat lang makulong ang mga tarantado
hustisya para sa mga bata'y dapat makamit
dahil mga bata ang kanilang pineperwisyo
bakasakaling ganyang krimen ay di na maulit

- gregoriovbituinjr.
12.08.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, headline at 2

Sabado, Disyembre 7, 2024

PEOPLE muna, sunod ay LIFE at IF

PEOPLE MUNA, SUNOD AY LIFE AT IF

pagsagot sa cryptogram ay inaaral din
bagamat may himaton o clue na binigay
mula roon ay iyong pakakaisipin
katumbas na letra sa numero'y ilagay

upang mabuo ang quotation o sinabi
ng taong nakilala sa larangan niya
tulad sa cryptogram ngayon, aking namuni
sa pagkakakatitig, sagot ko'y PEOPLE muna

napagitnaan naman ng L at E ang IF
at IF ang unang salita sa pangungusap
na nasa gitna ng LIFE, sistema ko'y What If?
hanggang mabuo iyon sa aking hinagap

kaya cryptogram ay ganap na nasagutan
at nabatid ang sinabi ni Leonardo
Dicaprio na mahalagang kasabihan
na mailalahok sa kultura ng mundo

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* "If you can do what you do best and be happy, you can further along in life than most people." ~ Leonardo Dicaprio
* cryptogram mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.9

Pagsulat, pagmulat, pagdalumat

PAGSULAT, PAGMULAT, PAGDALUMAT

nasa ospital man / tuloy ang pagsulat
tila yaring pluma / ay di paaawat
pagkat tibak akong / layon ay magmulat
lalo na't kayraming / masang nagsasalat

dapat nang baguhin / ang sistemang bulok
at sa sulirani'y / huwag palulugmok
dapat baligtarin / natin ang tatsulok
at ang aping dukha'y / ilagay sa tatsulok

wala nang panahon / upang magpagapi
sa mga problemang / nakakaaglahi
dapat ipaglaban / ang prinsipyo't puri
at dapat labanan / yaong naghahari

nadadalumat ko / ang pakikibaka
nitong manggagawa't / mga magsasaka
bulok na sistema'y / dapat baguhin na
karaniwang masa / ang ating kasama

tungo sa lipunang / may pagkakapantay
mundong makatao'y / layo nati't pakay
bagong sistema ba'y / ating mahihintay?
o kikilos tayo't / kamtin iyong tunay?

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

May kolum pa sa dyaryo ang may arrest order

MAY KOLUM PA SA DYARYO ANG MAY ARREST ORDER

naulat na wala na sa bansa, Disyembre Kwatro
si Harry Roque, spokesperson ng dating pangulo
na may arrest order umano mula sa Kamara
kung wala na sa bansa, paanong darakpin siya

kolum ni Roque'y nalathala, Disyembre Siyete
kung nakalabas ng bansa, bakit ito nangyari
pa-email-email lang, kanyang kolum ay tuloy pa rin
gayong may kaso pala siyang qualified trafficking

bagamat animo'y pinaglalaruan ang batas
siyang may arrest order, kolum pa'y labas ng labas
kalayaan sa pamamahayag pa'y tinamasa
tulad ni Amado Hernandez, isang nobelista

at kumatha ng mga tulang Isang Dipang Langit
sa Bilibid sa Muntinlupa nang siya'y napiit
di pa nadakip si Roque, patuloy lang ang kolum
ah, pluma'y malaya sa harap man ng paghuhukom

pluma ng makatang tibak tulad ko'y di mapigil
kung mapiit muli't sa aktibismo'y sinisiil
tunay na sagrado ang kalayaang magpahayag
kahit sa batas ng estado'y mayroong paglabag

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Disyembre 4, 2024, p.3
* kolum mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.7

