Lunes, Agosto 29, 2022

Ngiti

NGITI

tila ba iwing puso'y nasa alapaap
pagkat taal ang alindog ng nakita ko
diwatang aking yapos sa laksang pangarap
isang ngiti lang niya'y namutla na ako

di ko na nasuri ang kanyang mga ngipin
kundi ang hugis ng mapula niyang labi
tinangay ako sa di mawaring isipin
pagkat kahali-halina ng kanyang ngiti

tingni't anong ganda ng kanyang kabuuan
pagkatao niya'y bituing nagniningning
ako nga'y natulala sa kanyang kariktan
animo'y isang artista sa puting tabing

saan ako patungo, O, aking diwata
kundi sa iyo lamang, ang makita kita
anumang karamdaman ko'y agad huhupa
sa isang ngiti mo lang, ako'y gagaling na

- gregoriovbituinjr.
08.29.2022

Huwebes, Agosto 25, 2022

Sa basurahan

SA BASURAHAN

may basurahan palang tapunan
ngunit nagtatapon ka sa daan
bakit? wala ka bang pakialam?
dahil ba di mo iyan tahanan?

sa tahanan ba'y maayos naman?
di mo ginagawang basurahan?
kalat dito, doon, at kung saan
para bang wala kang pakiramdam

pag walang basurahan, ibulsa
huwag magtapon ng basta-basta
sa basurahan lang magtapon ka
na dapat tayo'y may disiplina

tulungan natin ang kalikasan
pagandahin ang kapaligiran
basura'y doon sa basurahan
di sa pasilyo, daan, saan lang

- gregoriovbituinjr.
08.25.2022

Miyerkules, Agosto 24, 2022

Tasa

TASA

painitin na ang sikmura
maglagay ng tubig sa tasa
isunod ay kape o tsaa
nang diwa'y magising tuwina

kaninang hapong makulimlim
ay sinusulat ang panimdim
hanggang napit ang takipsilim
at hatinggabing anong dilim

magkape o magtsaa naman
upang sumigla ang katawan
gisingin ang diwang palaban
pagkat antok na ang kalaban

akda kasi'y dapat matapos
hinggil sa buhay ng hikahos
at sistemang mapambusabos
baka panahon na ay kapos

magtsaa kung wala nang kape
pag inaantok ay diskarte
kita'y magtsaa lamang dine
baka sa akda'y makabuti

- gregoriovbituinjr.
08.24.2022

Martes, Agosto 23, 2022

Bukambibig

BUKAMBIBIG

bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman
maging katulad sila ng bilyonaryong iilan
ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan
upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan

ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya 
sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa
ano nga ba namang pakialam nila sa iba
gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila

bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan
kolektibong pakikibaka, walang maiiwan
kung mababago ang sistemang para sa iilan
ay ating matatayo ang makataong lipunan

di pansarili kundi panlahatan ang pangarap
ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap
ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap
at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022m

Paglaban

PAGLABAN
Tulang TAGAIKU
(TAnaGA at haIKU)

i

sila'y nakikilaban
para sa kalayaan
ng tanang mamamayan
mula sa kaapihan

tanong ni pare
bakit sila inapi
ng tuso't imbi

ii

yaong lakas-paggawa'y
di binayarang tama;
ang bundat na kuhila'y
sa tubo nagpasasa

doon hinango
ng hayok na hunyango
ang laksang tubo

iii

kayraming mahihirap
na mayroong pangarap
anong gagawing ganap
nang dusa'y di malasap

mundo'y baguhin
tanikala'y lagutin
nang laya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

TANAGA - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod
HAIKU - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Pag-ibig ay pag-aaklas

