Sabado, Setyembre 27, 2025

Buwaya

BUWAYA

tila buwaya'y mukhang Lacoste
pangmayaman, pangmay-sinasabi:
ang "Their Luxury, Our Misery"
na patamà sa mga salbahe

istiker o plakard sa lansangan 
na sa paglalakad nadaanan
kaya kaagad nilitratuhan
pagkat mensahe'y para sa bayan

lalo't buwaya'y bundat na bundat
pati contractor at kasapakat
pondo ng flood control ang kinawat
kaya pagbaha'y kaytinding sukat

sadyang sila'y mga walang budhi
walang dangal at kamuhi-muhi 
mga ganid na dapat magapi
sa pwesto'y di dapat manatili

kaban ng bayan na'y kinurakot
nilang kawatang dapat managot
sigaw ng bayan, lakip ay poot:
IKULONG ANG LAHAT NG KURAKOT!

- gregoriovbituinjr.
09.27.2025

Biyernes, Setyembre 26, 2025

Kawatan, ikulong, panagutin sila!

KAWATAN, IKULONG, PANAGUTIN SILA!
(to the tune of Katawan, by Hagibis)

flood control projects, naglalaho
flood control projects, naglalaho

kawatan, kawatan, ikulong na iyan!
kawatan, kawatan, ikulong na iyan!

kawatan, kawatan, panagutin sila!
kawatan, kawatan, panagutin sila!

flood control projects, naglalaho
kawawa ang bayan ko, ang tao

kawatan, kawatan, ikulong na sila!
kawatan, kawatan, panagutin sila!

- gbj, 09.26.2025

* mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19QEBGARnP/ 

Labanan ang katiwalian!

LABANAN ANG KATIWALIAN!

katiwalian ba'y paano lalabanan?
ng mga wala naman sa kapangyarihan
ng mga ordinaryong tao, mamamayan
ng kagaya kong naglulupa sa lansangan

iyang katiwalian ay pang-aabuso
ng pinagtiwalaan mo't ibinoto
para sa pansariling pakinabang nito
pondo ng bayan ang pinagkunang totoo

paano ba tayo magiging mapagbantay?
upang katiwalian ay makitang tunay!
paano ba bawat isa'y magiging malay?
na may korapsyon na pala't di mapalagay

ang mga tiwali'y paano mahuhuli?
kung krimen nila'y pinagmumukhang mabuti?
kung may mansyon na ba't naggagandahang kotse?
kung serbisyo'y negosyo na, imbes magsilbi?

dahil sa ghost flood control projects at pagbahâ
kayâ katiwalia'y nabatid ng madlâ
habang mayayama'y masaya't natutuwâ
dahil sa nakurakot sa kaban ng bansâ

salamat sa mga dumalo sa Luneta
at Edsa, pinakitang tumindig talaga
laban sa katiwalian at inhustisya
pagpupugay sa lahat ng nakikibaka!

- gregoriovbituinjr.
09.26.2025

* unang litrato mula sa google
* ikalawa'y kuha ng isang kasama

Huwebes, Setyembre 25, 2025

Sa laban lang tutumba kaming tibak na Spartan

SA LABAN LANG TUTUMBA KAMING TIBAK NA SPARTAN

isang inspirasyon ang Spartan na si Eurytus
di ang duwag na Spartan na si Aristodemus
ginawa ni Eurytus ay kadakilaang lubos
kabayahihan niya sa diwa't puso ko'y tagos

kapwa maysakit na sa mata, kaya inatasan
ni Leonidas na umuwi't magpagaling naman
subalit nang sa Thermopylae na'y nagkagipitan
bumalik si Eurytus, bulag na nakipaglaban

di gaya ni Aristodemus na umuwing buhay
at di na lumahok sa labanan sa Thermopylae
karuwagan niya sa kasaysayan sinalaysay
habang si Eurytus, nakibaka't umuwing bangkay

dalawang ngalan, isa'y bayani, duwag ang isa
kapwa mandirigmang Spartan, maysakit sa mata
tagos sa tulad kong tibak ang aral na nakita
di sa sakit kundi sa laban lang kami tutumba

- gregoriovbituinjr.
09.25.2025

* litrato mula sa google

Dalawang pandesal at tubig lang

DALAWANG PANDESAL AT TUBIG LANG

dalawang pandesal at tubig lang
ang kinain kaninang agahan
gayon na rin sa pananghalian
habang walang salapi'y tiis lang

hanap muli ng matatrabaho
kahit na kaunti lang ang sweldo
basta may mapambili lang ako
sa bawat araw, bawat minuto

tagamasa man sa panaderya
magdidyanitor sa opisina
tagahugas man sa karinderya
kahit tagalikom ng basura

subalit ayaw akong tanggapin
pag resumé ko na'y nabasa rin
sila daw pala'y takot sa akin
baka obrero'y organisahin

may panahong ganito ang buhay
na dilim ang iyong masisilay
habang yaring buhay na'y inalay
nang kabuluka'y labanang tunay

naubos na lahat ng naipon
di pa uli kumikita ngayon
sa pagkatha't pagsusulat doon
at dito na talaga kong layon

kaya, heto, nganga lang talaga
kaya pandesal at tubig muna
pinagkakasya ang nasa bulsa
ngunit tuloy ang pakikibaka

umaasa pang makakahanap
ng pagkakakitaan kong ganap
nakikibaka pa't nangangarap
Spartan pa rin kahit maghirap

- gregoriovbituinjr.
09.25.2025

Miyerkules, Setyembre 24, 2025

Kaming mga tibak na Spartan

KAMING MGA TIBAK NA SPARTAN

kami'y mga aktibistang Spartan
na apo ni Leonidas, palaban
tapat sa prinsipyo kahit masaktan
handang suungin kahit kamatayan
maipagtanggol lang ang sambayanan

nakikibaka kami araw-gabi
sa buhay man ay hirap, very busy
batid mang ang paglaban ay di easy
pinapatatag namin ang sarili
sistema'y inaaral nang mabuti

tutularan pa namin si Eurytus
di ang duwag na si Aristodemus
kaya nakikibaka kaming lubos
nang ginhawa'y kamtin ng masang kapos
at mawakasan ang pambubusabos

ng burgesya't tusong oligarkiya
ng mga kuhilang kapitalista
ng mga palamara't dinastiya
ng mga trapo't mapagsamantala
ng mga maygawa ng inhustisya

- gregoriovbituinjr.
09.24.2025

Pakikiisa sa sambayanan

PAKIKIISA SA SAMBAYANAN

naroon din ako sa Luneta
sa laban ng bayan nakiisa
laban sa mga katiwalian,
kagarapalan, at kabulukan

dapat nang palitan ang sistema
ng tusong trapo't oligarkiya
na serbisyo'y ginawang negosyo
na taumbayan ay niloloko

sigaw natin: sobra na, tama na!
baguhin ang bulok na sistema!
wakasan ang naghaharing uri!
lunurin na sila sa pusali!

ganyan ang galit ng sambayanan 
sa tuso't dinastiyang kawatan
hustisya ang ating minimithi
ngayon sana'y bayan ang magwagi

- gregoriovbituinjr.
09.24.2025

* kuha sa Luneta, 09.21.2025
* salamat sa kumuha ng litrato

Buwaya

BUWAYA tila buwaya'y mukhang Lacoste pangmayaman, pangmay-sinasabi: ang  "Their Luxury, Our Misery" na patamà sa mga salbahe i...