Miyerkules, Enero 31, 2024

Pagsuyo kay misis

PAGSUYO KAY MISIS

kung nagtampo si misis, aking susuyuin
tulad ng tandang na gumiri sa inahin
tulad ng leyon na leyona'y aakitin
tulad ng binata sa mutyang iibigin

lalabhan ko ang mga maruruming damit
lulutuin ang paborito niyang pansit
sa pinagkainan, ako ang magliligpit
o kaya'y tititigan ko siyang malagkit

hahandugan ko ng rosas at tsokolate
aalayan ng tulang kaygandang mensahe
ililibre ko rin siya sa pamasahe
hihingi rin ng tawad kung ako'y salbahe

lalambingin si misis ng buong pagsuyo
upang pag-ibig niya'y di naman maglaho

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon

Isang buwan sinagutan

ISANG BUWAN SINAGUTAN

araw-araw ko ring sinagutan
ang larong Sudoku at Word Connect
naglaro sa selpon, nasiyahan
animo'y laban ng matitinik

bawat petsa ay may bagong laro
bawat araw ay may sinasagot
isang buwang laro na'y nabuo
sa diwa'y may buting naidulot

anang doktor, ito'y maganda raw
na panlaban sa Alzheimer's disease
sagutan lang ito araw-araw
pagkaulyanin ay maaalis

tara na, laruin ang Sudoku
at Word Connect, katoto't kasama
sa isip ay mabuting ensayo
at sa pakikisama'y maganda

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

Pag-aralan ang lipunan

PAG-ARALAN ANG LIPUNAN

bata pa'y akin na silang kinariringgan
ang payo nila'y "Pag-aralan ang lipunan!"
bakit laksa'y mahirap, may ilang mayaman
bakit daw di pantay-pantay ang kalagayan

nang lumaki na ako't nasa kolehiyo
payo nilang iyon ay nakasalubong ko
kaya lipunan ay inaral kong totoo
mula primitibo hanggang kapitalismo

sistema'y nagbago, api pa rin ang masa
naghihirap ang masipag na magsasaka
sahod ng manggagawa'y kaybaba talaga
salot na kontraktwalisasyon umiral pa

kaya ako'y nakiisa na sa pagkilos
upang mapigil ang mga kuhila't bastos
pati pagsasamantala't pambubusabos
natantong uring manggagawa ang tutubos

kaya napagpasyahan kong makibaka rin
palitan ang sistemang bulok ang layunin
pagkakapantay sa lipunan ang mithiin
isang magandang daigdig ang lilikhain

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

Paalala sa kubeta

PAALALA SA KUBETA

payak lamang yaong paalala
nang ako'y pumasok sa kubeta
madaling maunawa ng masa
ang nakasulat sa karatula

huwag mong i-flush sa inodoro
ang baby wipes, paper towels. tissue
hygiene products at katulad nito
o anumang mga basura mo

upang di naman magbara roon
respeto sa gagamit din doon
mahirap maghigpit ng sinturon
kung lalabas na'y mga naipon

sa tiyan, taeng-tae na ngunit
inodoro'y kayrumi, kaylagkit
pag burara ang huling gumamit
kadiri, dama'y magkakasakit

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

* kuha sa isang kinainang restaurant kasama si misis

Martes, Enero 30, 2024

Liboy pala'y Alon; Atab ay Nipa

LIBOY PALA'Y ALON; ATAB AY NIPA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang sumasagot ng palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, isyu ng Enero 30, 2024, pahina 7, ay napatitig tayo sa dalawang katanungan, na kung hindi pa ako sasangguni sa aklat ng talasalitaan, ay hindi ko mababatid ang sagot. Mga luma, kundi man malalim o lalawiganin, ang mga salita.

Sa 15 Pahalang, ang tanong ay LIBOY, hindi libot. Apat na titik ang sagot. Upang malaman ang sagot ay sinagutan ko muna ang mga tanong na Pababa. At ang lumabas na sagot ay ALON. Ang LIBOY nga ba'y ALON? Ngayon ko lang iyon nabatid.

Sa 30 Pahalang naman, ang tanong ay NIPA. Apat na titik din ang sagot. Marahil ay SASA. Subalit titik A ang unang letrang sagot. Hindi S. Kaya sinagutan ko muna ang mga Pababa. Ang natira ay ATA_, at hindi ko batid ang tamang sagot. ATAW, ATAG, ATAS, ATAY, ano nga ba? Kaya kailangang sumangguni sa diksiyonaryo.

Tanging ATAS ang nasa Diksyunaryong Filipino-Filipino na inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 19. Tiyak hindi ATAS. Gayon din ang entri sa Diksyunaryong Filipino: Tagalog-Tagalog na nilathala ng Tru-Copy Publishing House, pahina 16.
Subalit sa pahina 86 ng U.P. Diksiyonaryong Filipino (UPDF) ay may siyam na entri upang pagpiliian sa ATA_:
atab (Botany, Sinaunang Tagalog o ST): dahon ng palma na ginagamit na pantakip;
atag - 1. pagtibag at paghukay; 2, ST, gawain sa komunidad; (iba pang kahulugan: paulit-ulit);
atak - 1. ST, dapyo sa init ng araw; 2. ST, watak;
atal - Ilokano: gulong na karaniwang gawa sa kahoy; Tausug: lapis na pangkulay ng labi;
atan - Ivatan: bahagi ng dalampasigan na nasa ilalim ng tubig;
atas - utos o bilin;
atat - halatang gustong-gusto ang isang bagay;
ataw - ST, hindi gusto; ginagamit din upang ipahabol sa aso ang usa o baboy-damo;
atay - Biology - malaki at bilugang organismo sa tiyan ng vertebrate, at ginagamit sa iba't ibang prosesong metaboliko.