PAG-IBIG AY PAG-AAKLAS

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga lumang palabas
ng burgesya't talipandas
na sa masa'y nang-aahas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa korupsyong di malutas
sa kabang bayan nagwaldas
sa inosente'y umutas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga pilak ni Hudas
sa gawa ng mararahas
sa bulong ng balasubas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga trapo't madugas
salita'y giliw ng ungas
na pangako'y laging gasgas

pag-ibig sana'y parehas
tungo sa magandang bukas
asam ay lipunang patas
na magpakatao'y bakas

pag-ibig sana nga'y basbas
sa dalawang pusong wagas
sa pagsusuot ng medyas
sa pagtitiklop ng manggas

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

Lunes, Agosto 15, 2022

Nakalalasong butete

NAKALALASONG BUTETE

nakabibigla ang isang ulat
na mula sa malayong probisya
nalason sa butete, minalas
anim na anak at mag-asawa

iniluto ang isdang butete
o buriring, siyang inalmusal
makalipas ang ilang sandali
isinugod sila sa ospital

nahilo kasi't nawalang malay
pagkat sila na pala'y nalason
di mo masabing ganyan ang buhay
kung bumagsak ka't di makabangon

may nakalalasong bahagi raw
ang isdang butete o buriring
na dapat tanggalin habang hilaw
lutuing mabuti saka kainin

maiging ganito'y nabalita
upang ito'y mabatid ng bayan
upang sa pagkain nito'y handa
nang pamilya't kapwa'y maingatan

- gregoriovbituinjr.
08.15.2022

* Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.22, p. 2

Sabado, Agosto 13, 2022

Ang libro

ANG LIBRO

thirty five pesos lang ang libro
sa BookSale ko nabili ito
bakasakali lang matuto
sa taong binabanggit dito

pamagat ng libro'y "Boy Genius"
hinggil sa nagpanalo kay Bush
anong prinsipyong tumatagos?
taktikang ginamit nang lubos?

sino si Karl Rove, busisiin
baka may matutunan man din
ito ba'y magagamit natin
upang tayo'y magpanalo rin

kabibili lang nitong aklat
di pa ito nabasang sukat
'yaan ito muna'y mabuklat
pag nabasa na'y iuulat

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* nabili ko ang nasabing libro sa BookSale, Farmers, Cubao

Biyernes, Agosto 12, 2022

Anim na oras na trabaho kada araw

Sigaw ng maralita:
ANIM NA ORAS NA TRABAHO KADA ARAW

anim na oras na trabaho ang hiling ng dukha
upang madagdagan ang labor force, ang manggagawa
bukod sa bahay, sinisigaw na rin nilang kusa:
“TRABAHO PARA SA WALANG TRABAHONG MARALITA!”

sigaw na nila: TRABAHO'Y GAWING ANIM NA ORAS!
kung may tatlong obrero sa paggawang otso-oras
sa loob ng isang araw, ah, sa anim na oras
ay magiging apat na ang obrero, di ba, patas?

mungkahi iyan ng dukha upang magkatrabaho
tatlong manggagawa pa'y naging apat na obrero
kawalan ng trabaho'y nasolusyunang totoo
di na mukhang kawawa pag dukha na'y may trabaho

tanggalin din ang age limit, dapat ding ikampanya
upang may edad man, magkatrabaho, kung kaya pa
sa ganito, maralita'y may dignidad nang kanya
at mabubuhay pa nila ang mahal na pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* litrato mula sa blog ng KPML

Huwebes, Agosto 11, 2022

Saan daw ako nagsusulat?

SAAN DAW AKO NAGSUSULAT?

tanong sa akin ng isang kapwa ko manunulat
"kaibigan, sa anong pahayagan ka nag-uulat,
tumutula, nagsasaysay, o kaya'y nagsusulat?"
tila sa kanyang tanong, ako'y bahagyang nagulat

pagkat tulad nila'y may dyaryong pinagsusulatan
nagmamalaking nagsusulat sa ganito't ganyan
kanilang akda'y pinababasa sa sambayanan
sinabui ko rin ang dyaryo kong pinaglilingkuran

ako'y nagsusulat sa Taliba ng Maralita
na opisyal na pahayagan ng samahang dukha
ang K.P.M.L. ay may dyaryong kanilang ginawa
dalawampung pahinang dyaryong kayrami ng akda

mga ulat ng samahan sa dinaluhang pulong
at nag-uulat ng tapat, di fake news o halibyong
ang pangulo ng samahan pa'y may sariling kolum
may balita't tula, isyu'y paano isusulong

salamat sa Taliba ng Maralita, may dyaryo
akong pinagsusulatan, sa kanila'y tugon ko
na sa mga akda ko'y naglalathalang totoo
na pag nawala pa ito'y ikaluluhang todo