Manny Pacquiao, malalagay sa Boxing Hall of Fame

MANNY PACQUIAO, MALALAGAY SA BOXING HALL OF FAME

buong pagpupugay sa Pambansang Kamao
Manny Pacquiao na natatanging boksingero
nakamit niya ang iba't ibang titulo
sa walong dibisyon ay nagkampyong totoo

sa International Boxing Hall of Fame naman
sa Hunyo, sunod na taon pararangalan
tulad ni Flash Elorde ay pagpupugayan
dahil sa ambag sa boksing, sa palakasan

naging kampyon si Pacquaio sa iba't ibang weight
una, flyweight; ikalawa, superbantamweight,
sunod ay featherweight, superfeatherweight, lightweight,
superlightweight, welterweight, at junior middleweight

ang tinalong kampyon: Chatchai Sasakul, una
sunod ay sina Lehlohonolo Ledwaba, 
Erik Morales, Marco Antonio Barrera,
Juan Manuel Márquez, at Oscar De La Hoya

tinalo din sina Clottey, Larios, Algieri,
Miguel Cotto, Vargas, Solis, Lucas Matthysse,
Ricky Hatton, Broner, Thurman, Timothy Bradley,
Rios, Antonio Margarito, at Shane Mosley

sa Boxing Hall of Fame, sa pagsikat ng araw
ay magniningning ang pangalang Manny Pacquiao
kaming narito'y taospusong nagpupugay
at kay Manny Pacquiao: Mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* ulat mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024 

Istranded sa ospital

ISTRANDED SA OSPITAL

di makalabas, di pa kumpleto ang bayad
ganitong sistema'y talagang nalalantad
paano makakahanap ng pera agad
lalo't lahat na ng ipon nami'y nasagad

di pwedeng promissory note sa hospital bill
dito na ba kami sa ospital titigil
parang bahay na sa isang buwang pagtigil
ngayon, parang piitan, luha'y di mapigil 

higit kalahating milyon, hahanapin pa
paano ba malutas ang ganyang problema
ang professional fee ng doktor ay wala pa
aba'y labing-apat na doktor lahat sila

mag-promissory note sa doktor, maaari
ngunit di sa hospital bill, di ko mawari 
baka pag di nabayaran, sila'y malugi
magpapirma sa mga doktor ang mungkahi

kaya ito muna ang aming kinakayod
hagilapin ang mga doktor ang kasunod
ramdam ko'y nadudulas sa mga alulod
nakakabangon din, may sugat man ang tuhod

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

Almusal

ALMUSAL

payak ang aming almusal
dito pa rin sa ospital
isang pares ng pandesal
at omelet, lutong lokal

warfarin diet si misis
gumanda kaya ang kutis
katawan kaya'y humugis
o katulad ko'y numipis

ako'y magkakape muna
habang kasama ang sinta
sana siya'y gumaling na
sa sakit na nanalasa

dito'y higit isang buwan
kayraming natutuklasan
nalalagay sa tugmaan
mula sa puso't isipan

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

Biyernes, Disyembre 6, 2024

Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon

DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON

Dalawa ang pakay ko kahapon, ang magpapirma sa mga doktor para sa promissory note at pumunta muli sa DSWD. Kaya dalawang klaseng tao ang nakausap ko - doktor at social worker.

Kailangan kong magpapirma sa labing-apat na doktor na tumingin kay misis para sa promissory note upang makalabas ng ospital. Hindi raw kasi maaari ang promissory note pag hospital bill, na dapat daw ay bayaran ng buo. Pang-apatnapu't limang araw na namin ngayon, sabi ng mga doktor ay pwede na siya lumabas. Subalit sa billing station, hindi pa hangga't di nabubuo ang bayad.

Nakapapagpapirma ako sa unang doktor na dumalaw kay misis nang magtungo ako sa kanyang tanggapan, ikasampu ng umaga kahapon. Sa ikalawang doktor naman ay nakapagpapirma ako bandang alas-onse y medya. Nang mapirmahan niya iyon, sabi niya sa kanyang sekretarya, "Ito 'yung pasyenteng takot na takot kami dahil baka mamatay. Buti naman at naagapan."

Ikalawa, nang magtungo ako sa DSWD dahil may pinakontak ang isang staff ng partylist na DSWD staff. Agad ko naman iyong pinuntahan. 

Sa panayam sa akin ng social worker, at pagtingin niya sa mga papel lalo na sa SOA o statement of account, ang agad na komento niya, "Ang liit naman ng kaltas ng PhilHealth, dalawang libong piso nga kada buwan ang kaltas sa amin, at kayo naman abot dalawang milyong piso ang hospital bill, tapos limang libong piso lang ang kaltas." Wala akong naisagot kundi tango.