ATAB ang aking isinagot. Dahil ang NIPA, ayon sa UPDF, pahina 821, ay katutubong palma; at ang ATAB ay dahon ng palma.
Ang LIBOY naman, ayon sa UPDF, pahina 683, ay Sinaunang Tagalog, 1. paglawlaw dahil sa labis na katabaan; 2. kilapsaw. Ang kilapsaw naman, ayon sa UPDF, pahina 607, ay maliliit na along pabilog na likha ng isang bagay na bumagsak o lumitaw sa tubig.

Kaya wasto ang mga sagot sa palaisipan. Ang LIBOY ay ALON, at ang NIPA ay ATAB. Pawang mga dagdag sa ating bokabularyo. Dahil dito'y kumatha ako ng tula.

LIBOY AT ATAB

mga lumang tagalog o kaya'y lalawiganin
anang diksyunaryo'y Sinaunang Tagalog man din
kaya di mo rin masasabing salita'y malalim
kundi sa kasalukuyan ay di mga gamitin

ang LIBOY pala ay ALON, ATAB naman ang NIPA
salitang lalawiganin ma'y napakahalaga
may sariling Tagalog ang iba't ibang probinsya
iba sa Maynila, iba sa Batangas, Laguna

kaya sa ating pagsagot nitong palaisipan
halimbawang may salitang di nauunawaan
magandang sangguniin din ang talasalitaan
baka masagot ang nakaabang na katanungan

wala namang mawawala kung mabatid man ito
mahalaga'y napapagyaman ang bokabularyo
madalas sa palaisipan tayo'y natututo
may madaragdag pa sa pagsulat ng tula't kwento

01.30.2024

Nang nilampasan niya ang tulay ng bahaghari

NANG NILAMPASAN NIYA ANG TULAY NG BAHAGHARI

naaalala ko pa rin ang katoto't kauri
nilampasan na niya ang tulay ng bahaghari
sa kabaitan niya'y di pa ako nakabawi
kapara ko, lipunang makatao'y kanyang mithi

sa dulo raw ng bahaghari ay may mga ginto
subalit ang aking natanaw ay isang kulambo
nang namayapa'y di lamukin sa nasabing dako
ngunit malikmata lang pala't kulambo'y naglaho

tanging alaala na lang ng mga nakalipas
naming pinagsamahan ang sa diwa'y naglalandas
pinangarap naming likhain ay lipunang patas
at nagsikilos upang kamtin ang magandang bukas

maraming salamat, katoto ko, sa iyong gabay
noong hinahanap ko ang landas patungong tulay
ng paglilingkod sa masa, doon tayo pinanday
nawala ka man, mithi'y itutuloy naming tunay

- gregoriovbituinjr.
01.30.2024

* litrato mula sa google

Ikaw

IKAW (tula ng isang Palestino)

na umagaw ng aking tubig
na nanunog ng aking punong oliba
na gumiba ng aking tahanan
na tumangay ng aking trabaho
na nagnakaw ng aking lupain
na nagpiit sa aking ama
na pumaslang sa aking ina
na binomba ang aking bansa
na gumutom sa aming lahat
na pinahiya kaming lahat
subalit
ako pa ang sinisisi
sa aking paghihimagsik

* malayang salin ni gregoriovbituinjr.
01.30.2024

* ang orihinal na tula at litrato ay makikita sa kawing na: 

https://www.linkedin.com/posts/kshabir_freepalastine-activity-7131249720181579776-sfOa

Lunes, Enero 29, 2024

Palaisipang numero

PALAISIPANG NUMERO

D.L. sa Roman numeral agad kong tugon
sa pinag-plus na kapwa C.C.L.X.X.V.
pagkat two-hundred seventy five times two iyon
na sinagot ko naman ng five hundred fifty

kaysayang may adisyon sa palaisipan
na sadya namang ikaw ay mapapaisip
buti't Roman numeral ay napag-aralan
upang makatugon sa di agad malirip

ah, sana'y marami pang krosword na ganito
na di lang tulad ng paboritong sudoku
may adisyon, subtraksyon, o ekwasyon ito
dahil talagang hamon sa kakayahan mo

sa ganyang krosword, ako'y nagpapasalamat
pagkat ang diwa'y ginigising, ginugulat

- gregoriovbituinjr.
01.29.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 29, 2024, pahina 11

Linggo, Enero 28, 2024

Hindi naman free of charge

HINDI NAMAN FREE OF CHARGE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May isa kaming kinainan nina misis, kasama ang kanyang pamangkin. Tatlo kami. Hindi ko na tutukuyin kung saan ang kainang iyon, kundi litrato na lang ang ipapakita ko. Isa sa patalastas ng nasabing kainan ay ito: NO RECEIPT - The FOOD is FREE" na nakadikit sa bawat lamesa ng kainan. Wow! Libre raw ang kinain mo pag walang resibo. Para hindi ka mabigyan ng resibo, dapat munang magbayad ka. Paano kang isyuhan ng resibo kung hindi ka magbabayad?

Maliwanag din itong nakasulat sa isa pang nakahilig na patalastas sa lamesa: "REMINDER: IF THE CASHIER DID NOT ISSUE RECEIPT UPON PAYMENT,  YOUR FOOD WILL BE FREE OF CHARGE." Pambobola, di ba? Pag nagbayad ka, nakuha na nila ang pera mo. Hindi ka lang nabigyan ng resibo, libre na agad kinain mo, eh, nagbayad ka na! Saan ang libre doon? Wala.

Ngayon ko lang naalala na ako ang nagbayad sa cashier ng kinain namin, subalit walang iniabot na resibo sa akin, hanggang makababa na kami. Para bang sinadya na hindi kami bigyan ng resibo? Iisipin mo pa bang dapat libre ka dahil hindi ka nabgyan ng resibo? Hindi. Mababawi mo pa ba ang binayad mo dahil sabi sa patalastas nila, pag walang resibo, libre na ang kinain mo?