- gregoriovbituinjr.
08.11.2022

* K.P.M.L. - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)    

Hugot

HUGOT

pag nais kunin ay huhugutin
ang litaw sa butas na malalim
hugot din pag mula sa damdamin
na sa diwa'y lalambi-lambitin

iniibig kita, aking mahal
ibig kita kaya minamahal
kahit na hirit mo'y pulos mahal
mahal bilhin, presyo'y anong mahal

kayraming hugot sa mga pader
na isinulat naman sa papel
di ko na kailangan ng google
nang makita ka, the search is over

dilim ka ba? noong dumating ka
wala na akong nakitang iba
kung ini-SMALL ka naman nila
aba'y inii-BIG naman kita

kung si pinsan, may asawang Pretty
at may Byutipul naman si Pare
isang katoto'y mayroong Honey
aba, ako nama'y may Liberty

kayraming hugot ng dusa't tuwa
dulot ay kilig o kaya'y luha
may pintig yaong sinasalita
minsan, sapul ang bawat patama

- gregoriovbituinjr.
08.11.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa nadaanan niyang sago't gulaman

Miyerkules, Agosto 10, 2022

Walden

WALDEN

aba'y laman siya ngayon ng mga pahayagan
siyang binabaka yaong nakaambang karimlan
siyang lumalaban sa mga kasinungalingan
siyang matapang na ihayag ang katotohanan

tangan kaya ng anak ng diktador ang pambura?
ng kasaysayang nais nilang mabago talaga?
katotohanan kaya'y tangan ba naman ng masa?
ayaw mabaluktot ang naganap na diktadura?

dudurugin ang estratehiya ng mandarambong
at mga halimaw na sa bayan ay gumugunggong
huwag hayaang kumalat ang fake news o halibyong
huwag hayaang bayan ay punuin ng linggatong

sa panahon noon ng ama, ikaw na'y napiit
kumilos para sa karapatan ng maliliit
isinulong ang adhikain at lipunang giit
sa panahon ngayon ng anak, muli kang napiit

ituloy mo ang laban, inspirasyon ka sa amin
habang ipinaglalaban mo'y tinutuloy namin
taas-kamaong pugay sa tangan mong adhikain
pagkat magkasangga nating lalabanan ang dilim

- gregoriovbituinjr.
08.10.2022

Martes, Agosto 9, 2022

Paglalaba sa kanal

PAGLALABA SA KANAL

binidyuhan ko lang nang makita
ang isang matandang naglalaba
sa tubig ng kanal, sa bangketa
dahil tubig ba'y libre talaga?

kita kong malakas ang pag-agos
ng tubig, baka kaya nilubos
ng matanda, paglaba'y rinaos
lalo't sa buhay siya'y hikahos

bakit kanal ang nilabhang lubha?
nitong matandang tingnan mo't dukha?
kawawang buhay ng maralita
baka wala pang bahay si Tanda

ayoko pang tingnan siyang baliw
kundi sa pagbidyo pa'y naaliw 
matandang kapara'y basang sisiw
na marahil iniwan ng giliw

- gregoriovbituinjr.
08.09.2022

* ang bidyo na 15 segundo ang haba ay nasa kawing na: https://fb.watch/eOd7NSrM28/

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL may abiso sa sahig ng traysikel kong sinakyan:  "Bawal manigarilyo" tagos sa puso't diwa'y um...