Sinabi ko sa social worker na tumingin ng papel na nakakuha na ako ng Guarantee Letter noong Lunes lang. "Buti sinabi mo. Dahil kung hindi, baka ibawas sa akin iyan.", sabi ng social worker. Dahil nabigyan na ako ng GL, ang ibinigay na lang niya sa akin ay food assistance na P10K, na nakuha ko naman bago mag-alas singko ng hapon.

Dalawang komento iyon na tumimo sa akin habang pauwi na ako sa ospital sa piling ni misis. Ang una, anang doktor, na muntik na palang ikamatay ni misis ang namumuong dugo sa kanyang bituka. Natatandaan ko ngang nagkaroon pa ng doctors' conference sa viber kasama si misis noong gabi bago siya operahan kinabukasan. Kaya pala, sinasabi ng mga doktor na rare case ang kaso ni misis. Nakatatlong test na, kasama ang bone marrow biopsy subalit di pa batid ng mga doktor ang dahilan ng blood clot. Subalit nabigyan naman si misis ng blood thinner.

At ang ikalawa nga ay yaong komento ng social worker sa PhilHealth ni misis, na nang tinanong ko si misis ay sinabi niyang totoo iyon. Social worker din si misis kaya alam din niya.

Ginawan ko ng munting tugmaan ang karanasan kong iyon.

DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON

yaong pahayag ni Dok ay nakagigimbal
muntik nang ikamatay ni misis ang sakit
todo bantay ang mga doktor sa ospital
upang tiyaking sakit ay di na umulit

pati komento ng social worker sa PhilHealth
ay sadyang tumimo sa aking kaisipan
ang bill sa ospital ay dalawang milyong higit
sa PhilHealth, limang libo lang ang kabawasan

dalawang anekdota iyong narinig ko
nang kinakausap ako ng mga iyon
at makadurog-puso kung iisipin mo
na di ako makatulog nang dahil doon

buti't maagap ang mga doktor, ginawa
ang nararapat upang bumuti si misis
na ngayon ay buhay pa't nagpapagaling nga
kaya ang paggaling niya'y walang kaparis

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

Kasabihan sa dyip

KASABIHAN SA DYIP

mayroong kasabihang
nakita sa sasakyan 
agad kong kinodakan
paksa sa panulaan

kasabihang nahagip
na nakapaskil sa dyip
paalalang nalirip
na ngayo'y halukipkip

"nasa Diyos ang awa,
nasa tao ang gawa"
kalahating tanaga
nababasa ng madla

na nagsisilbing aral
habang natitigagal
lalo na't anong tagal
ni misis sa ospital 

pampatanggal depresyon
na aking danas ngayon
ramdam ko'y nilalamon
ang wala ng mayroon

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

Balik upak

BALIK UPAK

tila ba bagong pananagalog
BALIK UPAK ang sabi sa ulat
kakaiba kumbaga sa tugtog
ang salitang nais ipakalat

dalumat naman ang kahulugan
balik upak, balik sa ensayo
may laban nang pinaghahandaan
itong magaling na boksingero

dagdag sa arsenal ng makata
ang sa ulat ay mga kataga
marahil di bago kundi luma
o gayon ang salin ng salita

napupuno ang bokabularyo
sa mga salitang pinauso
na magagamit sa tula't kwento
na ngayon ay sinisimulan ko

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 12

Aklatan ko sa ospital

 

AKLATAN KO SA OSPITAL

tila may mini-library ako
sa ospital sa dami ng libro
na pawang noon pa'y nabili ko
at ngayon lang nababasa ito

pinagkakaabalahang sukat
bukod sa kwaderno't pluma'y aklat
malaking oras ang magbulatlat
ng pahina't paksang mapagmulat

habang bantay sa silid ni misis
basa muna't buryong ay maalis
bakit kaya may pagmamalabis
at dukha sa hirap nagtitiis

ganyang sistema ba'y nalulunok?
iyan ba sa kanila'y pagsubok?
bakit nga ba ang sistema'y bulok?
dukha ba'y malalagay sa tuktok?

bakit sa mundo'y katanggap-tanggap
na may mayaman at may mahirap
pagbabasa'y gawin nating ganap
magbasa at kamtin ang pangarap

- gregoriovbituinjr.
12.06.2024

Huwebes, Disyembre 5, 2024

Salamisim

SALAMISIM

isang buwang higit sa ospital
di sapat ang pambayad, kaymahal
narito kaming di makalabas
kundi muna mabuo ang bayad

kay misis kanina'y nasabi ko
noong nilakad ko'y dokumento
"sa ospital ay uuwi ako"
akala mo'y bahay namin ito

sana may mahanap pang salapi
baka sa lotto kami'y magwagi
magsangla kung merong pag-aari
o kaya'y magbenta na ng puri

sana'y may mahagilap pang pera
nang sa ospital makalabas na
ay, dito na ba kami titira?
gayong kwarto'y kaymahal talaga

nababaon na kami sa utang
panay lang ang paghanap, sige lang
anong gagawing pamamaraan?
upang makalabas nang tuluyan?!