Magkakaroon ka lang ng resibo pag nagbayad ka. Isyuhan ka man ng resibo o hindi, nakabayad ka na! Ikinain mo na iyon kaya paano magiging free of charge pag hindi ka nabigyan ng resibo? Alangan namang mabawi mo pa ang pera mo? Makikipag-away ka pa ba sa cashier na hindi nagbigay ng resibo?

Malinaw na pambobola lang talaga ang patalastas nila. Napagawa tuloy ako ng tula hinggil dito.

BOLADAS LANG ANG PATALASTAS

bola lang ang patalastas sa kinainan
libre na raw ang kinain mong binayaran
basta walang resibo ay libre na iyan
ah, gimik lang talaga kung pagninilayan

kaya ka lang may resibo, pag nagbayad ka
pag di ka binigyan ng resibo, libre na?
free of charge ba? nasa kanila na ang pera!
ang ibinayad mo'y mababawi mo pa ba?

sa lohika pa lang, pambobola na ito
gimik lang upang marahil makaengganyo
ngunit bago magbayad, naubos na ninyo
lahat ng inorder at kinaing totoo

pasensya na, at ito'y akin lang napansin
na patalastas nila'y gimik kung isipin
na boladas lang at dapat balewalain
dahil walang katuturan, kunyari lang din

01 28.2024

Patutunguhan

PATUTUNGUHAN

nais kong magtungo / sa pinapangarap
mabago ang buhay / na aandap-andap
ang bawat kahapo'y / di na malalasap
kaya tutunguhi'y / yaong hinaharap

kaya naglalayag / akong taas-noo
at nakikibaka / ng taas-kamao
nakikipamuhay / sa dukha't obrero
habang tinangana'y / yakap na prinsipyo

patutunguhan ko'y / masukal na gubat
na siatemang bulok / sa masa'y ilantad
na kapwa't kauri / sa isyu'y imulat
saanmang lunan pa / sila namumugad

kaya heto ako, / di nakalilimot
harapin ang unos, / labanan ang buktot
iunat, ituwid / ang mga baluktot
at purgahin yaong / tiwali't kurakot

pangarap itatag / ang sistemang pantay
walang nang-iisa't / kaapihang tunay
dapat lang kumilos / upang mapalagay
yaring diwa't loob, / bansa'y mapahusay

- gregoriovbituinjr.
01 28 2024

* litrato kuha ni misis habang ako'y naglalakad

Anim na libreng libro

ANIM NA LIBRENG LIBRO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 27, 2024 ng gabi, bago kami lumuwas papuntang Cubao galing Benguet ay dumaan muna kami ni misis sa isang tindahan ng aklat sa Baguio, kung saan ninang namin sa kasal ang may-ari niyon. 

Sabi ko kasi kay misis, dumaan muna kami roon dahil may mga aklat pampanitikan  na doon ko lang nakikita. Noon kasi'y may nabili na ako roong tatlong aklat-pampanitikan. Nakabili ako noon sa staff ni ninang, na nagsabi sa akin, "Ang ganda naman ng mga napili mong libro, Sir." Binigyan pa niya ako ng discount.

Pagdating namin ni misis sa book store, kumustahan muna sila ni ninang. Ako naman ay tumingin-tingin na ng libro. Maya-maya, lumapit sa akin si ninang at ibinigay ang aklat na "Minutes of the Katipunan" at ang sabi kay misis, "Tiyak magugustuhan ito ng asawa mo." Wow! Alam niyang mahilig ako sa usaping kasaysayan. Maraming salamat po, ninang!

Tapos ang sabi niya sa amin ni misis, kuha lang ako ng libro, siya na ang bahala. Ibig sabihin, libre na. Kaya ang mga nakita kong aklat-pampanitikan na interesado ako ay aking kinuha. Bago iyon ay may napili akong isang aklat-pangkasaysayan.. Ang aklat na may pamagat na "A Heart For Freedom" hinggil sa buhay ng isang babaeng nanguna at naging lider ng mga nagprotesta sa Tiananmen Square. Ayon sa paglalarawan sa likod na pabalat: "She led the protesters at Tiananmen Square and became China's most wanted woman." Doon pa lang ay nakuha na ang atensyon ko. Dagdag pa ng aklat: "Today, she's finally telling her astonishing story."

Ang unang napili kong aklat-pampanitikan ay may pamagat na "Ted Hughes's Tales of Ovid". Pareho kong kilala ang dalawang ito. Si Ted Hudges ay isang makatang Ingles at asawa ng kilala ring makatang si Sylvia Plath. Si Ovid naman ay makatang Romano noong unang panahon.

Kilala ring manunulat at ginawaran ng Nobel Prize for Literature si Ernest Hemingway. Kaya napili ko ring kunin ang aklat hinggil sa kanyang talambuhay.

Agad ding pumukaw sa akin ang librong "The Poet" ng kilalang nobelistang si Michael Connelly, na ayon sa pananaliksik ay nakakatha na ng tatlumpu't walong nobela. Pamagat pa lang, napa-Wow na ako.

Ang huling aklat na napili ko ay ang "The Wordsworth Encyclopedia". Kilala ring makata si William Wordsworth.

Dalawang aklat-pangkasaysayan. Apat na aklat-pampanitikan. Sapat na iyon. May dalawa pang aklat na ibinalik ko dahil naisip kong baka ako'y umabuso na. Kaya anim lamang. Medyo nahiya rin.

Magkano ba ang nalibre kong libro? Tiningnan ko isa-isa:
(1) Minutes of the Katipunan - 261 pahina - P200
(2) A Heart For Freedom - 360 pahina - P155
(3) Ted Hughes's Tales from Ovid - 135 pahina - P128
(4) Ernest Hemingway - 782 pahina- P480
(5) The Poet - 410 pahina - walang presyo ngunit halos singkapal ng Hemingway kaya ipagpalagay nating P480 din, makapal ang papel kaysa Hemingway 
(6) The Wordsworth Encyclopedia - 476 pahina - P150
Sumatotal = P1593

Sa pagbilang ng pahina, isinama ko ang naka-Roman numeral sa naka-Hindu-Arabic numeral.