- gregoriovbituinjr.
12.05.2024

Kaligtasan

KALIGTASAN

kaligtasan niya'y prayoridad
ito ang talaga kong naisip
nang karamdaman niya'y nalantad
sa akin, dapat siyang masagip

dinala sa ospital na iyon
upang magamot siyang totoo
nang di pa batid ang presyo niyon
lumobong dalawang milyong piso

subalit dapat siyang magamot
malutas agad ang sakit niya
at maligtas sa gayong bangungot
kaya agad siyang inopera

pagkat tiyak na ang kamatayan
kung bituka'y tuluyang mabulok
lapot ng dugo'y kaytindi naman
oxygen sa ugat di pumasok

bagamat sa pambayad pa'y kapos
kaya di pa makalabas dito
mahalaga siya'y nakaraos
pantustos ay hanap pang totoo

paglabas, gamutan ay patuloy
blood thinner ay madalas bibilhin
upang sa ugat ay mapadaloy
nang sa sakit tuluyang gumaling

- gregoriovbituinjr.
12.05.2024

Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Tulok

TULOK

Una Pahalang, tanong ay TULOK
tila ba kaylalim na Tagalog
isip-isip, katugma ng TULOG
kaya Pababa muna'y sinagot

hanggang natanto ko't natandaan
sagot sa dating palaisipan
tila ba dumi sa tainga iyan
at nakita nga ang kasagutan

kahulugan ng TULOK ay LUGA
ah, nasagutan ko rin ng tama
dagdag-kaalaman sa salita
na magagamit din sa pagtula

kaya sa krosword, salamat muli
at itong utak ko'y nakabawi
palaisipan ay sadyang binhi
sa talasalitaan ng lahi

- gregoriovbituinjr.
12.04.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 11

Banner ng TFDP

BANNER NG TFDP

nakasakay akong dyip puntang pagamutan
tinatakang banner sa Kamias nadaanan
TFDP iyon, agad kong kinodakan
naghahanda na sa Araw ng Karapatan

lampas isang buwan na kami sa ospital
di ko sukat akalaing gayon katagal
na nagbabantay sa aking asawang mahal
ay, ramdam ko pa rin ang pagkakatigagal

ngunit nang makita ang banner ay sumigla
nabuhay ang loob mula pagkatulala
biglang lumakas ang katawan, puso't diwa
tila naalpasan ko ang kaytinding sigwa

kaya sa Araw ng Karapatang Pantao
sa pagkilos nila'y sasama muli ako
panata sa sarili'y magsilbing totoo
sa masa, sa maralita't uring obrero

- gregoriovbituinjr.
12.04.2024

* TFDP - Task Force Detainees of the Philippines 

Martes, Disyembre 3, 2024

Pila

PILA

mahaba ang pila sa DSWD
kanina pang umaga, pumila'y kayrami
nagbabakasakaling may makuha dini
upang sa ospital, may maibayad kami

hapon na, ngunit di pa magawa ang mithi
ganyan ang buhay, kayraming bakasakali
dapat handa ka ring ang gutom ay mapawi
magbaon ka ng biskwit at tubig palagi

buti na lang, kami'y may silya't nakaupo
kundi tiyak ngalay kami sa katatayo
dokumento'y tiyakin mong kumpleto 't buo
nang di ka naman uuwing lulugo-lugo

tiyaga-tiyaga lang, sa sarili'y bilin
maya-maya lang ay makakausap na rin
ako ng social worker, kakapanayamin
para sa guarantee letter na aking kukunin

- gregoriovbituinjr.
12.03.2024

* DSWD - Department of Social Welfare and Development
* litratong kuha ng makatang gala bandang ikatlo ng hapon ng Disyembre 3, 2024