Muli, maraming salamat po sa mga libreng libro, ninang. Dahil dito'y ikinatha ko ito ng tula.

ANIM NA LIBRENG LIBRO

kaygaganda ng mga aklat kong napili
lalo't pagbabasa ng libro'y naging gawi
aklat-pampanitikan pang sadya kong mithi
nilibre ni ninang, sa labi namutawi

ang pasasalamat kong sa puso'y masidhi
ang bawat libreng libro'y pahahalagahan
sa maraming panahong kinakailangan
may panahon ng pagbabasa sa aklatan

may panahon din ng pagtitig sa kawalan
panahon ng pagkatha ay pagsisipagan
batid ni misis na libro ang aking bisyo
na pawang mga aklatan ang tambayan ko

kaya maraming salamat sa libreng libro
munting kasiyahan na sa makatang ito

01.28.2024

Sabado, Enero 27, 2024

Hindi titikom

HINDI TITIKOM

hindi titikom ang aking pluma
sa pagsulat ng isyu ng masa,
obrero, babae, magsasaka
nang mabago'y bulok na sistema

hindi titikom ang aking bibig
upang mga api'y bigyang tinig
mga isyu nila'y iparinig
sa sana'y marunong ding makinig

mata't tainga ko'y hindi titikom
upang itala ang isyu ngayon
upang mga dukha'y makaahon
sa luha't dusa'y hindi makahon

titikom lang ang aking kamao
upang ipagtanggol ang bayan ko
hustisya't karapatang pantao'y
ipaglalaban nating totoo

-: gregoriovbituinjr.
01.27.2024

Biyernes, Enero 26, 2024

Naglalarong kuting

NAGLALARONG KUTING

aking binidyuhan ang naglalarong kuting
habang tali'y tila kanyang kinukutinting
kaysarap masdan, animo'y naglalambitin
gutom? kagat ang tali, akala'y pagkain?

higit isang buwan na ang nakalilipas
nang ang inahing pusa siya'y inilabas
mula sa sinapupunan, siya'y katumbas
ng sanggol na pinasususo pa ng gatas

ah, sige, kuting, maglaro ka muna riyan
habang ikaw naman ay aming pagmamasdan
paglibangan mo muna ang kapaligiran
habang ina mo'y pagkain ang hanap naman

nawa sa mga bitag ay di ka mahulog
nawa'y lumaki kang malakas at malusog
nang misyon mo sa mundo'y iyong maihandog
nang mapaminsalang daga'y iyong madurog

- gregoriovbituinjr.
01.26.2024

Huwebes, Enero 25, 2024

Fr. Oscar Ante: Pari, Guro, Kaibigan

FR. OSCAR ANTE, PARI, GURO, KAIBIGAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 19, 2024 nang ibinalita sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca, o Fr. Oscar Ante, OFM, na matagal ko ring nakasama sa simbahan sa Bustillos.

Dalawa ang simbahan sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila. Ang malaki ay ang Our Lady of Loreto Parish, at ang maliit ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT. Natatandaan ko pa ang nakasulat sa kisame ng St. Anthony Shrine: Devs Mevs Et Omnia. Walking distance lang ito sa aming bahay.

Hayskul pa lang ako'y aktibo na sa simbahan. Noong 1984 ay ipinasok ako ng aking ama, na kasapi ng Holy Name Society, sa tatlong araw na live in seminar na CYM (Catholic Youth Movement) sa Loreto Parish. Pinangasiwaan ang seminar na iyon ng Holy Name Society. Matapos iyon ay napasama na ako sa Magnificat choir, na umaawit tuwing Linggo sa Loreto church, na pawang mga taga-Labanderos Street ang kumakanta.

Subalit sa kalaunan ay sa St. Anthony Shrine ako naging aktibo, dahil pawang matatanda ang nasa Loreto Parish. Marami kasing kabataan ang naglilingkod sa simbahan ng VOT noon. At doon ko nakilala si Father Oca. Ang OFM sa dulo ng kanyang pangalan ay Order of Franciscan Minors.

Sa VOT ko rin nakilala si Father Greg Redoblado na hindi pa pari noon, na nasaksihan ko rin ang kanyang pagiging pari sa isang seremonya sa VOT. Nag-lector ako at nakilala ang mga mang-aawit sa simbahan, lalo na ang Pinagpala Choir. Minsan na rin akong gumanap sa isang dula na pinanood ng mga taga-simbahan. Ang dulang Father Sun, Sister Moon, na ang bida ay gumanap na St. Francis ng Assisi, habang isa naman ako sa gumanap na kasama ni St. Francis. Kaya nasubukan ko ring magsuot ng brown na abito. Ang nakababata ko namang kapatid ay naging sakristan sa VOT.

Minsan, nag-uusap kami ni Father Oca na nakaupo lang sa tapakan ng hagdan papasok sa opisina ng simbahan. Doon ay nagkukwentuhan, at kung hindi mo siya kilala ay aakalain mong hindi pari at tambay lang sa kanto ang iyong kausap. Simpleng manamit. Simpleng kausap. Ngunit matalas pag nakinig ka sa kanyang sermon sa homily, dahil hindi lang pansimbahan kundi isyung panlipunan ang kanyang tinatalakay.

Sa kanya ko nga nabatid na may itinatayo noong malaking kilusan na tinawag na Siglaya, subalit hindi iyon naging katuparan. Hanggang sa ibang kilusan ay naging aktibo ako, lalo na sa eskwelahan kung saan ako'y bahagi ng campus paper at nahalal na opisyales ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) na dating LFS-NCR.

Dahil ako'y aktibo, isinama ako nina Father Oca sa dalawang linggong imersyon sa Lamitan, Basilan sa Mindanao, sa kumbento ng mga pari, na malapit sa Campo Uno na headquarters ng Philippine Marines. Doon ko nakilala si Fr. Al Villanueva na siyang aktibo roon. Isinama rin kami nina Father Oca sa Lungsod ng Isabela sa Basilan at kinausap namin ang retiradong Obispo na si Jose Ma. Querexeta. Tatlong araw iyon bago ang Earth Day.

Natatandaan kong nakangiting tinanong kami ni dating obispo Querexeta kung bakit kami nandoon sa Basilan gayong mas mabuting manatili sa Maynila. Pagkatapos, hinikayat niya kaming lumahok sa funeral march para sa darating na Earth Day. Ang nasabing funeral march ay pinangunahan ng Basilan Green Movement, Inc. Bakit funeral march? Ayon sa obispo, walang dahilan upang ipagdiwang ang Araw ng Daigdig dahil sinisira ng tao na dapat maging tagapagtanggol ng Mother Earth ang kanyang sariling tirahan. Isa iyon sa nagpamulat sa akin upang maging bahagi ng kilusang makakalikasan nang bumalik sa Maynila.

Isinulat ko ang mga karanasang iyon sa aking kolum sa pahayagang pangkampus. Bilang manunulat ay minsan na rin akong nakapag-ambag ng sulatin sa OFM newsletter, na buwanang pahayagan ng simbahan.

Nang malipat na si Father Oca sa Provincial noong 1995, unti-unti na rin akong hindi nag-aktibo sa St. Anthony Shrine, at mas nag-pultaym na sa kilusang masa, kasama ang grupong Sanlakas, at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang huli naming pagkikita ni Father Oca ay noong 2015, dalawang dekada ang nakalipas, nang mapadalaw ako sa St. Anthony Shrine at nakita ko siya. Doon ay binigyan ko siya ng libro kong "Sa Bawat Hakbang" na pawang mga tula hinggil sa sinamahan kong Climate Walk from Luneta to Tacloban. Isa iyong paglalakad mula Kilometer Zero hanggang Ground Zero mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014, sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda.

"Tumutula ka na pala ngayon, ah." Sabi ni Father Oca, at pinasulat pa niya sa akin ang celphone number ko.

Halos siyam na taon makalipas ay ibinalita nga sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca. Nang tinanong ko kung saan ang burol, ang sagot niya'y nasa ospital pa ang bangkay. Si Thorvix ay matagal kong nakasama sa Kamalayan bilang aktibista.

Kasalukuyang nasa Benguet ako nang ibalita ni Thorvix na namatay na si Father Oca. Maraming salamat sa pagpapaabot, kasamang Thorvix.

Malungkot na balita subalit lahat naman tayo ay mamamatay. Una-una lang. Kaya bilang pag-alala at pagpupugay ay kumatha ako ng tula bilang alay kay Father Oca.

MUNTING TULA PARA KAY FATHER OCA

itinataas ko ang aking kaliwang kamao
bilang tanda ng pagpupugay sa naging ambag mo
sa simbahan, lipunan, at nakasamang totoo
nangaral, di lang God, kundi karapatang pantao

para bagang mga anak ang turing mo sa amin
isyung pambayan sa homily mo'y aming diringgin
sa pagtahak sa mga matitinik na landasin
tulad ng pagtungo sa Basilan na danas ko rin

mga sermon mo'y sadyang matalas, nakahihiwa
lalo't isyu'y Diyos at Bayan, nadaramang sadya
tunay kang kaibigan at magandang halimbawa
sa simbahan at sa bayan ay maraming nagawa

nawala ka man sa mundo, marami mang nalumbay
pahinga ka na, tula man ang aking tanging alay
maraming-maraming salamat po sa payo't gabay
Father Oca, ako po'y taospusong nagpupugay

01.25.2024

* litrato mula sa youtube

Rambol

RAMBOL

app game na Word Connect ay kaysarap laruin
sa panahong pahinga muna sa gawain;
ang nirambol na letra'y iyong bubuuin
upang maging salitang madalas gamitin

pamparelaks ng isip ang nasabing laro
ramdam mo man ay lumbay, dusa't pagkabigo
magkonsentra lang, matatanggal ang siphayo
tatalas ang diwa't kaysaya pag nabuo

COURSE at SOURCE, parehong bilang, parehong titik
CAUSE at SAUCE, saguting walang patumpik-tumpik
AVAILS at SALIVA, kaya mong walang imik
TIDEDIETEDIT ang sagot ng matalisik

mga nirambol na titik pag nabuo mo
ay mahahasa ang iyong bokabularyo
pasensya na't Ingles ang salitang narito
ngunit nakakatuwa pag nilaro ito

- gregoriovbituinjr.
01.25.2024

Manhik-manaog

MANHIK-MANAOG

bata pa'y manhik-manaog na sa hagdanan
ng matandang bahay kaya gulat si Tatang
huwag raw maglaro roo't baka masaktan

bilang paggalang, ako naman ay nakinig
yabag ko'y kaylakas na kanyang naririnig
baka madulas ay masungaba't manginig

subalit madalas ay makulit talaga
dulot ng manhik-manaog ay ibang saya
ganyan kami kalilikot noong bata pa

may labindalawang baytang nang binilang ko
ang tinatapakan at tinatakbo-takbo
nang nangyari'y di inaasahang totoo

pag tingnan ang hagdanan ay sadyang matayog
nang ako nga'y nadulas at ulo'y nauntog
nagkabukol dahil sa pagmanhik-manaog