Bukangliwayway

BUKANGLIWAYWAY

kaytagal nahimbing
kay-agang nagising
agad nang naligo
baho'y pinaglaho

dapat gumayak na
at kumain muna
kaylayong totoo
ng pupuntahan ko

barya ko'y binilang
tungong pupuntahan
saan ba aabot
ang baryang nadukot

sa aking pantalon
nang tupdin ang layon
ah, kaygandang ugnay
ang bukangliwayway

- gregoriovbituinjr.
11.03.2024

Lunes, Disyembre 2, 2024

Nilay

NILAY

nakikibaka pa rin
kahit ako'y gabihin
kahit dito'y ginawin
kahit walang makain

tibak kaming Spartan
ay patuloy sa laban
nais naming makamtan
pangarap na lipunan

at dapat ding isipin
ang kalusugan natin
habang papag-alabin
ang puso't diwa pa rin

para sa masa't uri
obrero'y ipagwagi
mga pag-aaglahi'y
di dapat manatili

- gregoriovbituinjr.
12.02.2024

Linggo, Disyembre 1, 2024

40 days at 40 nights na sa ward

40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD

umabot na kami ng apatnapung araw
at apatnapung gabi dito sa ospital
kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw
paano'y naoperahan dito si mahal

sa isang munting sakit, maraming nakita
mula gall stone at gerd, mayroon palang blood clot
namuo ang dugo sa bituka, nagbara
at di makapasok ang oxygen sa ugat

siya'y naoperahan, hanggang naimpeksyon
ang dugo, dalawang linggong antibayotik
na anong lakas daw, ramdam ni misis iyon
at sa harap niya, ako'y di makahibik

rare case, anang mga doktor, may mayoma pa
ilang beses siyang sinalinan ng dugo
dahil anong baba ng hemoglobin niya
ah, kailan ba sakit niya'y maglalaho

nagsagawa pa nga ng bone marrow biopsy
na pangatlong eksamen kung sanhi ba'y ano
di pa batid sa pagsususuri ang nangyari
lalo't resulta ng biopsy: negatibo

mabuti't guarantee letter na'y nagsipasok
malaking tulong sa kaymahal na gamutan
kung saan kukuha ng pera'y di maarok
upang ipandagdag sa aming babayaran

- gregoriovbituinjr.
12.01.2024

The artistry and activism in me

THE ARTISTRY AND ACTIVISM IN ME

when painter Marcel Duchamp died
that was the day I was born
when massacre of students in
Tlatelolco, Mexico happened
that was the day I was born

a painter died, a future poet 
was conceived from her mother's womb
protesting students were massacred
a future student and activist
was conceived from her mother's womb

in my blood is the shaper of words in Filipino
who's father is a Batangueno
who's mother is a Karay-a from Antique
who inculcated in me words that is deep
even if I was raised as a Manilenyo

also in my blood were Spartan activists
who fight for equality, justice and truth

Duchamp and the Tlatelolco students
have died the day I was born
their memory and legacy will be
in my blood, brain, heart and bone

I will continue the artist in me
I will continue the activist in me

I don't usually believe
in what they call reincarnation
I just thought that the date of their 
death is the same as my birth

I was born probably to become artist of words,
as a poet, and as an Spartan activist
and that I will continue to be
to serve the people and the working class
to be one in changing the rotten system
to make a heart in a heartless world

- gregoriovbituinjr.
12.01.2024

* written while contemplating in a hospital with my wife who is still recuperating

Disyembre na naman

DISYEMBRE NA NAMAN

ramdam ang simoy ng hanging amihan
na tanda ba ng parating na ulan?
Disyembre na, marahil kaya ganyan
climate change, klima'y nag-iba naman

unang araw ng Disyembre, World AIDS Day
a-syete, Political Prisoners Day
sa ikasiyam, Anti-Corruption Day
sa petsa sampu naman, Human Rights Day

may sanlinggo pang ang dukha'y hihibik
yaong Urban Poor Solidarity Week
na baka gawing Urban Poor Protest Week
pagkat sa hirap pa rin nakasiksik

tatlong linggo na lamang at Pasko na
paulit-ulit, wala bang pag-asa?
kayrami pang palaboy sa kalsada
kayrami pa ring hanap ay hustisya!

- gregoriovbituinjr.
12.01.2024

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...