- gregoriovbituinjr.
01.25.2024

Pangarap

PANGARAP

nais kong muling makapag-aral
kursong pagluluto ng almusal
kursong hinggil sa pangangalakal
kursong kahit di pamprupesyunal

pag-aayos ng sirang sasakyan
paggawa ng bahay o tahanan
maging inhinyero'y paghusayan
maging working student minsan man

nagtrabaho akong makinista
sa metal press noon sa pabrika
ngunit ako'y nag-resign talaga
nang sa kolehiyo'y mag-aral na

may kurso ako noon: B.S. Math
ngunit kay-agang nag-pultaym agad
upang masa't uri ay imulat
at sistemang bulok ay ilantad

di sapat ang magbasa ng libro
o tumambay sa aklatan dito
pasya ko'y mag-aral muli ako
at makapagtapos nang totoo

- gregoriovbituinjr.
01.25.2024

Miyerkules, Enero 24, 2024

Guano

GUANO

dumi pala nitong paniki ang GUANO
'kala ko, sagot sa pahalang ay GUAPO
ngunit sa pababa'y di P ang sagot dito
ang tanong ay titik sa salitang Griyego

walang PU, may PI, NU, MU, kaya anong tama
hinanap sa diksyunaryo, nakitang sadya
ipot ng ibong panggabi, wikang Kastila
ang gamit ng guano'y pataba sa lupa

mabuti't ganitong kataga'y ating pansin
na dagdag naman sa bokabularyo natin
magagamit sa tula at ibang gawain
tulad sa pakikipagtalamitan na rin

bakit di nagagamit sa pananaludtod
sapagkat di pansin ang paniki sa lungsod
kaya salitang ito'y di maitaguyod
maliban na lamang kung ito'y natitisod

- gregoriovbituinjr.
01.24.2024

18 Pahalang - Dumi ng mga paniki
20 Pababa - Titik sa Greek

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 01.24.2024, p.10

Samboy Lim, idolong Letranista

SAMBOY LIM, IDOLONG LETRANISTA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nalungkot sa pagkamatay ng aking idolong basketbolista na si Avelino "Samboy" Lim Jr. Nitong Disyembre 23, 2023 ay namatay si idol sa gulang na 61. 

Sa loob ng apat na taon ko sa hayskul (wala pang K-12 noon) ay nakita ko nang personal at napanood ang mga laban nina Samboy Lim sa Rizal Memorial Colisuem, na siyang palagiang venue noon ng NCAA (National Collegiate Athletic Association), kung saan magkakaribal sa liga ang Letran, San Beda, Mapua, San Sebastian, Jose Rizal College, at di ko na matandaan ang iba pa.

Matapos ang mga aralin mula ikapito ng umaga hanggang ikatlo ng hapon, magtutungo na ako sa Letran gym upang doon tumambay. May anim na basketball court doon - isang full court na siyang pinaglalaruan ng mga atleta, at apat na half court sa gilid, tigalawa magkabila, subalit magkatapatan din. Hihiram kami ng bola sa janitor kapalit ng ID. At matapos maglaro kaming magkaklase ay isosoli namin ang bola, at ibabalik naman sa amin ang ID. Sa entabladong naroon sa gym ay doon naman nagpa-praktis ng taekwondo.

Sa Letran Knights sina Samboy, na mga atleta sa kolehiyo, habang pinangungunahan naman nina Libed at Tabora ang Letran Squires. Ka-batch ko at kaklase sa Letran si Babilonia na sumikat kalaunan sa Philippine Basketball Association (PBA). Naging basketbolista rin ang kaklase at ka-batch kong si Fritz Webb na anak ng maalamat na si Freddie Webb ng PBA.

Minsan, sa Letran Gym tumatambay ang iba pang manlalaro at doon nagpa-praktis lalo na para sa laban nila sa SEA Games. Kasama ni Samboy na nagpa-praktis doon sina Allan Caidic ng University of the East, Eric Altamirano ng San Beda, at iba pa.

Mahilig din akong maglaro ng basketball noon, subalit ini-represent ko ang Letran sa NCAA sa sports na track and field (1984) habang nasa fourth year high school ako. 1982 naman ay naging bahagi ako ng taekwondo team ng Letran at sa Rizal Memorial Coliseum din kami nakipaglaban.

Sa panahong iyon, sa pangunguna ni Samboy, ay naging kampyon ang Letran Knights nang tatlong magkakasunod na taon (1982-1984) at nasaksihan ko mismo iyon. Dahil pag may laban ang Letran, pati propesor namin ay kasama naming pumupunta sa Rizal Memorial Coliseum upang manood at mag-cheer para sa Letran.

Sa kalaunan, nabalitaan kong nagkaroon ng batas na Samboy Lim Law, o Batas Republika 10871, na mas kilala bilang “The Basic Life Support Training in Schools Act” na ang may-akda ay ang isa ring alamat na coach sa PBA na si Rep./Coach Yeng Guiao noong 2015. Ang batas ay ang pagsasanay hinggil sa basic life support training o CPR sa hayskul.

Kaya bilang atleta rin at Letranista ay taospuso akong nakikiramay sa pagkamatay ni Samboy Lim. Nais kong maghandog ng tula hinggil sa aking idolo.

SAMBOY LIM, LETRANISTA, SKYWALKER  NG PBA

taospusong pakikiramay sa buong pamilya
ni Samboy Lim, isang magaling na basketbolista
noong hayskul pa ako'y kilala na namin siya
napapanood madalas, magaling na atleta

siya ang nagdala sa Letran Knights sa kampyonato
nang tatlong sunod na taon, at naka-Grand Slam ito
nasaksihan ko iyon habang nag-aaral ako
kaya sa buong koponan, ako'y sumasaludo

at ilang taon pa, sa P.B.A. na'y nakilala
si Samboy Lim, ikinararangal na Letranista
sa mahusay na paglalaro, nabansagan siya
bilang Skywalker, tila lumilipad talaga

O, Samboy, tunay kang dangal ng ating paaralan
salamat sa ambag mo sa isports at sa lipunan
ang batas na pinangalan sa iyo'y karangalan
at taospuso ka naming pinasasalamatan

01.24.2024

* mga litrato mula sa google

Pagkain ng buhay-Spartan

PAGKAIN NG BUHAY-SPARTAN

kapag wala si misis, balik sa buhay-Spartan
pagkat bilang aktibista, ito'y nakasanayan
kaya wala munang masarap na pananghalian
kundi ang naisipa'y pagkaing pangkalusugan

sibuyas, bawang, kamatis, at talbos ng kamote
pampalakas ng katawan, ganito ang diskarte
pawang mga gulay, prutas, isda, at walang karne
kahit sa kapwa tibak, ito'y munti kong mensahe

mahirap man ang buhay-Spartan na binabaka
ang bulok na sistema't mga pagsasamantala
dapat handa't malakas sa pagharap sa problema
lalo't asam itayo ang lipunang makamasa

mga payak na pagkain ngunit nagpapalakas
ng diwa't katawan, paghahanda sa bagong bukas

- gregoriovbituinjr.
01.24.2024

Ang aklat-pangkalusugan nina Doc Willie at Liza Ong

ANG AKLAT-PANGKALUSUGAN NINA DOK WILLIE AT LIZA ONG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng nabili kong aklat-pangkalusugan. May pamagat itong "Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain" na Payo Pangkalusugan na inakda nina Doc Willie Ong at Doc Liza Ong. Nagkakahalaga ito ng P200 na nabili ko nitong Enero 23, 2024, sa ikalawang palapag ng National Book Store sa Gateway, Cubao. Binubuo ng 112 pahina, na ang naka-Roman numeral ay 7 pahina (na binubuo ng Pamagat, Publishers' Corner, Nilalaman, Paunang Salita), habang ang talagang teksto ay umaabot ng 105 pahina.

May dalawa pang aklat na ganito rin, na kumbaga'y serye ng aklat-pangkalusugan ng mag-asawang Ong. P200 din, subalit hindi ko muna binili. Sabi ko sa sarili, hinay-hinay lang. Pag nakaluwag-luwag ay bibilhin ko rin ang dalawa pang aklat nila upang makumpleto ang koleksyon.

Sa Paunang Salita, binigyang-pansin ni Mr. Miguel G. Belmonte, presidente ng pahayagang The Philippine Star at tabloid na Pilipino Star Ngayon, ang wikang Filipino. Ayon sa kanya, "Kapag nagpupunta ako sa mga health section ng mga book store, napapansin ko na walang libro ukol sa pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino. Sa presyo pa lang magkakasakit na ang mambabasa."

Tama. Kaya kailangang pag-ipunan din, at kung nasa Ingles ay baka hindi bilhin. Kailangan mo pa ng diksyunaryo upang sangguniin kung ano ang kahulugan ng salitang nasa Ingles. Mabuti na lang, mayroon na ngayong aklat-pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino, at ito nga ang sinulat ng mag-asawang Ong.

Tinapos ni Mr. Belmonte ang kanyang Paunang Salita sa ganito: "Ang librong 'Sakit sa Puso, Diabletes at Tamang Pagkain' ang tamang libro para sa kalusugan na dapat mabasa ng mga Pilipino sa panahong ito. Madali itong maiintindihan at mauunawaan."

Kayganda ng sinabing ito ni Mr. Belmonte. Dahil tayo'y bansang nangangayupapa sa wikang Ingles, na animo ito'y wika ng may pinag-aralan, at itinuturing ng iba na wikang bakya ang wikang Filipino. Kaya magandang panimula ang sinabing iyon ni Mr. Belmonte upang mahikayat pa ang ibang manunulat, doktor man at hindi, na magsulat sa wikang nauunawaan ng karaniwang tao sa ating bansa. Pagpupugay po!

May sampung kabanata ang aklat na ito. At narito ang pamagat ng bawat kabanata:
I. Sakit sa Puso at Diabetes
II. Tamang Pagkain
III. Tamang Pamumuhay
IV. Para Pumayat, Gumanda at Para sa Kababaihan
V. Murang Check-up at Tamang Gamutan
VI. Murang Gamutan
VII. Tanong sa Sex at Family Planning
VIII. Artista at Kalusugan
IX. Mga Sakit Mula Ulo Hanggang Paa
X. Pahabain ang Buhay

Habang isinusulat ito, natapos ko nang basahin ang unang kabanata. Talagang tumitimo sa akin ang mga payo rito. Tunay na malaking tulong ito sa ating mga kababayan.

Nais kong maghandog ng soneto (o munting tulang may labing-apat na taludtod) hinggil sa makabuluhang aklat na ito.

AKLAT-PANGKALUSUGAN

kaygandang aklat-pangkalusugan ang nabili ko
sinulat ng dalawang batikang doktor ang libro
taospusong pasasalamat, ako po'y saludo
pagkat malaking pakinabang sa maraming tao

"Sakit sa Puso, Diabletes, at Tamang Pagkain"
ang pamagat ng librong kayraming payo sa atin
kung nais mong tumagal ang buhay, ito'y basahin
bawat kabanata nito'y mahalagang aralin

may sakit ka man o wala ay iyong mababatid
ang bawat payo nilang tulong sa mga kapatid
nang sa mga sakit ay makaiwas, di mabulid
sa gabing madilim, libro'y kasiyahan ang hatid

maraming salamat po, Doc Willie at Doc Liza Ong
sa inyong aklat at mga ibinahaging dunong

01.24.2024

Martes, Enero 23, 2024

Nilay

NILAY

nakatingalang muli sa kisame
naglalaro ang diwa ngayong gabi
sa loob ay kayraming sinasabi
bakit di sa una ang pagsisisi

kaharap ay kawalan, nalulumbay
tila nahihibang, di mapalagay
ang mga nangyari'y di mapag-ugnay
samutsari, bagay, gabay, antabay

ano kaya't magkape muna kita?
bagahe'y ibaba pansamantala
saan patungo sa kamakalawa?
pagkakape nga ba'y nagpapakaba?

mas nais ko pang titigan ang langit
habang nasa katreng lumalangitngit
sa diwa'y may kung anong humaginit
animo'y palasong may dalang lupit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2024

Lunes, Enero 22, 2024

Ang paghuhugas ng pinggan ay panahon ng pagkatha

ANG PAGHUHUGAS NG PINGGAN AY PANAHON NG PAGKATHA

may napansin sa sarili / kung paano ba kumatha
na habang nasa lababo, / may biglang nasasadiwa
doon ay napagtanto ko / yaong karanasang sadya:
ang paghuhugas ng pinggan / ay panahon ng pagkatha

kaya ginawa kong misyon / sa buhay at sa tahanan
na ako ang maghuhugas / ng aming pinagkainan
araw, tanghali at gabi / ay tungkulin ko na iyan
na panahong kayrami kong / mga napagninilayan

mga karaniwang bagay, / mga samutsaring isyu
ang laban ng maralita, / babae, uring obrero
may tula sa kalikasan, / sanaysay, pabula't kwento
tula sa diwatang sinta, / nobela kong pinaplano

aba, minsan din talaga / sa lababo tumatambay
at pagkatapos maghugas / ay isulat ang nanilay

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYFsB1gQf/

Pagbigkas ng tula sa rali

PAGBIGKAS NG TULA SA RALI

ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali
pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi
kahit makasagasa man nang walang pasintabi
ay tutula ako ng walang pag-aatubili
nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi

pagkat wala rin akong ibang entabladong alam
kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan 
wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan
kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan
upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan

pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas
na tila mga apo nina Batute't Balagtas
habang atin namang tinatahak ang wastong landas
tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

Linggo, Enero 21, 2024

Sa daigdig ng salita

SA DAIGDIG NG SALITA

sa daigdig ng salita
ay naroong nagmakata
at pinapaksa ng tula:
lumbay, libog, lansa, luha

pag-ibig ay iniluhog
sa diwatang maalindog
nagpatuloy sa pag-inog
ang mundo ng magsing-irog

pangungusap na masidhi''y
may simuno't panaguri
huwag sanang magkamali
sa pang-abay at pang-uri

sana'y puno ng pag-ibig
ang salita ng daigdig
labanan ang manlulupig
at sa prinsipyo'y tumindig

- gregoriovbituinjr.
01.21.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Sabado, Enero 20, 2024

Bawal ang marupok

BAWAL ANG MARUPOK

katulad ng pag-ibig
ay bawal ang marupok
na kapag walang tubig
sa apoy matutupok

ang daan ay matagtag
parang mga problema
kaya magpakatatag
ka sa buhay tuwina

halimbawa'y upuan
kailan ba tatayo
upang tingnan ang bayan
sa hiwa ba'y nagdugo

gawin mo anong tama
nang magalak ang madla

- gregoriovbituinjr.
01.20.2024

Gripo sa galon ng tubig

GRIPO SA GALON NG TUBIG

tinaob lang ang galon, nilagyan ng gripo
di na kinailangan ng dispenser nito
aba'y halimbawa ng ingenuity ito
na ating maipagmamalaking totoo

di man malamig, pag ikaw ay hinihingal
o sa mahabang gawain ay napapagal
pindutin, baso'y isahod para sa mahal
sandali lamang at uhaw na'y matatanggal 

- gregoriovbituinjr.
01.20.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYhTucuoe/

Bard

BARD

si William Shakespeare ang Bard of Avon ng England
si Robert Burns ang national bard ng Scotland
iyang bard pala'y makata ang kahulugan
kapara'y Batute't Balagtas nitong bayan

noo pa'y pangarap kong maging tulad nila
tula'y tularan, tula ang tulay sa masa
pawang tula ang bawat kong pangungumusta
at binibigkas sa rali't pakikibaka

bilang manunula ay kumikilos ako
para sa hustisya't karapatang pantao
laban sa pang-aapi at pang-aabuso
upang itayo ang lipunang makatao

pagbabago ng sistema'y paksa't pananaw
uring manggagawa't dukha'y prinsipyong litaw
ah, nawa'y makilala ring bard balang araw
at maramdaman iyon bago pa pumanaw

- gregoriovbituinjr.
01.20.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Biyernes, Enero 19, 2024

Inaantok na

INAANTOK NA

sa pagkapagod, inaantok din
dama ko agad, di man sabihin
iidlip muna kahit sandali
upang sa lakas ay makabawi

napapapikit ang mga mata
sadyang nais makapagpahinga
di na maimulat ang talukap
habang may ginhawang hinahanap

mamaya lang ay mananaginip
may saya't lungkot na di malirip
na makikita muli ang mutya
suliranin ay di mahalata

malulutas ang maraming bakit
magpahinga lang muna't pumikit

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYcrV034v/

Pagpapainom ng gatas

PAGPAPAINOM NG GATAS

habang wala ang talagang ina
ay may nag-aalaga sa tatlo
may gatas na sinususo sila
upang lumakas silang totoo

nag-aalaga'y parang ina rin
habang nagpalahaw at ngiyawan
ang bagong silang na tatlong kuting
na nanay nila'y nasa galaan

kinanlungan nila'y munting kahon
doon na nagbanig at humiga
gatas muna't di pa makalamon
mahirap iwan, di makagala

kaysarap dinggin ng mga ngiyaw
na talagang umaalingawngaw

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLY9RCliuZ

Napaidlip


NAPAIDLIP

napaidlip ako sa pagsusulat
ng paksang halos di ko madalumat
diwa ba'y natutuyo't nagsasalat
nagdurugo ang utak, di maampat

ang mata ko'y di basta maimulat
pagkat ramdam ng katawan ay puyat
sa pagsusulat man, dapat mag-ingat
lalo't daliri ko'y namumulikat

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLY7LIrLkO/

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...